Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[REFLECTIONS] Panlaban sa virus

$
0
0

 It’s a first in world history: an online Holy Week for millions of people, even in Vatican City, due to the coronavirus pandemic. Rappler presents a series of reflections to help you, our reader, enter the spirit of Holy Week even in quarantine.

Image from Shutterstock

Nasabi ko na noong nakaraang Martes Santo na ang tunay na kalaban ni Hesus ay hindi ang Roman Empire o ang mga punong saserdote ng Templo, kundi si Satanas. Nasabi ko rin na ang pakikitunggali ni Hesus sa demonyo ay hawig sa kasalukuyang pakikidigma natin sa COVID-19.

Hangga’t nasa labas natin siya, kaya nating labanan. Pero kapag nakapasok na siya sa atin, kung paanong nakapasok siya kay Hudas, mas mahirap na ang labanan. (Kailangan na ng ventilator. Sa spiritual virus, ang Holy Spirit ang ventilator.)

Ang problema, hindi natin nakikita ang kalaban. Naaaninag lang natin ang galaw niya kapag merong “symptoms.” Katulad ni Hudas – napansin na ni Hesus ang kakaibang galaw niya: mukhang ninenerbiyos, “defensive,” umiiwas. Actually, nagiging mas kumplikado ang labanan kapag walang symptoms. Sa 'di mo nalalaman, na-expose ka na pala, “asymptomatic carrier” 'ika nga. Dala-dala mo na pala and virus at puwede mong ipasa sa iba nang hindi mo alam. Katulad ni Pedro – parang normal na normal ang kilos pero hindi niya alam, gumagalaw na rin si Satanas sa kanya.

Ang sabi ng mga doktor, ang pinakamabisang panlaban sa virus ay madalas at tamang paghuhugas-kamay. Kaya pala paghuhugas din ang ginawa ni Hesus nang gabing iyon ng Huling Hapunan – sa paa nga lang. Ibang klaseng paghuhugas ang ginawa niya at itinuro sa mga alagad niya, gawaing alipin. Tinawag niyang halimbawa na dapat tularan nila kung gusto rin nilang mapagtagumpayan ang virus ni Satanas.

Pero matigas ang ulo ni Pedro – ayaw magpahugas, at ayaw maturuan ng paghuhugas. Parang nagre-react siya kay Hesus dahil hindi nga naman siya parang isang batang maliit na kailangan pang turuang maghugas. (Hindi ba ganoon ang feeling noong magsimula ang kampanya laban sa COVID-19? Ang dami na nating alam, gumagawa na nga tayo ng artificial intelligence, tapos back to basics na naman? The basic lesson of handwashing? Tamang paghuhugas ng kamay?)

Nasabihan tuloy si Pedro – “Kung ayaw mong magpahugas at matutong maghugas, bahala ka. Matatalo ka sa labanan. Hindi ako kundi si Satanas ang maghahari sa iyo. Sasakalin ka niya hanggang sa hindi ka na makahinga.” Noon lang siya nakumbinsi. Pero sa totoo lang, kahit ang mga kasamahan niya, naimpeksyon na rin ng virus ng pagnanasa sa kapangyarihan. Kaya nga ang panlaban ni Hesus ay kababaang-loob na magpaturong maghugas na tulad ng isang bata.

Alam ni Hesus, dahil siya ang espesyalista ng “infectious spirits”; siya naman talaga ang pinupuntirya ni Satanas, e. Siya talaga ang gusto niyang pabagsakin. At dahil hindi niya siya kayang pasukin, ang mga key personalities na lang sa kanyang mga disipulo ang titirahin niya: ang lider ng labindalawa na si Pedro at ang treasurer nila na si Hudas Iskariote.

