Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Huwag payagang maveerus ang ating kalayaan

$
0
0

"Buti pa 'yung POGO, pinaglalaban 'nyo," hinanakit ni Coco Martin, star ng "Ang Probinsyano."

Tila mababa sa prayoridad ng administrasyong Duterte ang taumbayang mawawalan ng paborito nitong libangan. Marami na ngang nawalan ng trabaho sa pandemic, dadagdagan pa ng 11,000 na manggagawa ng ABS-CBN.

Sino ang tunay na nagpasara?

Totoong ang National Telecommunications Commission ang kumalabit sa gatilyo. Hindi mananatili sa puwesto sa termino ng tatlong presidente ang chairman nitong si Gamaliel Cordoba kung hindi ito political survivor. Dati nang nangako si Cordoba sa harap ng mga kongresista na magbibigay ang NTC ng provisional authority to operate sa pinakamalaking brodkaster sa Pilipinas. Pero nawindang siya nang takutin siya ng graft ni Solicitor General Jose Calida.

Sa totoo lang, labas sa mandato ng SolGen na makialam at mambrusko ng mga ahensya ng gobyerno. (Tanging trabaho lang niya ang ipagtanggol ang mga posisyon ng ehekutibo.) Pero mas attack dog ni Pangulong Rodrigo Duterte si Calida. Tulad ng mga dati niyang diskarte, kaya ni Calidang tumuntong sa kapirasong ligalidad at i-weaponize ito. Sabi niya, naaayon sa batas ang pagsasara ng ABS-CBN at kasalanan daw ito ng Kongreso.

Ang ikatlong aktor sa dramang ito ay si House Speaker Alan Peter Cayetano na nagsabi noong Pebrero: “No’ng sinabi naming ‘di magsasara, 'yan ang paninindigan namin. Kung kailangang physically ako ang mag-on ng transmitter or pumunta doon, gagawin ko ‘yan." 

Ngayong naka-black-out na ang Channel 2, ang press release naman ni Cayetano ay magkakaroon daw ng “pagtutuos” at “aayusin ng Kongreso ang gulo na nilikha ng iba." Hindi ba’t siya ang naupo sa mga aplikasyon ng prangkisa ng ABS-CBN sa Kongreso? (BASAHIN: Lawmakers blame Cayetano for ABS-CBN shutdown)

Itaga mo sa bato Mr Speaker, maaalala ka sa susunod na eleksyon (at sa kasaysayan) bilang pinunong nagkait sa mga Pilipino ng kanilang simpleng kaligayahan sa gitna ng lockdown.

Si Cordoba, Calida, at Cayetano – tatlong opisyal na bihasa sa double-speak. Tatlong opisyal na sumikat sa Palasyo ng Sanggano dahil masunurin sila. Tatlong opisyal na master sa pagmamaniobra. Maniniwala ba tayo sa paghuhugas-kamay nila? 

Sa pagitan ni Cordoba, Cayetano, at Calida sino ang may sala? Aba’y silang lahat, pati na ang boss nila, si Pangulong Duterte. Maniniwala ba tayong kikilos si Calida nang walang basbas ng kanyang matalik na kaibigan? Maniniwala ba tayong hindi si Digong ang dahilan kung bakit inupuan ni Cayetano ang prangkisa?

Mismong ang hepe ng Department of Justice na si Menardo Guevarra ang nagsabing may kapangyarihan ang Presidente na i-override ang closure order ng NTC – kung ginusto niya. 

At lalong kahina-hinala nang ipagpilitan ng kanyang spokesman na hindi si Duterte ang may hawak ng baton. Na “neutral” daw si boss. 

Mga kababayan, hindi pa ba natin kilala si Duterte? Kailan ba siya naging neutral, lalo na laban sa isang kaaway na apat na taon niyang pinanggigigilan? 'Di ba't ilang ulit niyang lantarang sinabi na "haharangin" niya ang franchise ng network?

