Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON | Wikapedia] Sa pista ng mga peste, maghanda ng coronavirus ‘dalit’

$
0
0


 Nitong nakaraang mga buwan, humigit sa 1,000 ang sumali sa patimpalak ng Rappler at Foundation AWIT (Advanced Wellness, Instruction, and Talents) sa pagsulat ng dalawang uri ng katutubong tulang Filipino: ang COVIDiona sa Twitter noong Marso, at ang COVIDaglî sa Facebook noong Abril.

Sapat na ito upang ituloy natin ang ating pagpapahayag ng sarili, lalo na ngayong ang ating general community quarantine ang new normal – na nataon pa naman sa buwan ng kapistahan.

Ano pa ang maaaring sulatin?

Ngayong Mayo, COVIDalít.

Dalit?

Isang uri ito ng katutubong tula na may 4 na linyang magkakatugma, at ang bawat isang linya ay may tig-8 pantig. (Kumbaga, parang tanaga lamang ito na may dagdag na isang pantig.)

Kung babasahin natin ang Compendio del Arte de la Lengua Tagala (1879) ni Fray Gaspar de San Agustin (1703) na maituturing na unang manunuri ng panulaang katutubo, ang dalít ay mas ihinahanay sa talingdaw.

Ang dalít ay may dalawang katangian:

  • “matatayog na kaisipan”
  • “mabibigat na damdamin”

Tingnan kung gaano katayog ang kaisipan at kung gaano kabigat ang damdamin ng dalít na ito:

Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo’y apahap.

Hanapin din ninyo ang dalawang katangiang nabanggit sa korong ito na madalas na inaawit sa huwégo de prénda kapag lamayan:

Sa Diyos natin ialay
Kaluluwa ng namatay;
Patawari’t kaawaan
Sa nagawang kasalanan.

Kung tutuusin, ang diumano’y unang nalimbag na tula noong panahon ng mga Espanyol ay dalít.

Bahagi ang dalít ng mahahalagang okasyon sa buhay-Filipino.

Alam ba ninyong dalít ang pangangaluluwa tuwing Todos Los Santos?

Dalít din ang panunuluyan kapag Pasko?

At marami pang kantang-simbahan?

“Bihira na ang gumamit ng anyong dalít,” ayon sa Sagisag Kultura ng Filipinas, “sa mga makata ng ika-20 siglo.”

Noong Siglo 19 kasi matatandaang ang Hermandad de la Archi-Cofradia del Glorioso Señor San Jose y de la Virgen del Rosario – o mas kilala bilang Cofradia de San Jose – na itinatag ni Apolinario de la Cruz na taga-Lucban, Tayabas (ngayo’y Quezon), ay dinidiyos ang dalít.

Sa kanilang rituwal, mula pa noong 1832, matapos ipaalam ni Hermano Puli ang kaniyang intensiyon sa mga cabecilla niya, nagsagawa siya ng ilang simpleng ritwal:

pagsasaulo ng ilang dasal;
pagrorosaryo nang buong 15 misteryo;
pananalangin ng katapatan kay San Jose;
pag-awit ng imno o ang Dalit sa Kaluwalhatian sa Langit na Kararatnan ng mga Banal.

Ang ikaapat ay isang tulang may 42 saknong na naglalarawan ng isang bisyon ng kalagayang perpekto – na nangyari sa Eden at muling makakamtan sa Langit.

Isa ito sa mga napulot na mistikal na akdang pampanitikan ni Hermano Puli sa Maynila noong siya ay naglingkod bilang donado sa Ospital de San Juan de Dios. 

Nang pinalad akong maging Makata ng Taon noong 1985, humingi ng tula si Professor Teresita Buensuceso para isama sa sinusulat niyang librong Panitikang Filipino. Dalít agad ang sumagi sa isip ko tungkol kay Hermano Puli.

Kinalaunan, bahagi ito ng kauna-unahan kong librong pinamagatang Dalít, Galit, Halit, Malit, Ngalit, Palit, at Salit (na kabaliktaran ng Pasintabi ng Kayumanggi ni Ariel Dim. Borlongan) na inilimbag ng Anvil Publishing noong 1993.

Isang dosenang dalít ang aking naisulat kaya ito ang naging pamagat ng unang kabanata. 

Kung babalikan ang kasaysayan, ang isa sa pinakasikat na dalít ay hindi talaga dalít. Ito ay ang “Marangal na Dalit ng Katagalugan” na isinulat ni Julio Nakpil noong panahon ng Himagsikang Filipino.

