Nagkakagulo na ang taumbayan. Marami na diumano ang namamatay sanhi ng halimaw na di-nakikita. Marami sa namatayan ang lumuluha at humihiling ng hustisya sa gobyerno.
“Huwag po nyo sisihin ang Kapulisan,” sabi ng hepe ng pulisya.”Hindi po sila ang may kagagawan nito. Hindi rin po ito Operation Tokhang. Sa katunayan po may mga pulis na rin na namamatay dito…”
Reporter: “Upon the suggestion of the Health Department and the Disaster Response Group, the President has ordered that Tondo be barricaded and quarantined; this contamination should be contained before it spreads…”
Kinabukasan, nagulat na lamang ang taumbayan sa dagsa ng mga tao sa kalye, bitbit ang kanilang mga gamit, papalabas ng kanilang komunidad. Sa dulo ng pila, mainit na ang ulo ng mga taumbayan at pulis na nagbabantay ng barikada.
“Bawal nang pumasok at lumabas sa barangay na ito. Huwag kayong pasaway. Sumunod na lang kayo!”
Reporter: “…hindi daw po ito Martial Law kundi isang Medical Emergency at Quarantine, ayon sa Palasyo…”
Domino, Task Force Head: “…We will make sure that the contamination will not spread, and the survivors will be fed with relief goods...There will be a curfew before midnight..."any suspicious characters roaming in the streets, shoot first, ask questions later…”
Iyang mga eksenang iyan ay walang kinalaman sa mga nangyayari sa kasalukuyan. Opo, tungkol iyon sa isang lockdown pero noong sinusulat ko ang mga eksenang ito, noong isang taon, wala akong kamalay-malay na mararanasan pala natin ito sa totoong buhay.
Ang mga eksena sa itaas ay hango sa aking screenplay na TOMBIE: Tondo Undead, na isinulat noong Marso 2019, at hanggang sa kasalukuyan ay naghahanap pa ng producer. May nagtanong sa akin kasi noon, “Ano ang magiging scenario kapag nagkaroon ng zombie apocalypse sa Tondo?" Aaaahhh, nahamon naman agad ang malikot kong isip kaya, heto, tinira ko ang dulang pampelikula sa loob lamang ng dalawang linggo.
Bilang manunulat at tagagawa ng pelikula, madalas ay nagiging trabaho po namin na mag-isip ng mga sobrang nakatatakot o nakaririmarim o mararahas na sitwasyon at tingnan kung paano iyon malalampasan ng ating mga bida. Nag-iisip kami ng napakatinding problema at iisipin namin ang solusyon.
Halos ganun ang nangyari sa akin sa pagsusulat ng Tombie: Tondo Undead– may kumalat na veerus, este virus, at lahat ng dapuan ay natutuyuan ng dugo at naghahanap ng laman na tao para kainin. Nangyari kunwari ito pagkatapos magtapon ng napakaraming bangkay ng gobyerno sa isang hukay sa Tondo, at marami sa mga nagkasakit ay tumangging magpabakuna. Tuloy, nagkaroon ng mga zombie, mga halimaw na nangangain ng karne at dugo ng tao para maibsan ang mga sakit nila. Halimaw ang itinawag sa kanila, at isinisi ang epidemya sa “maruming pamumuhay ng mga mahihirap sa Tondo.”
Nag-lockdown at pinalibutan ng mga barbed wires ang mga barangay sa Tondo (sa screenplay), at pinalibutan ng patung-patong na cargo containers ang buong distrito. Samantala, nagpanic ang mga taumbayan at lahat ay nagsiksikan para makatakas.
Nabigyan ako ng pagkakataon na mag-isip ng extreme scenarios sa community lockdown. Ganito din ang nangyari noong sinusulat ang pelikulang World War Z ni Brad Pitt, at nakabuo nga sila ng ilang real-world scenarios para sa survival, base sa aklat na World War Z: An Oral History of the Zombie War (Max Brooks, 2006).
