Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON | Wikapedia] Paano lumigaya’t magpaligaya sa panahon ng peste

$
0
0

Selebrasyon dapat ng daigdig ang Abril 22!

Pero parang Biyernes Santo pa rin ang mukha ng mundo.

Siya ba?

O tayo?

Ayon nga sa teorya ng galak, balewala o wala lamang ito – kung ipinanganak tayong masayahin.  

Paano kung hindi tayo  ganun ka-posibitibo? At hindi natin ito namana? O wala sa personalidad natin?

Mababaw man o hindi, ang ligaya ay babalik palagi sa baseline ng ating awtomatikong reaksiyon sa partikular na sitwasyon.

Nangyayari ito sa atin pagdating sa tahanan o hanapbuhay o pananalapi.

Kabilang dito ang ating karera at karanasang hindi inaasahan.

Sa aming kaso, ang pagpanaw ng pangatlong supling naming si Awit.

Sa iba, ang pagkawala ng trabaho.

Tulad ngayon.

Ngayong humigit-kumulang 2,481,040 ang kaso at 170,425 ang kamatayang dala sa daigdig ng pandemikong ito.

Dapat pa ba tayong magdiwang?

Dahil sa coronavirus disease (COVID-19), nadagdagan ang saray ng ating lipunan.

Ito diumano ang katapat ng nouveau riche.

Ang  nouveau pauvre  — o “bagong pobre”— ay paparami nang paparami.

Dahil sa Enhanced Community Quarantine, hindi lamang extended kundi naging modified din sila.

Sila ang dati-rating Mayroon ang kapagdaka’y kasalukuyang Wala.

Binabawasan ng mga ganitong “kapalaran” ang kakayahan nating maging masaya nang permanente.

Subalit, bakit kaya, sa gitna ng lahat, wala pa ring kapaguran ang mga di-kilalang siyentipiko, inhinyero, matematiko, at iba pang tahimik na pinatatakbo ang ospital o sentrong medikal?

Saan gàling ang galìng ng puwersang ito – na hindi lamang limitado sa mga sundalo’t pulis sa loob at labas ng checkpoint – na kinabibilangan ng mga nagsisilbi sa atin gaya ng mga kahera, parmasyutiko, guwardiya, magtitinapay, magtitinda, tagadala o tagapag-deliver?

Paano lalong humuhusay ang tumatao sa mga gasolinahan o gawaan o pagawaan ng pagkain, at iba pang nasa sektor na kailangang umaandar sa gitna ng ganitong sakuna?

Ano’ng inspirasyon ng mga nagtatampong nagtatapon ng basura?

Kailan kaya magpapahinga ang mga mangingisda’t magsasaka?

Bakit tila ngayon lang natin nailuklok sa pedestal ang mga empleyado sa iba’t ibang industriya?

Nabubuhay ba nila ang kanilang pamilya sa papuri’t pagpupugay lamang?

Kumusta naman kaya ang kanilang kita?

Samantalang ang ilan sa kanila ay makakatanggap ng subsidiyang humigit-kumulang P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan, sa kasamaang-palad, ang iba ay hindi.

Paano na tayong wala sa mga nabanggit?

Paano tayong pinauuwi pero wala naman tayong uuwian?

Nakaangkla ba ang ating ngiti sa salapi?

O tawa sa kuwarta?

O kahon tayong walang laman?

O walang laman ang tiyan?

Magagawa ba nating ang kasiyahan ang ating pangunahing layunin?

Maitutuon pa ba natin ang ating pansin sa positibismo?

Maitutuon pa ba natin ang ating pansin?

Makukuha pa ba nating ngumisi o ngumiwi?

Magagawa pa ba nating magpasalamat?

Maghahabol pa ba tayo ng tagumpay?

Makakaya mo pa bang lumigaya?

O magpaligaya?

Sa isang survey na online ng Qualtrics, tinutukan nito ang 2,700 mamamayang mula sa United States, United Kingdom, France, Germany, Singapore, Australia, at New Zealand.

Tinugon naman ito ng mga nagtratrabaho sa food service, retail, manufacturing, technology, education, healthcare, government at iba pa. 

Iba-iba ang mga sumagot, ngunit halos iisa ang kanilang sagot – may iniinda silang lahat:

  • 67% ang tumaas ang istres mula nang magka-COVID-19
  • 57% ang  tumindi ang pagbalisa o anxiety
  • 54% ang mas pagod ang emosyon
  • 53% ang nalulungkot araw-araw
  • 50% ang mas iritable
  • 42% ang apektado ang pangkalahatang lusog-isip 

Kamakailan, ang Psychological Association of the Philippines (PAP) ay nag-iwan ng ilang rekomendasyon para lumigaya’t magpaligaya: 

Obra ni Wika Nadera

At bilang #9, magbunyi tayo sa mga gumaling sa buong mundo ay humigit-kumulang 646,774.

