Subukan mong sumilip sa mga kalye at lansangan. Mukha ba tayong bansa ng mga pasaway? Sa katunayan, nag-uumapaw ang ebidensyang sumusunod ang 99% ng mga Pilipino sa lockdown na ipinapatupad ng gobyernong Duterte.
Pero kahapon, Linggo, Abril 26, inilibing si Corporal Winston Ragos, isang pobreng sundalong na-war shock at dalawang beses binaril ng pulis dahil lumabag sa lockdown. Tanging kaligayahan daw ni Winston ang mag-Coke at magyosi matapos kumain kaya siya lumabas ng hapong iyon. Tulad din ng isang 63 anyos na lalaking lasing na binaril ng pulis sa Agusan del Norte.
Bubunot daw ng baril si Ragos. (Sabi ng ina ni Ragos, planted ang baril dahil walang baril ang anak niyang may mental instability.) Ganoon din ang lalaki sa Agusan del Norte. Umatake daw gamit ang karit. Nanlaban.
Taghoy ng ina ni Ragos na si Merlyn, kailangan ba talagang barilin nang dalawang beses? Bakit hindi pag-incapacitate ang naging approach? Dagdag pa niya, "'Yung pinatay nila hindi drug addict, hindi pusher, hindi kung ano, nCov ang kalaban ngayon.”
Lumang tugtugin na sa ating pandinig ang “nanlaban” at “self-defense.” Panahon pa ng tokhang ‘yan. At tila ang parehong kawalang-respeto sa tao at buhay ang umiiral ngayon sa kapulisan.
Magkalinawan tayo, hindi namin tinutukoy ang pagkakamali o init ng ulo ng ilang pulis. Ang tinutukoy namin ay ang institusyonal na pamana ng Oplan tokhang — ang karahasang nagmula sa giyera laban sa droga at itinutuloy sa pagpapatupad ng lockdown. Ito ang police brutality na kakambal ngayon ng enhanced community quarantine (ECQ).
May marching orders mula sa hepe ng pulisya na si Archie Gamboa na wala nang warning-warning. Sa halip ay kaagad arestuhin ang mahuhuling lumabag sa ECQ.
Tila kahit mga tao sa loob ng subdivision na nagdidilig ng kanilang halaman ay pinagmumulta kung walang face mask. At huwag kang mangangatwiran, dahil aarestuhin ka rin.
Inuulit namin ang sinabi ni former justice Antonio Carpio tungkol sa pagsugod ng pulis sa isang condominium sa BGC – iligal ito dahil walang warrant. 'Yan din ang umiiral na prinsipyo sa pagpasok sa private property para sitahin sa lockdown violations. Ipinapaalala ng Commission on Human Rights na hindi suspendido ang batayang mga karapatang pantao sa panahaon ng lockdown.
Bakit nagbago ang polisiya mula sa “maximum tolerance”? Dahil ba sinabi mismo ni Presidente Rodrigo Duterte na inuutusan niya ang pulis at militar na mag-“take over” sa implementasyon ng lockdown? Dahil ba sinabi ng Pangulo, "Shoot them dead"? Garbage in, garbage out.
Kahit sa mga bansa sa Europa na isang sakay sa tren lang ang layo sa Italy at Spain kung saan sobrang malala ang pandemic – hindi OA ang pagpapatupad. Mariing pinagsasabihan ang mga taong mag-observe ng physical distancing pero malaya silang makakapaglakad sa kalye at makakapag-ehersisyo. Long story short, hindi dinadaan sa takot at dahas.
Pero hindi si Ginoong Duterte ang pinuno nila doon. Dito kalakaran ang magpatutsada, umastang siga at manindak – kahit na may huwisyo naman ang mga taong sumunod.
Hindi na tayo kailangang takutin ng pulis — dahil takot na takot na tayo – hindi lang mahawahan ng coronavirus, kundi ang mawasak lahat ng ipinundar natin para sa kinabukasan.
We deserve better from this government. Sa panahong malapit kami sa nakamamatay na sakit, walang trabaho, at malapit nang masiraan ng ulo – ito ang serbisyo publiko na hatid ni Digong at ng pulisya: ang mang-aresto, mambrusko at manakot?
Ito ba ang depenisyon ng gobyerno ng "nuancing"? Kamay na bakal – kung kailan pasensya at hinahon ang kailangan?
Sa panahong namamatay sa line of duty ang mga frontliners, nilalapastangan ng pulisya at ni Duterte ang sakripisyo nila sa pagpapalaganap ng kultura ng takot at hindi kultura ng pag-asa.
Itigil na ang "pasaway narrative." Itigil na ang pagsasalarawan sa mga lockdown violators na mga traydor sa bayan. "The virus is the enemy." – Rappler.com.