Sa kasalukuyang panahon, maaalala ang aking itinuturong “Dalit ng Paslit” ng paborito nating makatang si Benilda Santos. Katunayan, nilapatan pa ito ng musika nina Bob Aves at Grace Nono na siya ring awit.

Nang isinalin ito sa Ingles, ni Kristina T. Subido sa album na Hulagpos, ito ay naging “A Child’s Song.” Kung baga, ang dalít ay naging “pangkalahatang tawag” sa awit.

DaliText noon, COVIDalit ngayon

Noong 2003, isinunod natin sa TexTanaga ang DaliText. Sa tulong ng texting o Short Message Service, nakaipon kami ng 30,000 dalít na tumatalakay sa pagmamahal sa bayan.

Bukod kay Frank Rivera – na nangolekta ng National Book Awards para sa kaniyang aklat na Makata sa Cellphone (2005) na may 3 tomo, Text Poets’ Society: Mga Tula sa Cellphone (2006), at iba pang textula – ang mga sumusunod mga maituturing na modelong Dalitext Makata ng Taon:  

Di pa hinog sa panahon,
tinutuka na ng ibon.
Bungang natakpan ng dahon,
sinusungkit na ng gutom.
– Ferdinand Bajado

 

Napakasarap pakinggan,
“Mahal ko ang aking bayan.”
Mas sarap maulinigang
Ginagawa ang naturan.
– Catalino Buenviaje

 

Malayo man ako ngayon,
kaulayaw bawat alon.
Ako'y nalagas na dahon,
sa ibang bayan umahon.
– Roger Endaya

 

Ang punong mangga’y tinagpas
at sinilaban ang ugat;
bunga’y nalaglag, naagnas,
namulat naging mansanas.
– Vladimeir Gonzales


Langgam, langgam, kagatin mo,
Ang singit ng politico,
Asam, asam, aming boto
Pag nanalo, lustay-pondo!
– Joel Costa Malabanan

 

Na-Gambala na ang tore
Mga kawal naturete
Kabayong walang hinete
Ang bansa ko’y mamamate.
– Myra Praxidio

 

Buhok man ay nagkulay-tsok,
Lalamunan ma'y napaos,
Walang lubay sa paghubog
Ng magiging manunubos.
– Gregorio Rodillo

Noong 2018, pagkalipas ng 15 taon, ito ay binuhay muli ng isa sa mga nagwagi – na si Dr Joel Costa Malabanan – sa pamamagitan ng Dalitext para sa Wika at Panitikan.

Dalít ang gamit ng Tanggol Wika upang palaganapin ang kamalayang panatilihin ang pagtuturo ng araling Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

At ito nga ang kanilang halimbawa: 

Edukasyon man ay global
Kung wika’y ayaw itanghal;
Bubukal ay lahing hangal
Sakal ng dayong kapital!
– Patch Trisha Licualiwa 

Ngayong 2020, ang timpalak-pampanitikan natin ay hindi na ite-text kundi ipo-post na sa Facebook. I-tag lang ang Rappler at ang Foundation AWIT

Narito ang ilang naisulat ko. 

Kung COVID-19 ay isang guro, ano ang kaniyang naituro? Buong mundo ba ay natuto?

Kahit mayaman kang bansâ,
Walang ligtas sa salantâ;
Daig mo pa ang kawawâ,
Kung hindi ka nakahandâ!

May natutuhan ba tayo sa kalikasan?

Hangi’t dagat ay gumanda.
Wala nang trapik sa Edsa.
COVID-19, ano ka ba?
Bayani o kontrabida?

O may natutuhan sa atin ang bayan? 

Balik sa dating ugali
Kapag usapang salapi.
Mayroong nagsasauli,
May humihingi ng sukli.

O lalo nating nakilala ang ating pamilya? 

Si Daddy ay nagzu-zumba.
Si Mommy ay nagsisimba.
Tulog sina Ate’t Kuya.
Si Baby, TV ang yaya.

O ang ating sarili? 

Inilabas ko ang loob
Na sa ay araw natakot.
Binigyan ako ng virus
Ng salamin ko sa bubog! 

Noong Marso, nasa 500 ang tumangkilik sa COVIDiona. Nitong Abril, nasa 1,000 ang lumahok sa COVIDaglî. Ngayong Mayo, ilan kayà kayong sasali sa COVIDalít? – Rappler.com

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>