Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Buhay-quarantine: Sanayan lang ’yan, bhoi!

$
0
0

 

  Mahigit isang buwan na tayong ganito. Nakakatakot isipin, pero parang nasasanay na ako, parang natatanggap ko nang wala na akong karaniwang pakikipagkumustahang babalikan. Wala na ang dating nakasanayan. 

Baka tuluyan nang mawala ang mainit na yakap sa isang kaibigang hindi nakita nang matagal. Hindi na uubra ang umiikot na tagay; unhygienic na rin marahil ang metaphorical na kadaupang-palad at kabungguang-balikat. Mahirap nang manawagan ng pagkakapit-bisig at balikatan dahil, alam mo na, social at physical distancing kahit sa antas ng talinghaga. O malalaos kahit na nga siguro ang makipag-high-five o makipagkamay sa kapwa. Mauuso na across ages ang flying kiss. Mabuti na lang sinagot na ako ng nililigawan ko at nakapag-holding hands pa kami noong ligtas pa at alipin pa ng kilig; mabuti na lang pinakasalan na niya ako (nang walang pagsisisi?) at nagkaroon na ng dalawang anak bago pa ito mangyari. Gayunman, hindi ito garantiya para hindi mangamba.  

Lalo ngang dapat akong mangamba dahil ako ang pinakamalakas ang pangangatawan sa aming bahay, kaya sa akin nakapangalan ang quarantine pass na ginagamit ko tuwing pupunta sa sentro ng bayan dito sa lalawigan ng Quezon. Ito ay sa kabila ng katotohanang dalawa ang maintenance medicine na araw-araw kong iniinom sanhi ng pinabayaang kalusugan noong kabataan ko. Puwera pa ang gamot para sa recurring allergy ko. Hindi pa kasi ako nagsisi noon. Bakit ba kasi laging nasa huli? 

Gaya ng marami sa atin ngayon, hindi rin lumalabas ng bahay ang pamilya ko. Maliban na lamang noong Mahal na Araw, kung kailan naospital at naoperahan ang aking asawa sa labas ng aming bayan. Dati nang mahirap maospital, pero mas mahirap ngayon, lalo’t lumalatay ang salot kahit kanino, kahit saan, lalo sa mga ospital. Idagdag pa ang napakaraming dapat daanang checkpoint, kasama na ang pagpapaliwanag kung bakit kailangan naming lumabas ng bayan at magpa-confine. Nagpagawa ako ng clearance sa ospital – may bayad! – para lamang masundo kami ng isang nagmalasakit na kapitbahay (shoutout sa pamilya Baldovino! Salamat po!) nang ma-clear ng obstetrician-gynecologist para kami makauwi ng aking asawa.

Gusto ko lang linawin, walang kinalaman sa COVID-19 ang naging sakit ng aking esposa. Gayunman, trinato namin ang aming sarili na baka carrier na ng sakit, kaya matapos ang pagkaospital, nag-quarantine kami sa bahay para hindi mahawa ng kung anumang dala naming virus at mikrobyo ang aming mga anak. Nagkaroon ng quarantine area within a quarantine area. Pero kailangan ko ngang lumabas dahil sa akin nakapangalan ang quarantine pass na inisyu ng kapitan ng aming barangay.

Dinadaluyong ako ng alalahanin habang nasa ospital at nagbabantay sa maysakit na maybahay. Iniisip kung sapat ba ang pagkaing naiwan namin sa bahay para sa aking dalawang batang anak at sa senior citizen na biyenan, para sa kung ilang araw. Paano kung may isa sa kanilang hindi naging mabuti ang pakiramdam? Paano na ang gamutan? May ipambabayad pa ba kami kung maoospital? Sa mga sandaling iyon, hiniling ko sa Diyos na sana ibalik na lang ako sa nasakanayan. Bumalik ako sa karaniwang buhay. 

Pero, tanong ko pa rin sa sarili habang nasa ospital, ano ba ang nasakanayan at karaniwang buhay ang babalikan ko? 

Sarado ang mga establisimyento dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) sa bayan kung saan naroroon ang ospital. Bumibili ako ng makakain at iba pang pangangailangang pang-hygiene sa isang bayaning convenience store, mga isang kilometro ang layo sa ospital. Sa isip ko, gusto ko na lang bumalik sa karaniwang araw. Oo, kahit na naka-ECQ kami sa bahay. Iyon na ang tinatanggap kong babalikang karaniwan. Hindi na ang pre-COVID-19 na karaniwan.

Sa loob ng mahigit isang buwan buhat nang maging kondenado akong hindi muna pumasok sa trabaho, ang itinuturing ko nang pangkaraniwan ay itong naka-schedule ang bawat kilos sa tuwing lalabas para mamili sa bayan. Ito na ang aking nakasanayan. Kaya pag-uwi mula sa ospital noong Pasko ng Pagkabuhay, parang kaygaan-gaan na ang mamili, kaysayang pumila sa palengke. Buo na ang diskarte na noong mga unang araw ng ECQ, parang parusang puwersahang ipinataw.  

