Napakasaya ng eleksyon sa Pilipinas. Parang perya. Parang sine. Maraming katatawanan, maraming kaaaliwan.
Meron diyang kandidatong nakikipag-lips-to-lips sa supporter, ’ika niya “may dila pa.” Pero ’wag hamakin, dahil tagapagtanggol daw siya ng kababaihan.
Merong nagpapaawa at walang katapusan ang dalamhati, parang inaping dalagita sa teleyserye, kahit siya ay royalty ng puting tabing.
Merong nagpapaka-Jedi at balot sa alamat – manang-mana sa amang puppet master sa tinik sa propaganda.
Merong teknokrat ang dating, wala raw drama– eh ’yun lang, drama na.
May kandidato rin na Average Joe raw, laki sa hirap, at kayumanggi ang balat. ’Wag nang banggiting na naghari nang tatlong dekada ang “nognog” sa premyadong siyudad ng mga negosyante.
Hay, talaga nga naman ang eleksyon sa Pilipinas, umiinog sa kandidato: sa pangako, pambobola, diskarte. Lagi na lang hugot nila. It’s all about them.
Sa kabila ng circus ng eleksyon, nakakalimutan ito ng marami: It’s about us. Ang Mayo a-nueve ang magdadala sa atin sa tugatog ng pag-unlad o magsasadlak sa atin sa kumunoy ng kahirapan. Ito ang magpapayabong ng pag-asa o kikitil ng pangarap. Kinabukasan natin ang nakataya.
Pag-usapan natin ang dapat pag-usapan.
Bakit mahalaga ang ANTI-CORRUPTION AND GOOD GOVERNANCE?
Dahil ito ang magtitiyak na hindi nanakawin ang buwis na ibinabayad mo at gugugulin ito nang tama sa serbisyo publiko.
P2.1 bilyon ang nakurakot umano ni Janet Napoles mula sa pork barrel. Ilang estudyante sana ang napag-aral, ilang silid-aralan, ilang patubig, ilang daan ang napatag ng halagang ito. Paano lalansagin ng kandidato mo ang aparato ng kurapsyon?
Bakit mahalaga ang KATARUNGANG PANLIPUNAN AT KARAPATANG PANTAO?
Dahil ito ang magtitiyak na mamumuhay ka nang tahimik at marangal. Na hindi ka makakalaboso dahil sa iyong paniniwala.
Paano titiyakin ng kandidato mo na walang sektor na mapapabayan – walang babae, bata, urban poor, o LGBT na mananatili sa laylayan ng lipunan?
31 tagapagtanggol ng human rights ang pinatay noon 2015. Tanungin mo ang kandidato mo: paano niya wawakasan ang human rights abuse at politically-motivated killings sa bansa?
Bakit mahalagang pag-usapan ang mga DISASTER AT CLIMATE CHANGE?
Dahil ito ang magtitiyak na hindi mauuwi sa anarkiya kapag tumama ang isang mala-Yolandang bagyo o mala-1990 Luzon earthquake.
Ikatlong pinaka-disaster-prone ang Pilipinas sa buong mundo. “2nd riskiest city” ang Maynila dahil sa baha at panganib ng lindol. Alamin ang plano ng kandidato mo upang mapaghandaan ang mga kalamidad.
Bakit mahalaga ang FOREIGN POLICY?
Dahil kailangan mong maunawaan ang mga banta sa kasarinlan ng iyong bayan at hindi maiwan ang paglikha ng polisiya sa iilan.
Inaangkin ng superpower na Tsina ang buong West Philippine Sea. Matinding binabangga ng Pilipinas ang posisyong ito – teritoryo natin ito. Ilang ulit nang nauwi sa girian sa karagatan ang away na ito. Alamin ang paninindigan ng kandidato mo sa hidwaang ito.
Bakit mahalaga ang PANGANGALAGA SA OFW?
Dahil ito ang magtitiyak na ang mga bayani ng bayan – sina Tatay, Inay, Ate, Kuya sa abroad – ay hindi inaapi, inaalipusta, at pinagsasamantalahan.
P1.17 trillion ang niremita ng 2.32 milyong overseas Filipino workers noong 2014. Kilatisin ang plataporma ng kandidato mo sa usaping ito.
Bakit mahalaga ang KAPAYAPAAN?
Dahil ito ang magtitiyak na mawawala na ang pangamba mong magkaroon ng engkuwentro, putukan, at karahansan.
Dagok ng rebelyong Muslim sa Mindanao: 150,000 ang namatay, 3.5 milyon ang nawalan ng tahanan. Sana’y nauunawaan ng kandidato mo ang ugat ng hidwaan sa Katimugan.
Maraming matatalo sa araw ng eleksyon. May ilang mananalo.
Ngayong opisyal nang magsisimula ang kampanya, tiyakin nating hindi tayo ang magiging talunan pagsapit ng araw ng halalan. Dahil hugot natin ito. – Rappler.com
Basahin ang tugon ng mga nagsisitakbong presidente at bise presidente sa mga isyung nabanggit:
PRESIDENTE
The Leader I Want: Jejomar Binay's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Rodrigo Duterte's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Grace Poe's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Manuel Roxas II's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Miriam Defensor Santiago's to-fix list for 2016
BISE PRESIDENTE
The Leader I Want: Alan Peter Cayetano's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Francis Escudero's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Gregorio Honasan's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Ferdinand Marcos Jr's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Leni Robredo's to-fix list for 2016
The Leader I Want: Antonio Trillanes IV's to-fix list for 2016