I will forgive, but I will never forget,” ang madalas na bitaw ng Pangulo. Maniniwala ba tayo sa political spin ni Spokesman Harry Roque na walang kinalaman si Digong?

Ano ang ibig sabihin nito?

Sa gitna ng turuan, nilabag ng pagsasara ang Konstitusyon

Ayon sa petisyon ng ABS-CBN sa Korte Suprema, ”ABS-CBN cannot be closed without compromising the fundamental guarantees of freedom of speech and the press.” 

Sa mga hindi abogado o mamamahayag – medyo mahirap arukin ang koneksyon ng press freedom sa shutdown ng ABS-CBN. Ganito ‘yan: ang pagbabalita ay garantisadong karapatan ng Konstitusyon. May karapatan tayong malayang magpahayag ng ating mga kuro-kuro, habang ang mga journalist ay may karapatang malayang magbalita nang walang pakikialam o panggigipit. 

Pero bengansya ang kinauwian ng proseso – ginagamit na pangho-hostage sa media ang pagbibigay o pag-e-extend ng prangkisa. Ginamit ito upang balikan ang network sa malayang pagbabalita nito. EXPLAINER: FICTAP Issues vs ABS-CBN’s franchise renewal

Ang pagtatanggal sa ere ng ABS-CBN ay porma ng pampulitikang pambubrusko – hindi lang sa ABS-CBN, kundi pati sa lahat ng Pilipinong media na matatakot mapasara.

At kung babalikan, pamumuna ang isyu ni Duterte sa ibang media tulad ng Rappler at Inquirer. Tinangkang tanggalan ng lisensya ang Rappler sa pag-uudyok ni Calida, tinambakan ng kaso, at inaresto ang CEO na si Maria Ressa. Tinangka namang i-take over ang Inquirer ng mga kaibigang negosyante ni Digong. 

At hindi lingid sa publiko, sa kabila ng pagtanggi nito, interesado ang favorite tycoon ni Digong na si Dennis Uy na bilhin ang crown jewel ng mga Lopez. Napabalita ring interesado ang isang dating senador na may real estate empire, bukod pa sa isang makapangyarihang politiko mula sa Ilocandia.

Sabi nga ng Consortium on Democracy and Disinformation (D&D)hindi maihihiwalay ang galaw na ito sa “wider context of the administration’s war on the media.” 

Anong puwede nating gawin?

Malapit sa bituka ang press freedom, dahil 'yan ang magtitiyak na may magbabalita kapag nilapastangan ang karapatan mo. Angkop pa rin ngayon ang tula ng Holocaust:

First they came for the socialists, and I did not speak out – because I was not a socialist.
Then they came for the trade unionists, and I did not speak out – because I was not a trade unionist.
Then they came for the Jews, and I did not speak out – because I was not a Jew.
Then they came for me – and there was no one left to speak for me.

Binigyan ito ng bagong hugot ng Inquirer“First they came for the journalists and we don’t know what happened next.” 

Tulad ng giyera laban sa tinatantyang 27,000 na pinatay dahil sa pagiging umano’y adik, ito’y lantarang pang-aabuso ng kapangyarihan. (BASAHIN: How a death in Manila led to the fall of a media giant)

Sa isang statement, sinabi ng Rappler na isa itong "act of betrayal against the public that ABS-CBN serves.”

Sabi nga ni Coco Martin, “tinatarantado niyo ang Pilipino.” Tulad ni Coco, huwag tayong manahimik. Huwag tayong magpasindak. 

Pana-panahon, dumarating sa ating buhay ang oras na kailangang manindigan. Kakapit-bisig ng Rappler ang lahat ng mamamahayag na nagpapatuloy sa pagbibigay liwanag (shining the light) sa kamailan sa lipunan at gobyerno, kabilang na ang pambubusal sa media.

Ngayon higit kailanman, handa ang Pilipinong mamamahayag na manindigan – to hold the line.

Sa panahon ng COVID-19, 'wag nating payagang maveerus ang ating kalayaan. #HoldTheLine #CourageOn. – Rappler.com  


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>