Namumuhay akong mag-isa nang matagal na panahon. Kahit pa nang magkapamilya, sa Maynila naman ako nagtatrabaho samantalang narito sa Quezon province ang aking pamilya. Halos sarili ko lang ang aking kargo. 

Kaya nang mag-ECQ, hindi na bago sa akin ang mamalengke. Ang bago lang sa akin ay ang minute difference ng mga produktong pambabaeng dapat kong bilhin para sa aking pamilya. Oo, bawat pagpunta sa bayan ay kasabay ng bagong kaalaman, gaya ng pagkakaiba-iba ng with wings, non-wing, long, maxi, dry, thin, ultra thin, cottony, at overnight na akala ko noon ay pare-pareho lang dahil, di ba, pare-pareho lang ang tatak? Sa sabong panlaba at pambanlaw na kemikal, dapat maging pamilyar ako sa amoy at tatak at flavor. Sa mantika, may galing sa coco at palm. Tumibay din ang paniniwala kong sinungaling ang maraming patalastas na nagsasabing kaya nilang lipulin ang sebo sa plato sa kaunting patak. Mga ganyan. 

Kaya, nakatatawa man, hindi ako gaanong apektado ng mga viral social media posts ng mga mister na nagsesentimyento o mga mister na kung dati’y kumpiyansa ngayon naman ay binabagabag na ng pagdududa sa pagbili ng produktong papasa sa mapanuring panlasa ng kani-kanilang kapareha. Totoo, masasayang anekdota ang dulot sa atin ng obligasyong lumabas ng bahay sa kabila ng ECQ, lalo na ng mga taong nasanay sa pag-aaruga ng tunay na emperador ng bawat kabahayan. Masasaya paminsan-minsan ang malinaw namang middle-class privilege na makapili pa ng kakainin, maging pihikan o mag-demand sa brand na nakasanayan. Dahil totoo rin namang marami sa ating mga kababayan ang walang ganitong pribilehiyo noon. Lalo pa ngayon.  

Isa pang pribilehiyo ko ngayon ay ang maging bahagi ng isang small-town community effort para maging magaan ang pakikipagkalakalan ng kung ano-anong produkto, ang Lucban Online Tindahan, isang predominantly online gustatory adventure dahil sa samu’t saring iniaalok na tsibog. Dahil bukod sa tanyag na Pahiyas dito sa inari ko nang bayan, sikat din ang Lucban dahil sa masasarap na pagkain. 

Pero bagamat karamihan nga ay pagkain, maaaring makakita ng ilang non-food products. Una kong salang noong isang araw, maghanap ng sapatos dahil naiwan ko sa Maynila ang sapatos kong panlakad at pang-light workout. Mensahe ko: “Looking for training/running shoes. Size 9.5 or 43 (European size). Kahit segunda mano basta hindi gula-gulanit at wala pang radical repairs. Lucban area lang para madali ang transaksyon. PM me the photo and price. Any decent brand will do. Salamat. Kailangan ko lang ng panlakad at pang-light cardio workout.”

Wala pang isang oras, may nag-PM na sa akin, iniaalok sa murang halaga ang kaniyang kasukat kong cross-trainer ng isang tanyag na brand ng sapatos na hindi nagamit dahil maliit ang sukat. Mutually beneficial na maging pera ang ibinigay sa kaniyang sapatos na magagamit ko naman sa twice-a-week 3-kilometer walkathon patungo at pabalik mula sa bayan kapag mamamalengke o bibili ng gamot. Tapos ang transaksyon kinabukasan sa meet-up na naganap. Pati ang asawa kong nagpapagaling ay nalilibang ngayon kaoorder ng pagkain sa online forum, na bukod sa mistulang shoppping mall, avenue na rin ng pakikipagkumustahan at tsismisan minsan ng bayan.  

Talk about closed-community ties at inciting robust local economy, hindi nakapagtatakang sa mga darating na araw, hangga’t wala pang nababanaagang linaw kung saan patungo itong ECQ dulot ng virus, at – huwag naman sana! – maubos na ang panggastos dahil sa kawalan ng trabaho, magiging job placement site na rin ang online tindahan. Alam kong marami rin sa iba-ibang bayang umaasa ngayon sa small-scale at mabilisang kalakalan over social media.  

Sa totoo lang, kung aabot sa ganoong sitwasyon, pupuwede uli akong kumayod sa panaderya gaya ng trabaho ko noong ako ay nasa elementarya. O kaya, handa uli akong magpa-interview para sa papasuking bagong trabaho. Ma’am/Sir, hindi po ako maselan, handa po akong muling magsanay at matuto. Dahil hindi dapat ako masanay sa nagiging karaniwan nang pangamba, lalo’t ako ang inaasahan ng aking pamilya.  

Ma’am/Sir, PM is the key. – Rappler.com  

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST. 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>