Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Walang new normal

$
0
0

 

  Sabado, Mayo 16, ang unang araw ng GCQ (general community quarantine) namin dito sa Lucban, Quezon. Wala namang masyadong nagbago. Kung mayroon man, hindi ko kaagad mararamdaman. Wala pa rin naman kasi akong balak lumabas ng bahay nang mas madalas sa twice a week na nakasanayan ko nitong huling dalawng buwan.

At wala akong balak baguhin ang nakasanayan kong pag-iingat at, palagay ko naman, ay healthy dose pa ng kapraningan. Baguhin man ang tawag sa kung anong uri ng quarantine mayroon tayo ngayon, wala pa rin akong nababanaagang new normal.

Well, baka naman magkaroon sa malayong hinaharap. Iyong new normal na makakasanayan na natin kahit ayaw na ayaw. Iyong magiging pangkaraniwan, tulad ng traffic sa Kamaynilaan. Iyong siksikan sa laging sirang tren noon o sa mall kapag sale na, kahit ayaw mo, naroon ka pa rin naman, waiting for the impulsive spending to kick in habang naglalakad pagkakain. Iyong impulse to buy something na mukhang nakamura ka kahit hindi mo naman kailangan talaga.

Hindi ko akalaing darating ang panahong mami-miss ko pala ang trapiko sa lungsod, ang siksikan sa bus o tren, ang sea of humanity. Ang nagmamadali’t pagod na pagod na pag-uwi ko sa probinsiya tuwing weekend. Hindi ko akalaing mami-miss ko ang committee meetings ko, ang mga after-work binge beer-drinking sa gilid-gilid ng university with friends and some kaibigang putik. 

Wala pang new normal ngayon. Kung kailan magkakaroon, walang nakakaalam. Kahit siguro ang pinagsama-samang kukote ng mga tao sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), hindi masasabi kung kailan, kung ano, kung paano itong new normal.

Kaya hindi ako masyadong pumapatol sa mga pronouncement na magsasalita si ganoon at ganitong ekspertong speaker sa mga online forum tungkol sa paparating na new normal sa kung anong industriya, lalo sa kinabibilangan kong sektor ng edukasyon. Sampu sampera ang mga nagke-claim na alam nila ang mangyayaring sitwasyon sa dystopic post-COVID-19. Wala akong panahong maniwala.

Ang kaya lang nating gawin ay mag-imagine ng mga scenario na matatawag na new normal batay sa nangyayari ngayon. O, at best, sa makatotohanan at makaagham na mangyayari sa hinaharap. Emphasis on makatotohanan at makaagham, lalo kung galing sa mga ahensiyang pinondohan ng buwis ng taumbayan ang magli-lead sa atin sa hinaharap na ito. 

Sa ngayon, bilang personal na pagtatasa, nakikibalita ako sa pamumuhay ng mga unang bansang mistulang nakakaalpas sa hagupit ng COVID-19. Bagamat may hindi magandang pangitain ng muling pag-spike ng bilang ng nahawa sa mga bansang nagluwag ang lockdown, tulad ng Germany at South Korea.

Hindi na ito nakapagtataka. Sabik ang taong bumalik sa nakasanayang pakikisalamuha. Kaya nga abot-abot ang pangamba kong umarangkada ang numero ng mahahawahan sa bansa natin kung sakaling magkaroon ng easing up ng physical distancing, lalo’t hindi maiiwasan dahil babalik na sa trabaho’t kailangang mag-commute at muling makipagsiksikan ng mga kababayan natin.

Kung alinmang bansa ang makakawala sa sakal ng COVID-19, titingnan ko ang new normal nilang pamumuhay dahil, baka sakali, may hawig ng magiging sa atin. Pero habang wala, puwede tayong bumuo ng mga scenario batay sa kung saang lugar at sitwasyon kayo naroroon ngayon. 

Iba, kung sakali, ang magiging new normal sa idyllic na lalawigan at sa masikip at masangsang na lungsod. Again, scenario lang. Hindi iyong kung ano-anong claim na kesyo ganito at ganoon ang mangyayaring new normal na dapat pakinggan basta magbabayad ng registration fee sa kanilang online seminar. Don’t me. 

Ano ba ang magiging norm o kalakaran sa hinaharap matapos ang pangyayaring ito? O habang nangyayari ito, kung sakaling ilang taon pa ang aabutin sa research, manufacturing, distribution, and administration sa sangkatauhan ng vaccine kontra COVID-19? 

