Katatapos lamang ng ating "Nationwide Candle Lighting for Health Workers" noong April 28.
Sinundan ito ng "AMBAGAN: Artists in Solidarity Concert" para sa Workers Memorial Day na handog ng Concerned Artists of the Philippines, Institute for Occupational Health and Safety Development, at Altermidya.
Pumapalakpak din ang mga residente sa La Verti Residences sa Pasay City sa medical staff ng Adventist Medical Center Manila.
Naulit ito sa Eastwood nang hindi lamang sila pumapalakpak kundi nagpasirena ng bumbero, nagwagayway ng bandilang Filipino, at kumanta ng "Heal the World."
Noong Martes Santo, inatasan ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines ang lahat ng simbahan na kalembangin ang mga kampana sa Miyerkoles Santo. Hudyat ito para simulan ang isang panalanging pantelebisyon na inter-faith.
Walang ipinagkaiba ito sa isang Easter Mass sa ilalim ng Christ the Redeemer statue sa Brazil na nagkaroon ng isang light show na may salin ng “GRACIAS” sa iba’t ibang wika at watawat sa buong mundo.
Wala ring iniwan ito sa pagpapailaw ng salitang “Merci” sa Eiffel Tower sa Pransiya.
Hindi rin matatawaran, halimbawa, ang aktor sa Games of Thrones na si Miltos Yerolemou, na nagpasalamat mula sa Inglatera sa health workers ng The Medical City sa isang videong nakunan ang kaniyang papuri sa wikang Filipino at ang warning niyang: “And remember, there is only one thing we say to the God of death – not today.”
Utang na loob sa frontliners
Pero paano tayo, ako at ikaw na nagbabasa nito? Paano ba natin tinatanaw ang ating utang na loob sa tinatawag nating frontliners?
Nakapagpadala ka na ba ng tula’t sulat para ilagay sa dingding ng kanilang pahingahan sa ospital? Kailangan pa ba nating maging pasyente para magpalasamat sa mga manggagamot? Nakabati man lamang ba tayo sa kanila, kahit sa social media, noong World Health Workers Week nitong unang linggo ng Abril? O nakapagpugay ba tayo nitong World Health Day noong Abril 7?
Ano’t ano man, kapag tahimik na ang lahat, hindi natin maiwasang magtanong: Kumusta naman kaya ang sahod nila at ng iba pang manggagawang nagbubuwis ng buhay para sa sambayanang Filipino? Mahusay ba ang ating pamahalaan sa pamamahala bago, habang, at pagkatapos tumugon sa hamon ng COVID-19? Natuto ba talaga sila at tayo para mapagtagumpayan ito? Ligtas ba tayong lahat kung sakaling may darating pang pandemiko? Nakakatiyak ba tayong hindi na mauulit ang mga pagmamadali at iba pang pagkakamali?
Lusog-isip ng medical workers
Sa United States, na malapit nang maging kauna-unahang bansang may 1 milyong kumpirmadong kaso sa buong mundo, ibang-iba ang presyong kailangan nilang bayaran, wika nga.
Kailangan bang ang kagaya ni Dr Lorna Breen at ni John Mondello pa ang magbayad o magbuwis ng kanilang buhay?
Si Dr Breen ay isang medical director din ng emergency department ng NewYork-Presbyterian Allen Hospital. Galing siya sa isa’t kalahating linggong bakasyon nang muli siyang ipinatawag ng ospital. Sa kaniyang pagbalik, una niyang napuna ay ang mga ambulansiyang punô ng maysakit na 3 oras na palang nakapila. Sa kasamaang-palad, nahawa siya. At ang sumunod na pangyayari ay natagpuan na lamang siyang patay sa Virginia noong Abril 27.
Anang kaniyang ama: "She was a very outgoing, very energetic person who, I don’t know what snapped, but something blew up in her, and so she ended up taking her own life. She just ran out of emotional gas.”
Hindi siya namatay sa COVID-19 kundi nagpakamatay siya.
Ang kaniyang pinakahuling kuwento ay ang kaniyang shift na 12 oras na hindi na raw niya natapos.
Walang nagawa kahit ang hepe ng Charlottesville Police Department na si RaShall Brackney kundi maghaka-haka: “Personal Protective Equipment (PPE) can reduce the likelihood of being infected, but what they cannot protect heroes like Dr. Lorna Breen or our first responders against is the emotional and mental devastation caused by this disease.”
Ilang gabi bago ito maganap, si John Mondello naman ay nagbaril ng sarili sa isang ilog na malapit sa Astoria Park sa New York. Ayon sa kaibigan niyang si Al Javier, ang pumanaw na emergency medical technician (EMT) ay naapektuhan ng pagdagsa ng mga namamatay sa COVID-19.
Noong panahong iyon pa naman, kailangang-kailangan silang dalawa. May humigit-kumulang 977,256 na kaso at 50,134 na kamatayan dahil sa COVID-19 sa US. Sa 17,303 namatay sa New York, higit pa sa 59 dito ay galing sa kanilang ospital.
Noong Marso 23, inilathala ng Journal of the American Medical Association ang pagsasaliksik sa mga health worker na tumutulong sa mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19) sa Tsina. Mula sa mga nasabing 1,257 manggagawa, ito ang napag-alaman:
- 50.4% ang may depresyon
- 44.6% ang balisa
- 34% ang may insomnia
- 71.5% ang may distress
Sila ang maituturing nating “wounded healers.”
