Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Bangungot ng Kamaynilaan: Lalong humihirap ang maging mahirap

$
0
0

Kanina sa hintayan ng bus, sabi ng isang nag-aabang ng sasakyan sa katabi: “Hindi na ito Manic Monday – Lintek na Lunes na ito.”

Walang masakyan 

Ngayong nagsisimula na ang general community quarantine (GCQ), ubos ang umaga ng mga commuter, katulad ng sa Commonwealth sa Quezon City, sa paghihintay ng masasakyan. Kung noong araw ay siksikan at kailangan madiskarte ka, ngayon walang diska-diskarte. Mamuti man ang mata at sumakit ang binti mo, nakatiwangwang ka pa rin sa bangketa kahihintay. Ang iba'y napilitan na lang maglakad.

13% lang kasi ang kapasidad ng MRT. Kung noong araw nga ay halos 30 minutos ang hintayan, paano na ngayon? Gaano na kaya kahaba aabutin ang pila sa MRT nitong linggong ito? 

Sabi ng Move As One Coalition, sa 4.9 milyon na biyahe, kalahati ang makararanas ng dagdag na isang oras dahil sa di-sapat na pampublikong sasakyan. 

Ang middle class na may kotse, matrapik man, makararating din. Ang masang nakabilad sa araw sa kalye, hindi lang nanganganib na masabon ng bisor, baka hindi pa masuwelduhan dahil sa "no work, no pay" na patakaran. So bandang huli, ang pamilya mo ang magugutom kung pobre ka at walang sasakyan.

Baka mahawa ka pa sa COVID-19. Dagdag ito sa tensyon, kunsumisyon, at matagal na exposure sa maraming tao.

Lalo nang isyu ang kahirapan ngayon dahil dehado ang mahihirap sa lahat ng restrictions sa ilalim ng mga quarantine.

Natutuyo na rin ang ayuda mula sa gobyerno. Wala nang mailuwal na 2nd tranche ng cash aid ang DSWD – mukhang kalakhan ng problema ay burukrasya dahil hindi pa raw nagsusumite ang mga lokal na pamahalaan. Pero kung Hunyo ang pag-uusapan, talagang said na, kahit na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nang buong kumpyansa na “may pera ako.” 

Walang siyensya

Dehado na nga ang mahirap nang lumiit ang kapasidad ng pampublikong transportasyon, hindi pa natin masabing epektibo ang mga ECQ, MECQ, at GCQ na ipinapatupad ng gobyerno, na pinakapahirap sa kanila.

Habang ang ibang community ay nasas ECQ at may quarantine pass, ang mga dukhang komunidad ay isinailalim sa "special concern lockdown areas" na halos katumbas ng house arrest. Pero kung nakatira ka sa shanty na nagiging pugon sa katanghalian at malaki lang nang bahagya sa comfort room ng middle class – purgatoryo ito.

Habang magandang balita ito para sa hirap na hirap na sa pagkakakulong, may malaking palaisipan: maaasahan ba ang mga datos na batayan ng pagluluwag ng quarantine?

Pero aligaga ang mga data scientists – 'di nila mapagkatiwalaan ang mga datos. Kung tatanungin nga ang mga eksperto ng UP, aba’y wala namang bumuti sa sitwasyon. Pinalala pa yan ng pagsulpot ng  “fresh” at “late” cases. 

Ito’y sa gitna ng debate: na-flatten ba talaga ang curve? Paano masasabing pababa na ang mga kaso kung hindi naman maaasahan ang pagkuha ng datos?

Hindi kasi kaya ng mga ospital ang mga kapasidad na ipinapangako ng goberno sa pagte-test. Tila hindi rin natupad ang pagpaparami ng testing centers na susi sa paglaban sa COVID-19 ng ilang mauunlad na bansa tulad ng Germany, South Korea, at Singapore. 


Ang hirap ng buhay-mahirap

Sa malupit na mundo ng COVID-19 at lumalalang sitwasyon ng karapatang pantao na may tokhang at cyberlibel law, at nakaambang pang anti-terror bill, higit na kalunos-lunos ang maging mahirap: walang hustisya, walang hanapbuhay, at kung may pamasahe man – walang masasakyan.

Sa gitna ng lumalalang antas ng pamumuhay sa kalunsuran dulot ng congestion at trapiko, at banta sa kalusugang dulot ng virus – saan lulugar ang pobreng mahirap? 

Nasa wisyo ba ng pamahalaang ito na mag-isip ng long-term na solusyon? Nananawagan kami sa pamahalaan na 'wag pagpapapogi at band-aid solutions lang ang tingnan, kundi isang komprehensibong urban strategy. Maraming mga eksperto sa private sector ang puwedeng makatulong sa problemang ito.

Mainam ang slogan na “We heal as one,” pero radikal na solusyon ang kailangan sa radikal na problemang naglulubog sa atin sa kumunoy ng urban decay. At magsisimula 'yan sa pagtanto o appreciation ng liderato sa problema.

Sa kabila ng panawagang "bayanihan," tanging mahirap ang pumapasan ng krus nila. Ngayon higit kailanman, kailangan nila ng katuwang na pamahalaan, hindi gobyernong mahilig sa sloganeering. Hindi gobyernong "public order" lang ang formula. Kailangan ng gobyernong may imahinasyon, political will at puso. – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>