For starters, wala tayong maaaring balikang kasaysayang may kaparehong-kaparehong estado sa pagkalat ng salot. Hindi ito katulad lang ng panahon ng karaniwang trangkaso tuwing malamig na Enero. Walang template ang ating sitwasyon. Mahigit 100 taon na ang huling pananalasa ng pandemiko sa mundo. Ibang-iba na ngayon. Pero gayong ibang-iba, noon pa man ay marami nang nagtutrumpeta na may paparating na salot na mananalasa dahil sa mga kondisyon ng mundo. It’s just a matter of time, wika nga.

“[Experts] were identifying conditions that could lead to the introduction of new, potentially devastating pathogens—climate change, massive urbanization, the proximity of humans to farm or forest animals that serve as viral reservoirs—with the worldwide spread of those microbes accelerated by war, the global economy, and international air travel.”

At siyempre, tulad ng sa isang gasgas na script ng isang pelikulang apocalyptic starring Brad Pitt o Dwayne “The Rock” Johnson, walang bansang lubusang naging handa sa pananalasa ng salot. Well, meron naman. Vietnam, halimbawa, na pupuwede nating tingnan at gawing template kahit papaano ng buhay under the new normal circumstances.

May tingi naman of new normal, at least, on my personal end. Batay sa nakakasanayan ko bilang delegado ng aking pamilya sa pamamalengke nitong huling dalawang buwan: normal na sa akin ang maghinala, magduda sa kalinisan, lumayo nang may sapat na distansiya sa kapwa.

Normal na sa akin ang umiwas sa inaakala kong magiging siksikan. Normal na sa akin ang pagkaway-kaway at pagsingkit-singkit ng mata tanda ng pagngiti ko sa kapwa ko market delegate na makakasalubong habang naglalakad sa bayan. Normal na sa aking outside-the-house get-up ang face mask, itineterno ko sa kulay ng aking kamiseta. Normal na sa aking bulsa ang pocket-sized rubbing alcohol dispenser. Maya’t mayang linis ng kamay, lalo kung nasa labas sa lagi ko nang pinaghahalaang kayduming mundo. 

GCQ man kami, wala pa ring new normal sa paglalakbay. Wala pang nakakaalam sa epekto sa public o mass transport system kung sakaling sumugod muli ako, kasama ang laksa-laksang obrerong walang sariling sasakyan, papunta sa Kalakhang Maynila para magbanat uli ng buto. Bagamat malinaw sa akin na mas magagamit ko ang paglalakad kesa maghintay ng masasakyang bus, tren, o dypini na magpapatupad ng IATF-EID-acceptable physical distancing sa bawat pasahero. I can’t imagine kung gaano ka-stressful umuwi sa kani-kanilang bahay. At obligadong pumasok uli sa trabaho kinabukasan dahil hindi kaya ng work-from-home scheme. 

Itinanim ko na sa isip ko, bilang bahagi ng new normal sa aking pagkatao, na hindi ko na kailangan ng shopping mall bilang lugar na dati ay pinagpapatayan ko ng oras. O pinagpapalipasan ko ng sandali para makaiwas sa masikip na traffic. Kung sakali mang magbubukas ang mall nang tuluyan, pupunta lamang ako kapag may lubhang kailangang-kailangan at ora mismong bilhin, na hindi kayang i-deliver sa online shopping. 

Bilang guro, walang makakapagsabi sa akin ng mangyayaring new normal sa pagtuturo at pagkatuto. At kung mayroon mang magke-claim na alam na nila ang magiging new normal na ito, he he, dapat ipagpatayo ng rebulto, sakaling magkatotoo. 

Maaaring bumuo ng mga scenario, pero ito man ay bubuuin on a case-by-case basis. Pulo-pulong danas at pagpapatupad. Customized. Lalo’t aandap-andap pero pagkamahal-mahal ang serbisyo ng internet sa ating bansa.

Guro rin ang asawa ko, bagamat sa isang maliit na bayan sa probinsya. At least ang isang maliit na bayan sa probinsya, contained, hindi gaya kung saan ako naghahasik ng karunungang itim sa isang matandang unibersidad sa Maynila, na ang mga estudyante ay kung saan-saang lupalop ng bansa nagmula. Mas prone kami sa hawa.

Bagamat pareho kaming guro ng asawa ko, nakatitiyak na magkaiba ang atake at platform sa pagtuturo. Iba rin ang mangyayari sigurado kung paano matututo ang anak kong elementarya sa public school. Lahat ito, masakit mang isipin, ay magiging trial and error muna. Walang fool-proof formula. Lahat ay birth pains para iluwal ang new normal sa isang mundong sinasalanta ng salot. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST. 

 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>