Pasok, Marso 2020. Lockdown ang buong Luzon. Community quarantine ang mga barangay. Napaluhod ako sa altar at nangako sa Poon na hinding-hinding hindi na ako mag-iisip pa ulit ng apocalypse scenarios…dahil nangyayari sa totoong buhay. Para akong nagising sa bangungot ko at natuklasang binabangungot ang buong mundo.
Pero pagkatapos manalangin ay kaliwanagan. Baka kasi matagal nang nasa collective unconscious ang isang apocalypse event dahil na rin sa sunud-sunod na trahedya na nangyayari sa maraming lugar sa mundo. Baka ang ganitong pag-imagine ay isang ehersisyo para 1) makapaghudyat ng paparating na kapahamakan, at/o 2) makapag-udyok ng maagap na solusyon.
Hindi ako ganoon katalinong tao, kaya di ako magpapanggap na alam ko ang lahat. Ang alam ko lang, nakabuo ako ng scenarios, at dinanas ko ang totoong events. Ano ang natutuhan ko sa dalawang pag-iimagine at pagdanas na ito:
- Na oo, unang mag-aaklas at magrereklamo ang walang-wala hindi dahil sa mga dakilang prinsipyo’t layunin, kundi dahil wala nang makakain at ilang hakbang na lang sila sa gutom at paghihirap.
- Magiging pasista ang paraan ng pamumuno, marahas, mapanakot, malupit – at maghahari ang di-siyentipikong pag-iisip.
- Madaling maiimpluwensyahan ng kaaway o interest groups ang mga namumuno, at mabilis na ibalibag sa mahihinang sector ng lipunan ang problema ng pagtitiis at ang bunton ng sisi.
- Na ang unang aasahan ng indibidwal ay ang sarili, at ang kapwa na may kaparehong pag-iisip. Mabubuo ang mga maliliit na komunidad na parehong may isip-siyentipiko, methodical, at hahanap ng daan tungo sa kaligtasan.
- Na maraming tao ang susunod na lamang sa sasabihin ng maykapangyarihan, at isusuko sa kanila pati ang kakayahang mag-isip. Basta sunod lang ng sunod.
- Na marami pa rin ang mag-iisip na kumita ng limpak-limpak sa kapahamakan ng madla.
- Na ang makapaghahatid ng tunay na mga solusyon at kaligatasan, kahit mumunti, ay mga taong hindi nag iisip ng pulitika at malaya sa ideolohiya. Mas uunahin nila ang kagyat na kaligtasan, kesa pagkakasalansan ng political na power relations.
Kasabay nito, nakakalugod ang mga ikinikilos, inuugali at siste ng mga Pinoy.
- Na kaya pala niyang pumirmi sa isang lugar nang matagalan.
- Na hindi mauubos ang kanyang sense of humor kahit nakakaiyak na ang sitwasyon.
- Na di rin mapipigilan ang kanyang sense of rumor.
- Na virus-free ang kanyang pag-asa (maliban sa ilang director at creative na kilala ko, na di makawala sa apocalyptic scenario)
- Na tigpas-tigpasin mo man ang human rights ng Pilipino, tutulong at tutulong ito sa kanyang kapwa.
Mahaba na ito. Sobra na sa bilang. Kung may natutuhan po kayo sa mga isinulat ko, siguradong iyon ay aksidente lang, dahil wala akong balak magmarunong. Gusto ko lang makipagkuwentuhan sa inyo. – Rappler.com
Si Jim Libiran ay nagtapos ng sosyolohiya, isang manunulat, makata, director sa pelikula at mga dokumentaryo, at dating reporter sa Telebisyon. Sa kabila nito, wala pa rin po siyang naiambag na mahalaga sa ating lipunan kundi ang kanyang kalokohan, kalikutan ng isip, kalibugan at chismis mula sa kanyang paglalakwatsa kung saan-saan. Siya rin po ang nagsulat ng biography na ito.