Oo, alam ko, kailangang magpatuloy ang nakamihasnang buhay sa kabila ng panganib at pagsubok sa atin ngayon. Wala pang nakaranas ng ganitong uri ng kalamidad. Hindi ito katulad ng bagyong lilipas o hihina paglagpas ng mata sa isang lugar na nasalanta; lindol na pawang papahinang aftershocks na lang ang mararamdaman matapos ang pinakamalakas na pagyanig sa paligid ng epicenter. Kung ito ay pagbaha dulot ng monsoon rains, huhupa din matapos tumila ang ulan pagkalipas ng ilang araw.
Pero hindi. Iba ang kalamidad na ito. Kahit yata si Juan Ponce Enrile hindi pa ito naranasan. Wala tayong point of reference sa kasaysayan. Ang mayroon lang ay benchmarking at paghanap ng best practices sa mga bansang mistulang nalagpasan na ang krisis. Lalo sa mga bansang hindi nagreretoke o nagtatago ng kanilang impormasyon.
Kasama sa pagsubok ng sitwasyon ngayon ay mga pagtatanong buhat sa iba’t ibang sektor ng lipunan na, kung paandarin ko ang pagiging guro ko ng panitikan, sa hirap sagutin, parang mga rhetorical question na. Kung paano pa maghahanapbuhay nang ligtas lalo’t hindi computer o internet-aided ang trabaho, halimbawa? Paano pasisiglahin ang ekonomiya habang wala pang nababanaagang matagalang solusyon sa COVID-19 para sa buong sangkatauhan?
Paano na ang dynamics ng nakasanayang pagtitipong may kinalaman sa pagdiriwang at pananamapalataya? May hinaharap pa ba ang sektor ng turismo at entertainment industry sa mundo? Makakapaglakbay pa ba tayo kung hindi tayo bilyonaryong may sariling eroplano? At iba pang kaugnay na tanong. Pero, ang pinakahuli, dahil kabilang ako sa sektor na ito bilang guro at magulang, paano pa ba makapag-aaral ang mga anak sa nakagisnan nating linear learning? Lahat ito ay usaping dapat pagtuunan ng pansin lalo’t ngayon lang masusubok nang husto ang rigidity ng mga nakasanayan nating curriculum.
Nasabi ko ito nang tanungin ako ng isang kaibigan dahil sa pag-aakalang maalam ako sa mga usapin ng edukasyon. Walang maalam dito, sa isip-isip ko, lalo’t bago ang lahat ng nangyayari, at pare-pareho tayong araw-araw hinahambalos ng uncertainty.
Itinanong niya sa akin kung saang paaralang nag-o-offer ng online class ang pinakamabuti para sa kaniyang anak na paslit sa susunod na school year, na magsisimula this coming August 24, kung pagbabatayan ang statement ng Department of Education.
Nag-aalala siya, natural, sa safety ng kaniyang anak, lalo’t habang isinusulat ko ito, nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine ang lugar nila. Nagtanong siya ng pinakamabisang paraan kung paano efficiently maitatawid ang pagkatuto habang ligtas na matatamo ang inaasahang requirement para umangat ang antas sa pag-aaral na tradisyonal nating nakasanayan.
Pribilehiyo ang teknolohiya
Alam ko, pribilehiyo sa bansa natin ang magkaroon ng aksesibilidad sa internet, o magkaroon ng tig-iisang matinong gadget sa bawat kasapi ng pamilya. Dahil bahagya na naming natatawid ang pagitan ng lower middle income at middle middle income bilang mag-asawang parehong guro, kaya nakapagpundar kami, on installment, ng ilang pang-middle class na gamit at serbisyo: laptops, smartphones, medium-sized television, makupad pero mahal na serbisyo ng internet, bukod pa sa mga aklat na lagi naming kailangan bilang mga guro.
At dahil kabilang din sa middle class ang kaibigan kong nagtatanong sa akin, ginamit kong halimbawa ang sitwasyon namin ngayon sa probinsya hinggil sa kahandaan sa pagharap sa uncertainty ng pag-aaral na, sa totoo lang, uncertainty rin ng buhay.
Sabi ko, nag-aaral mag-Nihonggo ang anak kong nasa junior high school. Wala siyang pakialam muna kung may grade iyon o wala. O kung magagamit niya sa advancement niya sa klase iyon in the future o hindi. Ang mahalaga, gusto lang niya. Masaya siyang nakakapagbasa at nagsusulat nang paunti-unti, nakakaintindi nang hindi masyadong nakatutok sa subtitles ng animé. And that's way better, sabi ko, than having anxiety tungkol sa uncertainty ng future. Kung ano lang muna, ’ka ko, ang gusto niyang pag-aralan. Kung ano lang muna ang gusto niyang matutuhan kahit wala sa kanilang prescribed curriculum.
Sabi ko pa, under repair and maintenance ang lahat ng curriculum ngayon. Umaatikabong trial and error. Walang pupuwedeng magmalaking alam nila, malinaw sa kanila, ang mangyayari sa sektor ng edukasyon.
Kung gusto ng anak mong manood ng paggawa ng animation, dagdag ko pa, o mag-aral magluto ng sanlibo't isang timpla ng karne norte, magpinta ng lumulubog na araw sa bundok na may inverted "w" na ibon tulad ng ginagawa ng anak kong bunso, maggantsilyo, magtanim ng upo't kalabasa, labanos, mustasa, hayaan mo lang. Panahon ngayon para hindi mag-prescribe ng dapat matamo, ng dapat matutuhan, ng dapat pag-aralan.
