“We followed the law.” Ito ang laman ng liham ni Mike Alcazaren kay Pangulong Rodrigo Duterte at General Debold Sinas. Kalakip ng post sa Facebook ang larawan ng cremation ng kanyang ama 40 araw nang nakalipas. Apat na oras lamang nakapaglamay ang magkapatid na tanging saksi sa huling paalam sa ama. Anim sa mga kapatid nila ang hindi nasilip man lang ang lamay.
Sabi pa niya, “Do not mock us with your lame jokes about spending your damn birthday alone Mr President." (Huwag mong kutyain ang aming dinanas sa pagbibiro na mag-isa ka sa iyong kaarawan.)
‘Walang mali’
Ano ang puno’t dulo ng post ni Alcazaren? Nitong Mayo 8, lumahok sa isang mañanita para sa kanyang birthday si Metro Manila Police Chief Debold Sinas. Inulan siya ng kritisismo at napilitan siyang humingi ng paumanhin.
Pero ipinipilit pa rin niyang wala raw mali sa nangyari.
Enter sa eksena si Digong. "Hindi niya kasalanan kung may mangharana sa kanya sa birthday niya.”
Ginoong Presidente, malinaw na hindi mo naiintindihan ang konsepto ng command responsibility, tulad ng maraming bagay na may kinalaman sa dangal.
Hindi ba naipaliwanag sa pulisya nang kung ilang beses ang mga alituntunin ng ECQ? Natutulog ba sa pansitan sina Sinas at kanyang mga alipores nang magka-briefing?
O napag-isipan nila ang brilliant idea na magmañanita sa gitna ng lockdown dahil nga sa alipores sila ni Sinas at buong paniniwala nila ay untouchable sila?
Tama ba, General Sinas na masahol pa sa mga pasaway ang mga tauhan mo – nilabag nila ang alituntunin dahil lasing sila sa kapangyarihan?
At bilang kanilang immediate superior, ikaw ang “enabler” o kunsintidor nila?
General Sinas, batay sa prinsipyo ng “command responsibility,” malaki ang pananagutan mo sa kanilang kasalanan dahil malinaw na sinusunod lang nila ang iyong ehemplo.
Kayo ang mga kunsintidor: ikaw General Sinas, si PNP chief Archie Gamboa, at ang pinakamalalang kunsintidor sa lahat – si Pangulong Duterte.
'Memo to self'
Sa kanyang sorry, not sorry apology, sinabi ni Sinas na wala raw mali sa ginawa niya, at peke raw ang mga photo ng piging (na hango sa mismong Facebook page ng NCRPO).
Nitong Eid’l Fitr, patay malisya pa siyang nagpaalala sa mga kapatid nating Muslim na “bawal magtipon.” Kahit ’yan ang klase ng payo na hindi niya pinakikinggan.
HIndi lang sinungaling si Sinas, ipokrito rin siya. Sabi nga ng isang blogger, dapat ay ipinadala ni Sinas sa sarili ang tagubilin na ‘yan at pinamagatang “Memo to Self.”
Pero ang mas mahalagang tanong: karapat-dapat ba siya sa puwesto?
May karapatan bang mamuno ang isang taong wala pagpapakumbabang aminin ang pagkakamali? Taong nagsisinungaling kapag nakorner?
Para kay Sinas, importante ang magandang opinyon ng kanyang classmate na si Major General Guillermo Eleazar. Mahalaga sa kanya na ituring siyang isang “gentleman” o maginoo ng kanyang mga tauhan.
Pero tila hindi naiintindihan ni Sinas ang kahulugan ng pagiging maginoo. HIndi nagsisinungaling ang maginoo. Hindi pakitang-tao ang pagiging maginoo. Higit sa lahat, ito’y pagiging tapat sa prinsipyo at sa sinumpaang tungkulin.
Wala nang maginoo?
Pero tila nauubos na ang mga maginoo sa kapulisan.
Ang tumatak sa kamalayan natin ay ang mga taong tulad ni Brigadier General Nolasco Bathan na nang-snatch ng cellphone ng isang reporter upang burahin ang video ng pambubugbog ng isang devotee ng mga anti-riot police.
Andiyan si dating PNP chief Oscar Albayalde na umano’y isang protektor ng mga ninja cops.
Andiyan ang mga pulis na dinala pa sa Camp Crame ang biktima nila ng kidnap-for-ransom na Koreanong pinatay nila.
Andiyan ang mga pulis na pumatay sa binatilyong si Kian delos Santos sa isang madilim na pasilyo nang nakaluhod at nagmamakaawa.
Andiyan ang mga pulis na imbes na tulungan ang mga babaeng sex workers sa gitna ng pandemic ay pinagsasamantalahan ang kahinaan nila.
Andiyan ang mga pulis na nirape ang isang menor de edad kapalit ng pagpapalaya ng kanyang nakakulong na mga magulang.
Mahaba pa ang listahan. At hindi maitatangging hindi kailanman naging simbaho ang pangalan ng pulisya. At hindi kailanman singsalat sa tiwala ang taumbayan sa kanila.
Ibalik ang dangal
Nananawagan kami sa mga Pilipino na huwag ito palampasin. Pagsumikapan nating ibalik ang propesyonalismo, prinsipyo, at dangal sa kapulisan dahil nariyan pa rin sila sino mang presidente ang nakaupo – taglay ang pamana ng madugong giyera laban sa droga.
Panagutin ang mga may sala, sampu ng mga scalawags na naka-uniporme. Ipinagmamalaki ni PNP Chief Gamboa na zero backlog na sila sa mga kaso laban sa "rogue" na pulis. (BASAHIN: Sinas’ sins in Central Visayas: Killings rampant, investigations incomplete)
Kung si Sinas at Bathan ang standard ng maginoo, wala na ngang “bad egg” sa serbisyo. God help the Philippines. #CourageOn– Rappler.com