Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Namimigay ng bigas, aso, smartphones, pera...

$
0
0

Sandali lang. Paraanin mo na lang ito. Kaunti lang. Gusto ko lang magbunganga rito. Nakakainis na kasi. Nakakagalit even. Alam ko, alam ko. Natalisod ninyo itong rant na ito sa inyong newsfeed kaba-browse ng kung ano-ano. 

Sandali. Alam kong marami kayong oras ngayon dahil limitado ang inyong kilos at trabaho dahil sa ECQ, MECQ, GCQ, o kung ano-ano pang darating na abbreviation na maglalarawan sa limitadong paggalaw natin dahil sa hanep na salot na COVID-19 at iba pang disaster mitigation (mis)management measures. Mas marami kayong oras ngayon kaya mas matagal na kayo sa harap ng monitor ng inyong gadget. Mas may time na magkakalikot, mag-reax, mag-comment, mag-share. At ito mismo ang ipinagpuputok ng butse ko bilang matagal-tagal na ring tagamasid sa nangyayari sa social media. 

Puwede ba, huwag pumatol sa mga halata namang hindi totoong namimigay ng kung ano-ano kapalit ng like, follow sa account, see-first, at share?

Oo, ang dami na. As in. Marami na noon, pero mas dumami ngayon. Sangkaterba. Kinakasangkapan ang krisis at pagkainip mo para mamigay kunwari ng kung ano-ano: bigas, pera, aso, smartphones. Basta. 

Sino sila? Paano makikilala? For starters, sila iyong randomly magpapa-comment dahil napakarami raw nilang pera; kumpleto sa video o pictures ng mga resibo ng money transfer o tala-talaksang smartphone o kaban-kabang bigas, perang ginawang pamaypay, mga cute na cute na tutang wala na raw mag-aalaga. Alam ko, naengkuwentro mo na ito sa mga community pages ng Facebook, mga online tindahan, mga hobby o interest groups na libo-libo ang miyembro. Ipinasok ang status ng mga unang nabiktima. At dahil nakita mo habang naghahanap ka ng magde-deliver sa iyo ng hinahanap-hanap na siomai sa online marketplace ng inyong barangay, napahanga ka sa kaniyang generosity. Mabuti pa siya maraming natutulungan.

Pero pansin mo bang walang recipient ang kaniyang mga idini-display na resibo at pera at gadget? At kung meron man, naisip mo bang pupuwede itong staged? O pinlano para magmukhang totoo?

Pero siyempre hindi mo ito mapapansin. Kaydali nga naman kasi ng ipinagagawa. Ano ba naman ’yung walang kahirap-hirap na like, follow, see-first, comment, share? O share sa iba pang Facebook groups sa paniniwalang grasya ang ipinamamahagi mo at malaki ang tsansa mong manalo? May “raffle entry” ka na. Ano ba naman ang mawawala?

Classic opening spiel ng mga damuho: Sino may gusto ng pera? Sharing is Caring! Sino may gusto ng bigas at relief goods? Perang ayuda? Smartphone inyo na! Walang mag-aalaga, gusto mo ng siberian husky? Hayop na ’yan. Oo, alam kong hayop ang mga aso, pero pakaisipin mo sana. Raket ito. Gagamitin ka. Paano?

Uso ang bentahan ng account, lalo iyong maraming follower. Bakit? Dahil kung organic ang accumulation ng following, iyong paisa-isang mapapagawi sa account mo, magla-like, matutuwa sa mga status at post, saka pa lang pipindutin ang "follow." Matagal na proseso. 

Paisa-isa ang nagpa-follow lalo kung hindi ka naman personalidad, umaasa ka lang sa status na pinaghirapang buuin na maaaring nag-viral dahil maayos o kontrobersyal. O kung personalidad man pero hindi kaaya-aya, bakit ka nga naman ipa-follow. 

Para saan naman ang mga Facebook account na bibilhin? Para sa gustong mapabilis ang pagsikat, para sa gustong maging influencer pero walang panahong gumawa ng makabuluhang social media content, para sa phishing ng detalye ng iyong buhay lalo’t hiningi na i-comment mo ang iyong buong pangalan, kapanganakan, address para raw alam nila kung saan ide-deliver ang premyo, at cellphone number para raw tatawagan ka kung mananalo. 

Binibili din ang mga Facebook account na maraming follower ng mga kompanyang gustong ilako ang kanilang serbisyo, legal man or otherwise, sa newsfeed; at higit sa lahat, para sa mga gustong makilala agad tulad ng mga <hingang malalim> kakandidatong pulitiko sa eleksiyon na walang sasabihin, lalo pa gagawing, substantial. Bakit pa nga naman mag-aabala to gain organic followers? Puwede namang bumili. Puwede nang magkaroon ng sariling database. Gets?

