Ang mga paaralan noong World War 2 (WW2) ay nagsara dulot ng mga pagbomba at paglikas ng mga tao. Matindi ang pinsalang tinamo ng siyudad ng Maynila dulot ng digmaan, pangalawa sa pinakasiráng bayan ng Warsaw sa Poland. Bagsak ang mga gusali, maraming patay, hindi mabilang ang mga gutóm, sarado ang mga tindahan, tigil ang hanapbuhay, walang kasiguraduhan.
Kuwento ng nanay ko ay tumigil sila sa pag-aaral nang matagal-tagal ding panahon. Hindi natapos ng nanay ko ang kanyang high school sa University of Santo Tomas at umuwi siya sa probinsiya namin sa Pangasinan. Marami raw sa kanila ay naglakad nang milya-milya at nakipagsapalaran makauwi lamang sa kani-kanilang pamilya.
Dise-sais anyos ang nanay ko noong pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At sa mga katulad niyang nagdadalaga, matindi raw ang takot ng kanilang mga magulang dahil sa mga balitang kukursunadahin sila ng mga Hapon. Kaya, nang nakauwi raw ang nanay ko sa aming bayan, dagli naman siyang dinala sa baryo, kung saan itinatago ang mga dalagita’t dalaga. Natigil na nga ang kanyang pag-aaral, ang mas masaklap daw ay itinago at inilayo pa siya mula sa pueblo. Walang mabasang libro, wala pang makausap na tao.
Matagal din ang 3 taong digmaan. ’Ika nga sa pamagat ng pelikula ni Nora Aunor, ito ay Tatlong Taong Walang Diyos.
Matapos ang digmaan, naipagpatuloy naman ng nanay ko ang kanyang pag-aaral hanggang sa makabalik siya sa Maynila upang tapusin ang kolehiyo sa University of the Philippines sa Padre Faura. Taong 1949, may larawan siyang kasama ng ilang babaeng mag-aaral na nakasuot ng bloomers – hawak nila ang UP Oblation, na nakasakay sa isang trak patungo sa lilipatang UP Diliman campus.
Tulad ng nanay ko, maraming naantala sa pag-aaral noong WW2, pero naging mga matagumpay na propesyonal malaon. Kapanahon ng nanay ko ang batikang mamamahayag, mananalumpati, at tagapagtaguyod ng wikang Filipino na si dating Senate president Blas Ople. Kaedad ng nanay ko ang kagalang-galang na si Marcelo Fernan, ang bukod-tanging Filipino na nagsilbi sa bansa bilang punong mahistrado ng Korte Suprema at bilang Senate president din. Mahaba ang listahan ng mga mag-aaral na, sa kabila ng pagkaantala ng pag-aaral dahil sa digmaan, ay naging matagumpay sa kanilang mga piniling karera.
Sa katunayan, ang mga mag-aaral na ito, nang sila’y magtapos ng pag-aaral, ang mismong tumugon sa hamon kung paano iaahon ang ating bansa sa lugmok nitong kalagayan dulot ng digmaan. Binuhay ni Senador Claro M. Recto ang damdaming makabayan noong dekada 50, at ipinaalala ang kadakilaan ng pakikibaka ng mga beteranong mandirigma laban sa mga Kastilang mananakop.
Hindi man natin natamo ang inaasam-asam na paglago ng ating ekonomiya, naging panatag naman daw ang buhay mula dekada 50 hanggang 60. Sa katunayan, ayon sa mga eksperto sa economics – tulad nina propesor emeritus Gerardo Sicat at dating constitutional commissioner Bernardo Villegas – ang ekonomiya natin noong dekada 50 ay mas abante kung ihambing sa ibang bansa sa Asya. Sabi nga ng mga nakakatanda ngayon, talo pa natin noon ang ekonomiya ng South Korea, Malaysia, at Indonesia.
Ang pandemya ng COVID-19 na nararanasan natin ngayon ay isang uri ng digmaan, hindi nga ba? Isang digmaang hindi ginagamitan ng baril, bomba, at patibong. Pero, tulad ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming patay, hindi mabilang ang mga gutóm, sarado ang mga paaralan at tindahan, tigil ang pasada’t hanapbuhay, walang kasiguraduhan. Mas matindi pa nga ang pangamba at panganib ngayon dahil hindi natin nakikita ang kalaban. Lalo pa’t hindi tayo armado ng bakuna na puwedeng panlaban sana sa kaaway.
Hindi natakot maantala sa pag-aaral ang ating mga magulang at lolo’t lola noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya, bakit tayo natatakot ngayon kung maantala man ang ating pag-aaral? Hindi rin sila natakot harapin ang hamon ng panahon, at naging motibasyon pa nga ito upang iahon ang bansa at mapatatag ang ekonomiya noong dekada 50.
Bakit parang ayaw nating maghintay ang daigdig at gusto nating gawin ang lahat sa lalo’t madaling panahon? Bakit nagmamadali tayong pumasok sa eskuwela at magtapos ng pag-aaral? Para saan? Para sa mundong ni hindi na natin makilala kaya tinawag natin itong “new normal”? O dahil naniniwala tayo sa bisa ng teknolohiya na kaya nitong palitan ang pagkatuto sa silid-aralan?
Paano ba talaga matuto? Sapat na ba na naisaulo at kabisado ang mga leksiyon? Sapat na ba na pasado ka o may mataas kang marka? Muli, para saan? Para mas kalipikado ka sa mga trabahong may mataas na suweldo? O para maipagmalaking natapos ka ng pag-aaral at hindi puwedeng maliitin sa lipunan? O para may mai-post tayo sa social media bilang pangangalandakan ng ating tagumpay?
Para saan ba ang edukasyon?
Para sa sariling kapakinabangan ba o para sa kaayusan, katiwasayan, kapayapaan ng lipunan at ng mundo?
Bakit takot tayo kung maantala ang pag-aaral?
ANG PANDEMYA AY ISANG DIGMAAN. NAKATAYA ANG BUHAY NATING LAHAT. BAKIT TAYO NAGMAMADALI? – Rappler.com
Propesor sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman at part-time commissioner ng Komisyon sa Wikang Filipino si Dr Marot Nelmida-Flores.