Pahabol ko sa kaibigan kong ito, unti-unti na niyang tanggapin bilang magulang na walang grade at year level na makatutumbas sa dunong ng anak, until such time na mayroon nang malinaw na patutunguhan ang lahat ng ito. Kapag may malinaw at ligtas na muling patakaran. Dahil sa panahon ngayon, kung gusto talagang may matamong karunungan o kaalaman, sige lang, lalo’t nasa inyo naman yata ang materyal, nasa bahay o sa ligtas na pamayanan o sa internet. Walang itatapon. Walang masasayang. Sama-sama pa kayong maayos na tumatawid sa kawalang kasiguruhan ng buhay.
Walang batang hindi gustong matuto. Lagi silang may gustong tuklasin. Nakatali lang kasi ang isip natin bilang magulang sa prescription ng tradisyonal na paaralan na nakasalig sa learning competencies na magagamit, at – ito ang dramatic – sa kanilang kinabukasang mahirap isipin kung ano pa ba ito ngayon. Huwag muna, ’ka ko, niyang problemahin kung wala pa sa prescribed curriculum ang gustong matutuhan ng kaniyang anak.
Manage your expectations
Sa kabilang banda, ramdam ko ang sidhi at pagmamadali sa paghahanda para mahainan ng edukasyon ang mga mag-aaral para sa darating na pasukan sa Agosto (baka nga hindi na dapat gamitin ang nakasanayan nating salitang “pasukan” dahil baka wala na munang papasok sa estruktura ng paaralan, lalo sa mga lugar na may kaso pa ng COVID-19). Wala yata, kung hindi man bihira talaga, ang magulang na gustong maantala ang pag-aaral ng kanilang anak.
Hindi ako magmamalinis. Mula high school hanggang kolehiyo, tatlong magkakahiwalay na pagkakataon akong tumigil sa tradisyonal na paaralan para mag-reflect sa kahulugan ng buhay at hanapin ang sarili. Naks. Hindi, para magtrabaho lang talaga. Child laborer. Hinayaan lang ako ng nanay ko. Walang magagawa. Kailangan talaga.
Pero ang maganda – again, the drama – malinaw sa akin noon pa man na tumigil lang naman ako sa structured and rigid linear learning, pero patuloy pa rin naman akong naghanap ng matututuhan kahit hindi naka-enroll. Marami akong natutuhan. Wala nga lang grade. Kaya kung mapagkasunduan man naming mag-asawang kailangang maseguro muna ang kaligtasan ng mga anak namin bago sila papasukin, hindi na masakit sa damdamin ang usapin ng pagtigil. At, oo, amenable din sa option na ito, this early, ang panganay na anak ko.
Pero anuman ang kalabasan ng paghahanda ng namumuno ng sektor, malinaw din sa akin bilang guro at magulang na kailangang i-manage kong mabuti ang expectations ko. Dahil kung noong walang COVID-19 ay walang makakapag-claim na fool-proof ang kanilang learning plan, lalo naman siguro ngayon. Maraming balakid, maraming problemang kakaharapin sa lahat ng sulok ng pag-iral ng sistemang ipatutupad para sa pag-aaral. At, sa lahat ng ito, dapat ihanda ko ang sarili.
Matatanggap kong mabagal ang internet, gumagapang ang gadget, malabo ang pagkakagawa ng video, hindi natapos ang learning module. Kami man ng asawa ko bilang mga guro ay baka magkaroon din ng ganitong problema. Pero huwag lang masasakripisyo ang kaligtasan. Mahalagang magpatuloy, manimbang, baby steps, birth pains sa quarantine learning. Pero pinakamahalagang maging ligtas. No compromise.
Kaya sa mga magtatanong sa akin na: “Ano, gusto mo bang patigilin ko anak ko sa pag-aaral?”
Puwede. Siguro. Baka. Dahil hindi ahensiya ng pamahalaan o isang gaya kong sanay sa pagtigil sa pag-aaral ang magsasabi sa iyo bilang magulang na, “Huwag, sayang ang isang taon, tuloy mo lang,” lalo kung ramdam mong hindi siya ligtas; kung alam mong magiging mabigat na pasaning sikolohikal at pinansiyal ang sana ay temporal na nangyayaring ito, towards a more acceptable normal.
Bahala ka. Kung nasa bahay lang naman siya at may aandap-andap kayong internet at gadget o makakapag-download ng module ng guro, malay mo, matuto. Ang sa akin lang, kung bawat kibot ay teknikal na problemang magpapa-stress sa inyo ng anak mo, baka lalong hindi mabuti sa inyong well-being.
Puwede rin naman kasi talagang tumigil sa tradisyonal na pag-aaral, sa rigid linear learning, ang mga estudyante. Choice naman iyon kahit noon pang walang krisis. Pero huwag ninyong hayaang tumigil matuto. Ngayon pa lang, dapat tanggapin na ninyo bilang magulang nang may luwag sa damdamin: hindi lahat ng learning ay may kaakibat na grade o pag-angat ng year level. Minsan, karunungan lang talaga. Teka, di ba, sa panahon ngayon, mistulang iyon ang mas mahalaga? – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.