Kapag nabili na ang account at pinalitan na ang pangalan ng inaakala mong magbibigay sa iyo ng bigas, tuta, o pera – voila! – bago ang eleksiyon (meaning, ngayon hanggang sa Mayo 2022), naka-follow ka na kay presidentiable, gubernatorial, mayoralty, senatoriable candidate na walang katorya-torya. Magtataka ka ngayon, bakit sila paulit-ulit na lumalabas sa iyong newsfeed? Simple, dahil sa wala pang isang minuto mong pagsali sa bogus na kawanggawa at totoong scam na nakalusot sa iyong pagkilatis at pag-unawa.

Ano ba kasi ang anatomiya ng ganitong mga scam?

May 5 psychological na dahilan:

Una, ang elemento ng reciprocity. Bibigyan ka ng pera o bigas o smartphone, kapalit ang iyong pag-follow nang naka-see first sa kaniyang account, tapos ang pag-share. Mukhang harmless, ano? 

Ikalawa, ang pagiging sunod-sunuran. Mapapansin ang napakaraming resibo ng money-transfer na katibayan na may ipinadala, o ang video na may dumating na isang trak ng bigas, o patotoo na tumanggap sila ng ganoon at ganitong halaga ng pera o latest gadget. Teka, oo nga, kung mayroon nang nauna (na hindi mo naman talaga na-verify dahil, well, bakit pa eh may picture namang ipinakita) tiyak na may kasunod. At inaakala mong ikaw na ang susunod na pagkaalooban ng grasyang halos wala kang ipinuhunan maliban sa like, follow, at share. (READ: OFW loses P600,000 in Facebook romance scam)

Ikatlo, ang discrepancy ng kaliitan ng gagawin mo kapalit ng laki naman ng inaakalang makakamit. Magsisimula raw ang dicsrepancy sa low-profile question: “Gusto mo ba ng siberian husky?” O “Luma na ba ang smartphone mo? Gusto mo ng bago, iyong libre?” Or variations thereof. Dahil sino nga naman ang hindi aasam ng kahit anong libre sa kasalukuyang buhay nating bahagya nang makaraos sa krisis?

Ikaapat, ang elemento ay ang fear of missing out o FOMO sa ilalim ng prinsipyo ng scarcity. Marami nang sumali, sabi ng status. Marami nang nanalo o nabigyan ng ayudang imported na de-lata, ano pa’ng hinihintay mo? Baka ka maubusan. Like na, follow, see-first, then share sa iba. 

At ang huli, ang principle of similarity, o pagkakatulad natin sa mga taong inaakala nating may mabubuting pusong magbibigay sa atin ng kung ano-ano. Hindi sila miyembro ng oligarchy, o ng kapitbahay ninyong matapobre. Hindi rin mga pulitikong mahirap maabot. Mistulang karaniwang tao silang namamahagi lang ng grasya. Hindi personalidad, basta random act of virtual kindness from some random virtual people na hindi mo mami-meet o makikilala dahil, well, hindi naman nila intensiyong magpakilala talaga. Ang kailangan lang ay ang like mo, ang pag-follow mo. Harmless? Wait until you vote for these people who will lie using the account you have just followed. Or for other scams now roaming your newsfeed.  

Bakit kasi naglipana ang ganito ngayon?

Dahil bukod sa may krisis at marami tayong time, noong 2019 mahigit 4 na oras daw tayo sa social media araw-araw – let that sink in – 4 na oras! Mas mataas na siguro ngayon. Baka 5 o 6 na oras ng pagtunganga sa harap ng monitor. Dahil baka ito na nga ang buhay natin. Balita, tsismis, libangan, sayawan, kantahan, kumustahan, pagyayabang, awayan, kumpisalan, name it, baka ginawa na natin sa ating social media account. Kaya nga may ibang nag-isip marahil ng “Malay mo, daluyan na rin ito ng grasya?” Sa dami ng nagagawa natin sa ating social media account, bihira rito ang magsuri.

Ang masakit, sa ease of use ng technology na taglay ng ating mga gadget at sa aksesibilidad sa mabagal pero napakamahal na internet, wala na tayong pagkakataong magsuri, iyong tipong, “Bakit kaya ito namimigay nang ganoon na lang?” o “Bakit nagpapa-follow at nagpapa-like pagkatapos?” o kaya, “Paano ko ba malalaman kung nanalo ako?” “Bakit walang per DTI-NCR permit number ang promo?”

Kasi, para-paraan lang ito. Paraan para dumami ang followers, tapos ay ibebenta sa kung sinong herodes na malamang ay pulitikong mangangailangan ng titingin sa kaniyang recycled na plataporma at niretokeng pagmumukha. Oo, uso at malaganap ang bentahan ng Facebook page, lalo iyong maraming followers.

Para-paraan lang. Bakit nga naman maghihirap humanap ng followers kung maraming pupuwedeng paasahing maambunan ng pera o bigas? Magsilbi sana itong warning kung paano sinasamantala ang ating paghihirap at pagkahumaling. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, Research Fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang Coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>