Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Sa naiinip

$
0
0

  Kumusta ka? 

Salamat at sinimulan mo itong basahin. Chances are, naiinip ka kaya ka nagdudutdot ng smartphone o tablet, o nag-ii-scroll ng mouse pababa-pataas nang wala namang partikular na hinahanap. Kung ano lang ang makakapukaw ng interes. Tapos nag-refresh ka ng social media sa pag-aakalang hahainan ka ng bago ng newsfeed mo. But same old same old, ano?

Naghahanap ka ng kakaiba, ng bagong balita. Minsan nga kahahanap natin ng kakaiba o maganda, gandang hahagod lalo sa kung ano ang pinaniniwalaan natin, napapadapa tayo sa peke, sa fake news. Huwag kang mag-alala. Prone din ako. Sa pagkainip at sa pekeng balita. Pero kapag natunugan kong peke – at malakas ang kutob ko rito – hindi ko na isini-share. Puwede ring umiiwas ka na sa nakapanlulumo pero totoong balita. Sa lagim ng statistics ng COVID-19. Tapos kaba-browse, you came across this. Nasapul ka ng pamagat dahil, totoo naman, naiiinip ka na.

Tinapatan mo na ba ang pagkainip na nakikita mo sa newsfeed? Iyong dahil sa pagkainip, pinaghiwa-hiwalay ang kape sa asukal sa creamer sa pakete ng 3-in-1? Binilang ang butas ng biskuwit? O nagsulat na ng 1,001 ways to cook canned sardines? Nauubusan ka na ba ng panonoorin kaya nag-status ka ng, “Comment naman kayo ng suggestion kung anong K-drama o animé ang panonoorin ko? Bored na me.” Ano man iyan, sa kabila ng pagkaburyong, magandang palatandaan pa rin ang paghahanap ng diversion sa kawalan natin ng mobilidad ngayon. Nagiging pihikan, nagninilay.  

Miss mo na rin siguro ang airconditioned na mall, lalo ngayong napakainit at napakaligalig ng panahon? Miss mo na rin siguro ang magpalakad-lakad, makipagsiksikan sa rush hour nang walang inaalalang physical distancing? Kahit pala nakakainis, nakaka-miss din. Lalo ka tuloy naiinip.  

Ako man ay naiinip. Minsan. Natitigilan ako sa mga ginagawang para nang ritwal – maghugas halimbawa ng pinggan. Parang may nagpupumiglas na muscle memory na naghahanap sa dati nitong ikinikilos. Maglakad nang malayo mula apartment sa Sampaloc, Maynila, hanggang sa trabaho ko sa matandang unibersidad. Lumabas at makipagkumustahan sa mga kaibigan habang tumutungga ng pawis na pawis na bote ng serbesa.

Pero hindi gaya ng mga kondenadong manatili lagi sa loob ng bahay, barong-barong man o mansiyon, nakakalabas ako. Bumibili ako ng pagkain. Namamalengke. Naggo-grocery. Para lang magmadaling umuwi pagkatapos. Kailangan kong maging ligtas sa paglabas. Apat na tao ang umaasang dapat akong manatiling ligtas para manatili din silang ligtas: dalawang batang anak, asawa, biyenan. 

Noong mga unang araw ng quarantine na ito, abot-abot ang panalangin kong matapos ito agad. Habang tumatagal, ipinagdarasal ko na lang na kayanin ko ang paparating na new normal. Bagong pangkaraniwan. Nagdarasal din akong huwag mainip. O huwag mamili sa pagitan ng inip at pangamba. Two-hit combo itong tumatama sa akin sa loob ng kuwarentina.  

