Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Tuloy pa rin ang Mahal na Araw

$
0
0

 

  Tuloy ang Mahal na Araw. Ang hindi lang tuloy ay ang nakagawian nating pagdadahan-dahan sa trabaho tuwing sasapit ang panahong ito. Dahil kulang isang buwan na tayong nagdadahan-dahan, o may ibang tuluyan nang tumigil sa pagtatrabaho. Kondenado sa ating mga bahay kung hindi nga lang sa mga “alay” na kailangang lumabas, suungin ang pangamba, para mamili ng kailangan sa buhay. O maghanap ng ikabubuhay. O, sa lagay ng mga nasa frontlines, magligtas ng buhay. 

Kung wala ang salot na COVID-19, balita na sa telebisyon ang mga terminal, paliparan, at pantalan na nagsisikip sa dami ng tao. Nag-iinspeksiyon na ang mga ahensiya sa mga tsuper at mga bus, mag-iinterbiyu ng mga chance passenger bitbit ang mga kahon at latang iuuwi sa kani-kanilang probinsiya habang nakatutok ang camera. “Maayos na ang lahat, handa tayo sa dagsa ng tao, basta lahat ay disiplinado,” or something to that effect na sasabihin ng hepe ng ahensiya sa mga mag-uulat. 

Naka-live broadcast na sa mga tollgate palabas ng Kalakhang Maynila ang mga reporter ng major television networks. Tinataya ang volume ng mga sasakyang palabas ng lungsod. Apat na araw itong mahaba-habang, aminin natin, bakasyon. Na, dahil taon-taon nang nangyayari, napaka-predictable. Maliban ngayon. 

Sige, marami namang hindi lang basta magbabakasyon. May ibang dadalo, gaya dito sa lalawigan kung saan ako naroon, sa class at family reunion. May ilan ding tutuparin ang panata, itutuloy ang tradisyon ng pananampalataya.

Tuloy ang Mahal na Araw kahit hindi tayo maglisaw-lisaw. Tuloy ang Mahal na Araw kahit walang prusisyon ng bawat eksena sa pasyon ni Hesukristo, kahit walang Via Crucis dahil sa ating pasang krus ngayon. Tuloy ang Mahal na Araw kahit walang senakulo, kahit pa maraming naghuhugas-kamay para maging totoong malinis o kaya’y maging malinis na gaya ni Pilato.

Kahit wala munang totoong Visita Iglesia, tuloy pa rin ang Mahal na Araw. Puwedeng-puwede pa ring mag-status ng #FeelingBlessedt. Puwede kang magbasang mag-isa kahit wala ang nakasanayan nating pampamayanang pabasa. Kunsabagay, sanay na ang marami sa ating tumunghay, noon pa man, sa telebisyon para panoorin ang pagninilay sa Huling Pitong Wika na naka-live telecast o ang manood sa pagdiriwang ng banal na misa sa Vatican ng Santo Papa tuwing Pasko ng Pagkabuhay.  

Tuloy lang ang Mahal na Araw. Tuloy ang pamamanata ng ilan kahit walang mobilisasyon ng mortal nating pag-iral sa mga simbahan, sa mga estruktura ng pananampalataya. Nasa social media platform tayo, maaaring naka-Zoom, o nakatunghay sa live telecast saan mang naaabot ng satellite feed.

Ngayon lang, maliban siguro noong mga taon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, walang aktibong pakikisangkot ng ating katawan sa pamamanatang nakasentro sa tradisyon ng simbahan. Ngayon lang, higit kailanman, mapakikinabangan nang husto ang birtuwal nating ugnayan sa Diyos na lumulunsad sa teknolohiya na dati ay naipahahayag sa mga lumang gusali at higit na antigong rituwal.  

#Panata 

Gaya ng maraming salitang sumama na sa leksikon ng ating wika, isa ang salitang panata sa tinatawag na loanword sa sociolinguistics. Hiniram o loaned. Pero wala na itong saulian. Neutral dapat ang salitang panata o ang marubdob, minsan ay walang katwiran at lohikang pagtupad sa atas at tungkulin. Panata. Gagawin kahit na ikasawi. Tutuparin kahit wala nang katuwiran. Kaya may negatibong konotasyon ang salita: panatiko. 

Kung tututuusin, derivative lang naman ang salitang panata mula sa salitang panatiko at panatisismo, na parehong galing sa salitang Latin na fanaticus, na mula naman sa fanum, santuwaryo o templo. Kung paanong derivative din ang salitang namamanata o pamamanata na dapat ay pareho lang halos ang kahulugan sa panatiko. Ang namamanata at panatiko ay tumutupad lang sa kaniyang panata, sa kaniyang debosyon. Ang panata, in itself, ay nangangahulugang marubdob na debosyon, pero may mas isisidhi pa, iyon nga lamang, negatibo: ang salitang panatisismo.  

Neutral ang salitang fan bilang tagasunod o tagatangkilik. Nag-iiba nang bahagya ang kahulugan, nagiging mas marubdob, kapag tinawag ka nang fanatic samantalang, kung tutuusin, iisang salita lamang ang kahulugan nito. Madaling tawaging fan. Pero may ibang konotasyon kapag tinawag ka nang fanatic o panatiko sa ating kultura.  

#Pamamanata 

Mas malapit sa ubod ng pananampalataya sa Diyos ang salitang pamamanata kaysa salitang panatisismo. Sa tradisyong Katoliko, maaaring mamanata ang isang tao sa isang santo. Maaaring mamanata sa isang okasyon gaya ng Pista ng Itim na Nazareno tuwing Enero 9 sa Quiapo.  

Sa ating kultura, malaking tsansang hindi mo gugustuhin ang matawag na panatiko, pero ayos lang ang tawaging namamanata, lalo ngayong Mahal na Araw. Karaniwang ginagamit ang salitang panatiko kung may debosyon sa isang pinaniniwalaan – puwedeng tao o doktrina o relihiyon – nang may diin, gigil, determinasyon, at, minsan, dahas. Samantala, sa pamamanata, ang rubdob ay nasa loob, may pagkimkim.  

Wala akong value judgment sa dalawang salita. Hindi ko sasabihing mamanata ka pero huwag kang maging panatiko. Ang sa akin ay ang pagsusuri, pagninilay sa mga salitang kumakatawan sa marami sa atin ngayon. Maraming gustong mamanata ngunit hindi matupad dahil sa kinakaharap na suliranin dulot ng COVID-19. Kung wala ang salot na ito, hindi na siguro magkamayaw ngayon dito sa amin sa Lucban dahil sa magagandang simbahan at shrines na dinadayo ng namamanata. Idagdag pa ang kadayo-dayo ring masasarap na pagkain. 

Tuloy ang Mahal na Araw. Ang ipagpapaliban lang muna ay ang pamamanatang nakanasanayan natin nitong mga nagdaang taon. Gayunman, pupuwede namang ituon ang pamamanatang ito sa ibang paraan at pagkakataon. Halimbawa, magandang suriin ang nasa ubod ng ating pamamanata, ang pagsuko sa ating sarili, ang pagsuko ng ating katwiran para sa ating debosyon sa Diyos at sa kabutihan ng ating kapwa. Ngayong Mahal na Araw, makamit sana natin ang level of selflessness na bunsod ng ating pamamanata.  

Oo, tuloy pa rin ang Mahal na Araw, pero iba ang hinihingi ng pagkakataon. Pagtulong. Bukod sa Diyos, ito sana ang maging sentro ng iyong panata ngayon. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>