Dahil dito, nakabuo tayo ng ating mungkahing magsisilbing gabay hindi lamang sa indibiduwal kundi sa mga institusyong kakampi natin laban sa COVID-19 :

  1. Pagtuunan ng pansin ang mga bagay na positibo.
  2. Piliin ang mga payong tututok hindi lamang sa aspektong pisikal kundi sikolohikal o espirituwal.
  3. Magkaroon ng mga kampanyang nababasa at napapanood sa wikang maiintindihan ng mga karaniwang tao.
  4. Panatiliing puno ng pag-asa ang mga programa at proyektong nasa media at socia media.
  5. Gumawa ng mga impormatibong pabatid na talagang makakaabot sa mga ordinaryong mamamayan.
  6. Manatiling gamitin ang telebisyon at radyo – subalit dahil mas maraming may cellphone – dapat padaanin ang mga paalala, halimbawa, sa anyong advisory ng Globe, Smart, at iba pang kumpanyang pang-telekomunikasyon.
  7. Humingi ng karagdagang tulong at suporta para sa mga gamot at gamit para sugpuin ang virus.
  8. Magpakita ng malasakit sa mga bata, kabataan, nakatatanda, at mga maykapansanan o may karamdaman sa pamamagitan ng braille, sign language, pictograph, at iba pang paraan para makasali sila sa usapa’t usapin.

Overload ng impormasyon ang hamong dapat nating harapin ngayon.

Sa kasamaang-palad, ang mga huling nabanggit ay hindi nakakaranas nito.

Kabaliktaran ang sa kanila.

Ilan lamang iyan sa maaaring pagbuhusan ng oras at lakas.

Hindi ba iyon din naman, kung tutuusin, ang layunin ng Earth Day?

Kaya, ating gamitin ang mga bagay, malalaki’t maliliit, upang baguhin natin ang buhay – o ang planeta – hindi lamang sa isang araw kundi habambuhay.

Bakit hindi natin simulan sa kanila?

Inumpisahan na namin ito nang pumanaw nga ang ikatlo naming anak na si Awit na may GDD o Global Developmental Delay.

Isinilang siya noong Hulyo 10, 2002, at pumanaw noong Disyembre 13, 2006, dahil sa pneumonia.

At coronavirus din kaya ang sanhi?

Upang buhayin ang kaniyang alaala, itinatag namin ng kaniyang ina at kapatid ang Foundation AWIT na naging Advancing Wellness, Instruction, and Talents.

Sa una, ito ay para patnubayan ang mga bata at kanilang magulang sa mga sakit ng tulad ng GDD at iba pang developmental disorders.

Subalit nang lumaon ang binhi naming itinanim ay nagsanga nang nagsanga.

At namunga nang namunga.

Ganundin ang ibig naming sabihin sa pagsisimula.

Mula sa wala.

Walang iniwan ngayon.

Ngayong sumusuntok tayo sa buwan.

Balang-araw, hangga’t dalisay ang ating hangarin, ang lahat ng simulain ay hahantong sa

mga bungang babago sa buhay nating lahat.

Hindi lamang ng mga tinutulungan kundi ng mga tumutulong.

Batay sa mga datos ng German Socio-Economic Panel Survey – ito ang nagbubulgar ng sikreto.

Kapag mas ibinubuhos natin ang kapangyarihan nating magmalasakit, mas walang kahulilip ang ating lugod.

Kung baga, ito ang paraan ng pagsasabi natin kay COVID-19: “Virus ka lang, tao kami.”

Taong makatao.

O may malasakit sa kapakanan ng kapuwa.

Ito ang papel ng pagpapakatao ngayong pista ng peste.

Ito ang sanhi at bunga ng saya.

Ito rin ang lihim ng ating mga bayani.

Bago man o hindi.

Araw-araw sana ang pagdiriwang natin ng Araw ng Kagitingan. 

Rappler.com 

Sa ngalan ng siyensiya’t sining, tumutulong si Vim Nadera sa mga maykanser, may AIDS, nagdodroga, “comfort women,” batang kalye, inabuso, naipit sa mga kalamidad na likha’t likas, at mga nagdadalamhati. Ilan sa kaniyang mga proyekto ay Textanaga, Panitikabataan, panitikan.com.ph, Pistang Panitik, Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining. Conspiwriters’ Tuesdays, O.M.G. (Open Mic Gig), Kaakuhan, Word Jam, at Akdang Buhay. Itinanag nila ng kaniyang kabiyak ang Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents) Inc.   

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>