Hindi tayo dapat mainip kaya humahanap tayo ng dibersiyon para roon mapako ang ating atensiyon. Mabuti nga’t marami na ngayon, basta’t may internet, kahit mabagal, at may supply ng kuryente kahit mahal. Charge-to-sawa ang mga gadget. Manood ng telebisyon hanggang, kung paniniwalan ko ang yumao kong nanay, lumuwa ang mata ko. May libro akong binabasa. Sumusulat sa espasyong ito na iyong binabasa (salamat at nakarating ka sa bahaging ito). Nakikipaglaro sa mga anak ko kahit ayaw na nilang makipaglaro sa akin kaya nauuwi sa asaran, at minsan iyakan, ang laro. Sa kabila nito, nakakasingit pa rin ang inip. Makulit. Paulit-ulit. 

Alam mo bang may mga scientist na nag-abala para lang bigyan ng tiyak na kahulugan ang inip? Kailangan pa nilang mag-research at malathala sa isang pinagpipitaganang journal para lamang bigyan ng katuturan ang halos araw-araw na nating dinaranas? Nalaman ko ito nang saliksikin ko mismo (dumutdot lang talaga sa laptop ang ginawa ko, he he) ang inaakala kong malalim na dahilan ng inip na ito. 

Ang pagkainip daw o boredom (o ang colloquial na “buryong,” loanword natin buhat sa salitang “boring,” as in buryong na buryong o inip na inip) ay ang “aversive experience of wanting, but being unable to engage in satisfying activity.” Ito raw ang estado natin ayon sa research. Paghahangad ng makabuluhang gagawin, pero walang magawa o hindi pinahihintulutan ng pagkakataong gawin. Hindi ba’t ganitong-ganito tayo?  

Ayon pa rin sa pag-aaral na isinagawa ng mga Canadian na propesor at sikologo – na tiyak akong hindi boredom ang nagtulak para manaliksik – nabuburyong daw tayo kapag nahihirapang tumutok sa mumunting saloobin natin o sa mumunting stimuli para tayo ay kumilos. Naiinip din daw tayo kapag hindi tayo binibigyan ng pagkakataong gumawa ng mas kapaki-pakinabang na gawin.  

Kailan ka ba huling nainip bago pa ang quarantine? Ako, kapag naghihintay sa kung ano man o sino man. Kapag kailangang maghintay at wala akong kapangyarihang gumawa ng ibang mas kapaki-pakinabang. Lalo’t wala o mahina ang signal ng data. Oo, walang mapaglibangan. Kaya nga mas mabuti ngayon. May koneksiyon ka sa internet, at sa pagkainip, nagbasa. Aakalain mo bang nakarating ka na rito? 

“At the heart of it is our desire to engage with the world or some other mental activity, and that takes attention,” pahayag ni Mark Fenske, isang propesor ng sikolohiya sa University of Guelph. Kung hindi raw matutugunan ang engagement o mental activity na ito, “that seems to be what leads to frustration and the aversive state we call boredom.’” 

Huwag mabahala. Sa iyong pagkainip, ayon naman sa ibang pananaliksik, mas nagiging malikhain ka raw. Naks. Kaya nga nakalikha ka ng 1,001 recipes ng karne norte, di ba? Kaya kung nagiging monotono at nakaiinip na ang gawain mo sa pag-aaral man o sa trabaho, humahanap ka ng kakaibang hamon sa kakayahan mo, di ba?  

Kaya nga dapat daw nating tingnan ang pagkainip hindi bilang isang negatibong estado ng ating pag-iral: “Until recently, boredom has been viewed as a negative emotion with only negative outcomes, but the current study adds weight to the evidence that suggests that boredom can sometimes be a force for good.”  

Kaya sa iyong naiinip, huwag ka nang ma-guilty. Kailangan nating paminsan-minsang mainip lalo’t hindi natin mapanghawakan ang sitwasyon. Gaya ngayon. Kunsabagay, hindi ka nainip dahil nagawa mo ngang gapiin sa sandaling ito dahil, hello, nakarating ka na rito sa dulo. Kahit papaano, nagawa mong pakinabangan ang inip para matapos ang artikulong ito at magamit ang natamong katuwiran – at sana ay karunungan – para ma-justify ang paminsan-minsan mong pagkaburyong sa buhay. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>