Nakakulong ka dahil sa pandemic. Tapos bigla mong mababalitaan mula sa isang kilalang website na wala ka na palang aasahang suweldo kahit regular kang empleyado. “Mandatory no work, no pay” na raw ngayon. Paano kakain ang pamilya mo?
Nabasa mo rin sa internet na panlaban daw sa virus ang maasim. Sa dinami-dami ng calamansi juice na ininom mo, mahapdi na ang sikmura mo at ‘di malayong nagka-ulcer ka na.
Dagdag pa diyan ang panginginig ng tuhod mo sa takot nang mapanood mo ang video ng mga katawang itinatambak sa mass graves sa Italy. Ibig sabihin, hindi malayong mangyari ‘yan sa Pilipinas!
Pero ilang search lang sa internet at makakahinga ka nang maluwag dahil “disinformation” pala ang mga ito. Lahat ng 'yan ay HINDI TOTOO. May mga troll post pa ngang namemeke ng logo ng mga mapagkakatiwalaang website tulad ng unang ehemplo.
Ito ang konkretong halimbawa ng serbisyo publiko ng lehitimong pamamahayag.
“Freedom of speech” at “press freedom” – ang kalayaan mong magpahayag ng opinyon at kalayaan ng mga mamamahayag na magbalita – ay garantisado ng ating Konstitusyon. Ang problema, sinabi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na toilet paper ang Saligang Batas. May halaga ba 'yan sa panahon ng pandemic?
Higit kailanman, kailangan natin ang mga batayang kalayaan upang maigpawan ang krisis at hindi tayo masiraan ng ulo. At hindi ‘yan cliche. Sa harap ng disinformation na pinakulo ng maiitim na budhi at bayarang mersenaryo sa internet, ang mga kalayaang ‘yan ang magbubukas ng mata natin sa katotohan.
Bakit? Lagpas sa pagkilatis ng totoo at peke, higit kailanman, kailangang singilin ang mga nasa kapangyarihan.
Sa panahon kasi ng krisis nagkakalabasan ng baho. Nabubuking ang puro dada at walang gawa. Napaghahalata ang inutil at tumitingkad ang mahuhusay. Kaya't kritikal ang mga kritiko.
Ito rin ang dahilan kung bakit sa maraming sulok ng mundo, ginagamit na excuse ang krisis pangkalusugan upang busalan ang mga kritiko.
Sa Hungary, binigyan ng “unli” na kapangyarihan si Premier Viktor Orban na magpatupad ng mga decree na 'di kailangang sang-ayunan ng mga Members of Parliament (MP). Sa Jordan, binigyan ng isang “defense law” ng kapangyarihan ang Prime Minister na habulin ang mga umano’y “nagpapalaganap ng panic.” Ganoon din sa Thailand kung saan bawal ang media magbalita ng “pekeng balita” na “mananakot sa taumbayan.” Sa Chile, militar na ang nakatambay sa mga public squares na dating balwarte ng mga nagpoprotesta.
Ang problema, ang mga nasa kapangyarihan ang nagbibigay depenisyon sa taguring "maling balita." Kapag hindi natipuhan ang sinabi mo, babansagan ka lang na "fake news," puwede ka nang hulihin.
Ayon kay Fionnuala Ni Aolain, ang United Nations Special Rapporteur on counterterrorism and human rights, maari tayong magkaroon ng “parallel epidemic” ng mapanupil na mga polisiya na sasabay sa pandemic.
Kahit bago pa ang epidemic, hindi na maganda ang record ng Pilipinas sa press freedom. Isa tayo sa mga kulelat sa World Press Freedom Index– pang-134.
Kaya't di na nakakagulat na ipinatawag ng National Bureau of Investigation ang higit sa sandosenang taong nag-post ng mga kuro-kuro na hindi ikinatuwa ng mga nasa-poder. Ayon kay Chel Diokno na abugado ng isa sa mga nag-post, nagpahayag lamang ang kanyang kliyente ng “concern” sa nagaganap sa bayan. Bakit balat-sibuyas ang gobyerno sa mga post na nag-uungkat ng paggamit ng pondo ng pamahalaan? (PANOORIN: Chel Diokno on the Rule of Law in a pandemic)
Sabi ng Department of Justice, nililimitahan ang free speech ng "greater interest of the public." At lahat naman daw ng hakbang nila ay alinsunod sa batas. Tanong kay Mr Menardo Guevarra, iiral ba ang “restraint” sa mga pulis, militar, at mga piskal kung mismong ang Pangulo ang nagsabing “shoot them dead?”
Nakadidismaya rin na ang isang campus journalist ng University of the East ay napilitang humingi ng tawad matapos batikusin si Duterte sa social media. Mismong mga dating titser niya ang nagpasimuno ng pagsasampa ng reklamo sa kanya sa barangay. Hindi na namin tatalakayin ang pagtataksil sa propesyon ng mga gurong nam-bully na supporter pala ni Digong. Ang nakaaalarma ay umabot pa ito sa barangay at ginamit na panakot ang cyber libel sa pobreng estudyanteng naging kritikal sa gobyerno.
May karapatan tayong lahat sa tumpak na balita. At lalong may karapatan tayong maglabas ng saloobin sa mga polisiyang nagbabago, at maaring sumira, ng buhay natin.
Sa panahong hindi abot-kamay ang hanap-buhay, laganap ang sakit na nakamamatay – buhay o kamatayan natin ang husay o kapalpakan ng gobyerno. Ang tanging panangga natin ay ang ating boses.
Sa totoo lang, bakuna ang malayang pamamahayag sa mga kasinungalingan at kapalpakan sa panahoon ng pandemic. Higit kailanman, dapat natin itong itaguyod at ipagtanggol. #DefendPressFreedom #CourageON– Rappler.com