Termino itong ginamit ni Carl Jung – ang dakilang ama ng Analytical Psychology – para sa ideya na ang manggagamot ay nakagagamot dahil siya mismo ay “sugatan.”
Kung sa sikolohiya o sikoterapiya, ang tinutukoy na sugat ay sikolohikal, sa kondisyon ng mga health workers ay maaaring dalawa: sikolohikal na, pisikal pa.
Kailan sila pagtutuunan ng pansin ng DOH?
Nang kinapanayam ang health workers sa iba’t ibang bansa, mistulang iisa ang karanasang natuklasan ng mga peryodista ng Agence France-Presse.
Sa US, ipinagtapat ng isang nars sa New York ang sinusunod nilang batas: “They told me, if you don’t have fever you can come on work – that was their only criterion. I was told to wear a mask and come to work. We don’t have enough staff, so I think it was my duty to come back.”
Sa Italya, inamin ng isang nursing coordinator sa COVID-19 intensive care unit ng Tor Vergata Hospital sa Rome – na, sa kanilang 7 oras sa duty, nauubos ang 40-50 minuto sa pagsusuot pa lang ng masks, visors, gloves, scrubs, at suits, at 60-75 minuto sa dekontaminasyon ng kanilang kamay: “Medical staff can’t get sick – not so much because of their ability to work, but because it would not be fair.”
Sa Ecuador, isang nars din ang nagsabing daig pa nila ang lumusob sa giyera nang walang armas: “We had no personal protective equipment (PPE), but we could not refuse to treat the patients.”
Sa Cameroon, isang doktor naman ang nagsimula nang uminom ng chloroquine, isang gamot kontra-malaria, para manigurado na hindi siya magkakasakit: "We’re obviously afraid of catching it. When you get up in the morning and you have a bit of a headache, you ask yourself, ‘What if this is it? What if it’s our turn to get the virus?’"
Sa Spain, isang nars uli sa ICU ng Vall d’Hebron ang nahirapang magbalita sa mga kaanak ng isang pasyenteng pumanaw sa likod ng protective glass: “They’re saying goodbye from the door and it’s probably the last time they’ll see them since funeral ceremonies have been banned.”
Sa Germany, isang intensive care coordinator sa Mannheim, na nasa border ng France, ang nakapagpagaling ng dalawang pasyenteng Pranses na edad 64 at 68: “It was very motivating for the team that we were able to help.”
Sa Turkey, isang direktor ng Cerrahpasa Faculty of Medicine sa Istanbul University ang sumaludo sa mga health workers na nakikitira sa hotels o dormitoryo para hindi nila mahawahan ang kanilang pamilya: “What they are doing is superhuman. There’s no price for the work of health workers, they’re in the service of humanity.”
Sa Filipinas, isang 60-taong-gulang na doktor ang naglagom sa posibleng dahilan kung bakit ang kabaro niya ay nagpapakamatay: “It’s a living nightmare. We don’t like to play God. Clinicians just have to make decisions.”
Parang patotoo rin ito sa sanhi ng pagkamatay ni Dr Breen na naglalarawan ng iba’t ibang mukha ng kamatayan.
Inamin daw ito ni John na inatake siya ng anxiety dahil sa sobrang bigat sa loob niya sa tuwing hindi niya nasasagip ang isang buhay.
Noong Abril 28, nasa 1,366 medical workers – 493 doktor, 507 nars, 74 nursing assistants, 47 medical technologists, 28 are radiologic technologists, 11 midwives, 11 respiratory therapists, 165 iba pang healthcare workers – ang nag-positibo sa COVID-19 sa Filipinas.
Dagdag pa ng Department of Health, humigit-kumulang 29 health worker na ang pinaslang ng nasabing virus, 22 sa kanila ay doktor.
Tatlong beses ang itinaas ng porsiyento ng pagkamatay ng mga health workers sa loob lamang ng isang linggo.
Sa awa ng Diyos, wala pa namang napapaulat na nagpakamatay na health worker sa Filipinas.
Pero, hihintayin pa ba nating magkaroon tayo ng kauna-unahang kaso?
Kung ayaw natin, ano naman kayang ating ginagawa para maiwasan ito?
Ano kaya ang konkretong programa ng pribado at pampublikong sektor pagdating kanilang lusog-isip?
Kailan kaya natin ito maririnig na pinagtutuunan ng pansin ng DOH?
Kahit man lamang banggit o balita o balitaktakan sa pinakakaabangan nating virtual presser araw-araw? – Rappler.com
Sa ngalan ng siyensiya’t sining, tumutulong si Vim Nadera sa mga maykanser, may AIDS, nagdodroga, “comfort women,” batang kalye, inabuso, naipit sa mga kalamidad na likha’t likas, at mga nagdadalamhati. Ilan sa kaniyang mga proyekto ay Textanaga, Panitikabataan, panitikan.com.ph, Pistang Panitik, Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining. Conspiwriters’ Tuesdays, O.M.G. (Open Mic Gig), Kaakuhan, Word Jam, at Akdang Buhay. Itinanag nila ng kaniyang kabiyak ang Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents) Inc.