Nabasa ko ang kuwento ni Dra. Cherry Abu, isang infectious disease specialist na taga-Iligan, sa Rappler. Sa hindi daw niya nalalaman, na-expose pala siya sa isang pasyente niya na wala namang travel history, may symptoms pero hindi kaagad na-diagnose na baka nga epekto ng coronavirus. Nang lumabas na COVID-positive ang pasyente, nagpa-test din si Doktora. Pero unang lumitaw ang sintomas ng COVID infection sa mother-in-law niya na kasama niya sa bahay. Matapos ang ilang araw, nalaman na pareho pala silang positive. Nakapag-uwi siya ng virus nang hindi niya nalalaman at sinasadya.

By then, matindi na rin ang epekto kay Doktora ng COVID-19, kaya nilagay din siya under isolation habang mino-monitor pa rin niya ang biyenan niya kahit through cellphone lang. Nakikipag-discuss sa mga doktor na uma-attend sa mother-in-law niya na napakabilis nag-deteriorate. Nang 'di na makahinga ang matandang babae, na-intubate ito sa ICU.

Kinuwento ni Dra. Cherry ang matinding dagok sa asawa niya ng pagkamatay ng kanyang ina, gayundin ang labis na paghinagpis ng kanyang biyenang lalaki. Ang sakit daw, dahil gusto man niya silang yakapin at damayan di niya magawa sa takot na baka pati sila ay mahawa. Na-guilty pa daw siya at nagsorry sa asawa na nahawa niya ang nanay nito nang hindi sinasadya. Huwag mong sabihin iyan, sabi daw ng asawa, hindi kita sinisisi. Gustuhin man nilang magluksa ni hindi sila nabigyan ng pagkakataon dahil na-cremate ang matandang babae sa loob ng 24 hours. Walang burol, walang basbas, walang Misa.

Sa kabutihang palad, unti-unting gumaling ang Doktora sa Ospital at nakauwi ngunit nag-isolate muna. Parang hindi pa sapat ang pinagdaanan sa ospital at pagkawala ng biyenan, binarikada pa ng mga kabarangay ang bahay nila, binawalang lumabas ang sinuman sa kanila, siguro nga dahil sa takot na baka mahawa din sila.

Sa awa ng Diyos, patungo na sa full recovery si Dra Cherry. Pagkatapos ng lahat ng masaklap na pinagdaanan niya, tinanong siya ng Rappler kung magpapatuloy pa ba siya sa paglilingkod bilang doktor sa dumadaming mga pasyenteng infected ng COVID-19. Ganito ang sagot niya:

“Oo naman. Ako ay doktor, espesyalista sa infectious diseases. Iyon ang pinag-aralan ko, iyon ang sinumpaan kong tungkulin, at doon ako tinawag na maglingkod ng Panginoon.”

May idinagdag pa ang doktora na lalong nakaantig sa akin. Sabi niya, “Kapag lubos na magaling na ako, kung tama ang sabi ng mga siyentipiko, baka ako daw ay isa sa mga ideal na tagapangalaga sa mga COVID-positive na pasyente dahil nag-develop na raw ako ng permanenteng immunity sa virus na ito. ‘Pag negative na talaga ang COVID test ko, balak ko na mag-donate ng aking dugo na magagamit daw sa “convalescent plasma therapy,” isa sa mga posibleng paraan ng pagpapagaling sa mga pasyenteng may COVID-19.

Parang narinig ko sa sinabi ni Dr Cherry ang sinabi ni Hesus sa huling hapunan—ang pinakamabisang panlaban niya sa virus ni Satanas: ang kanyang dugo. Sabi ni Hesus: “Narito ang aking dugo – ang dugo ng bago at walang hanggang tipan na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, sa ikatatalo ni Satanas.” Tama si Pope Francis. Ang sabi niya, sabihin daw natin, “I am vaccinated by the Precious Blood of Jesus Christ: No virus can touch me.” Binakunahan ako ng Mahal na Dugo ni Kristo; may panlaban ako sa virus! – Rappler.com

Bishop Pablo Virgilio David heads the Diocese of Caloocan. A renowned Bible scholar, he is also vice-president of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>