Walang masyadong tao sa sentro ng bayan kaninang namili ako nang kaunti sa grocery at namalengke ng pang-3 araw na ulam para sa aming 5. Malungkot ang Lucban. Matagal nang ganito, dalawang buwan na, pero hindi pa rin ako masanay sa kuwarentena. Lalo ngayon. Mayo. Hindi dapat ganito sa bayang ito.
Ipapaalala ko lang na, dapat sana, ngayong buwan ay merry month of May pa rin. Na kung wala ang unimaginable krisis na itong sumira, harinawa, sa pseudo-career ng maraming year-end manghuhulang nakabanaag ng kasaganahan sa pagsisimula ng 2020, siguro, kaliwa’t kanang piyesta na ang dinaluhan ko.
Ganito kasi. Taga-Obando ang nanay ko. Malapit lang sa Obando, Bulacan, ang dating bahay ko sa Valenzuela. Minimum fare jeepney ride o 25-peso al fresco pedicab sojourn. Marami pa rin akong kamag-anak at kaibigan sa bayang pinagsayawan ni Doña Pia Alba, ang nanay ni Maria Clara, para mamintuho (ang lalim, umasam ang ibig sabihin ng salitang mamintuho, maghangad nang mas masidhi that borders on intense faith) na magkaanak. At nagkaanak nga. Si Maria Clara na nga. And the rest, as they say, is Rizaliana studies sa junior high school na nairaraos sa pamamagitan ng pag-enact sa bawat chapter ng Noli at El Fili.
Mula noong magkamulat ako, lagi nang espesyal sa akin ang 3 araw na piyesta ng Obando tuwing Mayo 17, 18, at 19. Hanggang noong nagdaang taon, sinasagupa ko ang init ng Mayo habang gumagapang sa batok ko ang pawis na parang galing sa termos para lang sa aking annual pilgrimage sa 3 patron ng kapistahan: Santa Clara (na pinong-pino, ang hinihingan sa pamamagitan ng bigay na bigay na pagsasayaw ng mga mag-asawang walang anak), San Pascual Baylon, at Nuestra Señora de Salambao. Kasabay na rin nito ang pagdalo ko sa annual mini-class reunion replete with talaba and hipon swahe and binge drinking ng ice cold serbesa habang pinag-uusapan namin ang mga class bully at mga crushes namin dati na hindi namin naging kaibigan kahit pa sinabihan kami dating “Hindi kita gusto, p’wede ba friends na lang tayo?” Mga sinungaling sila. (Shout-out nga pala sa tropang umampon sa akin mula Batch ’93 ng Colegio de San Pascual Baylon kahit hindi ako rito nagtapos ng high school, yeah!)
Samantala, buhat nang magkaroon ng sariling pamilya, nanirahan na ako, at least every weekend pagkatapos makipagsalapalaran at magbanat ng buto buong linggo sa Maynila, dito sa longganisa paradise na kung tawagin ay Lucban, Quezon. Bukod sa longganisa – shortganisa lang dapat talaga dahil maiikli ang orihinal na longganisang Lucban – tanyag din ang bayang ito sa kaniyang Pahiyas Festival tuwing Mayo 15 para ipagdiwang ang kapistahan ni San Isidro Labrador, ang kinikilalang patron ng magsasaka sa tradisyong Katoliko.
From a purely religious event, nag-morph ang mga kapistahang ito bilang tourism extravaganza na naging platform naman ng komersyalismo, courtesy of corporate sponsorships, para mairaos ang kapistahan. Walang AVP ng Department of Tourism para i-promote ang masayang bansa natin sa mundo ang hindi kasama ang Lucban, lalo ang makukulay at iconic na kiping o rice crispies. Nang mauso ang social media, lalong sumigabo ang pagtangkilik sa kapistahan ng bayang ito. Kaygandang gawing background sa larawan ang mga kiping na ginawa na parang aranya o chandelier. Upload, sabay #wanderlust #pahiyas #itssomasayahere.
Everybody seemed happy. Kaya sa bawat taon na lumilipas, papabongga nang papabongga ang okasyon. Papabongga. Hindi ko na-imagine na gagamitin ko ang salitang papabongga matapos ang mahigit 40 taong pag-iral ko sa mundo. Kung hindi nga lang para sa espasyong ito.
Bueno. Napakasuwerte ko. Hinubog ng naglalakihang piyesta ang aking magli-5 dekadang existence sa mundong sinasalanta ngayon ng salot. Idagdag pa sa mga piyestang ito ang mga patron na ipinagpipiyesta naman sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Ilang San Isidro Labrador mayroon ang bansa natin? Ilang Santa Clara o San Pascual Baylon? Huwag nang isama pa ang month-long festivity para sa Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje o Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo. Pero may ibang plano ang pagkakataon.
Matamlay ang aming bayan, ang bawat bayan. Sa halip na magdiwang ng mga kapistahan, iba ang ating pinagpipiyestahan.
Kakatwa ang salitang pista o piyesta na mula sa salitang Latin na fastum o piging. Lagi nang iniuugnay natin ang kapistahan sa pananampalataya ng tradisyong Katoliko at, kasabay nito, ang kasiyahan at ang mismong piging na tinatawag din natin, blandly, na handaan. Handaan, maraming inihandang pagkain. Na maaaring nakahanda ring ihain nang may nakahandang ngiti ng kung sinong may bahay na dadayuhin ng kung sino mang nakahanda rin ang sikmura para lamnan. Kaya kapag ginamit natin ang literal na pinagpiyestahan, ibig sabihin lamang, may pagkaing dinumog o nilapa, depende sa sidhi ng akto ng pagsubo. Pinagpiyestahan ang litson, halimbawa. Dinumog, pinilahan. Blockbuster. Naubos.
Kaya habang walang mapamiyestahan ang marami sa atin dahil kanselado ang lahat ng okasyon at gawaing kaugnay ng kapistahan, marami naman tayong ibang pinagpipiyestahan. Nasa level ng talinghaga o metaphor ang pinagpipiyestahan o dinudumog ng marami sa atin. Isyu. Balita. Tsismis sa barangay. Kung sino ba, halimbawa, ang tumanggap ng emergency subsidy na parang hindi dapat. O kung sino itong kapitbahay mong ubo nang ubo.
Pinagpipiyestahan natin ang buhay ng mga tao at mga pangyayari. Dinudumog, nilalapa, wala halos itinitira. Minsan kinukulang pa, kaya pinupun’an ng iba ng maling impormasyon. Na kagyat pagpipiyestahan naman ng iba.
Dahil ang marami sa atin ay kondenado sa loob ng bahay, maraming panahon ang inuubos natin sa social media, lalo iyang mga local Facebook group na pambayan o pambarangay na lahat ay magkakakilala, para makibalita, para pagpiyestahan ang buhay ng ibang tao at mga pangyayari. Iyon nga lang, gaya ng pinagpiyestahang litson, sa sarap, kahit delikado, bihira ang nagiging maingat. Ganito rin sa pinagpipiyestahan nating pangyayari. Kadalasan, bihira na ang nagsusuri. Subo na lang nang subo ng inaakalang masarap na impormasyon.
Walang piyesta ngayon. Pero hindi maubos-ubos ang mga paksang pinagpipiyestahan ng mga inip na inip na sa loob ng bahay. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST.