Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Bakit tayo umaasa?

$
0
0

Maling ihambing ang sitwasyong dulot ng COVID-19 sa ngayon sa literal na digmaan noon. Noong nakaraang ikalawang digmaang pandaigdig, durog at wasak ang mga institusyong panlipunan. Walang pamahalaan dahil si Quezon ay lumikas papuntang Australia noon at sa huli’y lumagi sa Estados Unidos at doon na rin namatay. Madugo, marahas, at walang pakundangan sa buhay at karapatan ng mga tao ang mga pasimuno ng digmaan. Sa literal na digmaan, intensyonal ang pananakop, pagpaslang ng kaaway, at anihilasyon ng kulturang nananalaytay.

Sa sitwasyon natin ngayon, buhay ang mga institusyong panlipunan. Umaandar ang buong sistema ng pamahalaan, bukas ang mga pagamutan, lumalahok sa malikhain at kritikal na paraan ang iba’t ibang industriya at serbisyo sa bansa, tumatakbo pa ang ating ekonomiya kahit papaano, at kapantay nito, dahil nasa demokrasya tayo, ay nariyan din ang civil society at mga kritikong bumabatikos, pumupuna at nagbibigay ng suhestiyon at alternatibong paraan. Ang kaibahan nga lamang ngayon dahil sa COVID-19 ay nakakubli tayo sa ating mga tahahan o tanggapan.

Hindi tayo nagmamadali. Sa katotohanan ay nangangapa tayo tulad din ng maraming bansa. Ngunit hindi rin tayo humihinto upang mag-isip, makiramdam, humanap ng lunas, gumawa ng paraan para panatilihing “normal” ang lahat sa gitna ng krisis na ito. Ginagawa natin lahat ito dahil naniniwala tayo sa pag-asa. Umaasa tayo palagi. Hindi lang iyon, umaasa tayo’t hindi humihinto at higit sa lahat, umaasa tayo dahil tayo’y kumikilos.

Sa katotohanan ay bumabagal tayo dahil nag-iingat tayo. Bumabagal tayo dahil sa lockdown upang makontrol ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Paralisado ang industriya ng turismo, air travel, pampublikong transportasyon, at maliliit na negosyo. Apektado rin ang sektor ng edukasyon dahil naiusod ang pagbubukas ng klase sa Agosto o depende sa sitwasyon kung kakayaning mag-flexible online class.

Sa sektor ng edukasyon, marami ang mawawalan ng trabaho kapag na-delay lalo tayo. Bulnerable ang mga guro sa sitwasyong ito. Kung kaya, kailangan ng sistematiko’t komprehensibong plano at pag-aaral kung paano maisasagawang buksan ang klase na hindi kailangang nasa loob ng klasrum. Ang mga guro’y hindi nga frontliner subalit kailangan din nila ng ayuda mula sa pamahalaan. Huwag silang kalimutan at isantabi lamang. Sa kabuuang pananaw, ang mga guro – tayong mga guro – ang “midliners.” May tungkulin tayong sinumpaan at kung makikiisa tayo, may adbokasiya tayong pairalin ang sistema ng edukasyon kahit sa gitna ng krisis. Sa katunayan, ang edukasyon natin ang susi rin upang makahanap tayo ng solusyon at makatugon sa mga suliranin ng ating lipunan. (READ: Rappler Talk: Education in the time of coronavirus)

Huwag tayong tumigil sa pananaliksik at kolaborasyon. Magtulungan ang publiko at pribadong paaralan, kolehiyo/unibersidad para makapagsagawa ng flexible online learning. Manguna ang malalaking unibersidad sa mass training ng mga guro sa bansa. Maglaan ng pondo ang DepEd at CHEd sa pagsasanay ng mga guro dahil ito ang higit na kailangang ngayon. Ipagamit ng BPO ang ilang technical infrastructure nila sa sektor ng edukasyon. Bigyan ng tax rebate/incentive ang mga nasa IT industry upang gawing mura ang mga device, equipment, at ibang teknolohiya para sa mga guro at estudyante. Bigyan din ng tax rebate/incentive ang mga telco sa garantiyang mapapabilis nila ang koneksyon ng internet sa bansa sa lalong madaling panahon. Pakiusapan ang mamamayan na gawing gabi o sa weekend ang panonood ng Netflix at iba pang video-streaming para mailaan ang kailangang bandwidth sa edukasyon sa buong maghapon. Gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang maprotektahan sila sa online sexual abuse and exploitation (OSEAC). Ilan lamang ito sa mga suhestiyon upang matanaw natin ngayon pa lamang ang bagong normal sa edukasyon.

Nakikipaglaban tayo. Nakikipagbuno tayo sa COVID-19, kay kamatayan, at sa anumang maaaring kahihinatnan natin. Sa unang lebel ang labang ito’y personal. Nasa atin kung tayo’y magpapasyang makiisa o hindi. Kailangan nating magtulungan at umiisip lagi ng paraan kung paano magugupo ang pandemyang ito. Huwag po tayong sumuko.

Bantayan din nating lahat na sa kabila ng pandemyang ito, isinusulong ng iilan ang kanilang masasamang balak, kahit nasa pamahalaan pa sila o saan mang sektor ng ating lipunan.

Kung ang buong lipunan ay makikiisa, hindi natin kailangang sumuko o huminto. Umasa tayo at manalig na sa kabila ng lahat kapag natapos ang krisis na ito, nakatindig tayong mas malakas at mas handa sa susunod pang mga hamon bukas at sa marami pang bukas. – Rappler.com

Si Rhoderick V. Nuncio ay full professor, research fellow, at tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa De La Salle University. 

Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>