Sa panahon ng lockdown, dumagsa ang content sa internet kung paano lilibangin ng mga tao ang kanilang sarili. Marami ang namasyal sa kanilang mga tahanan, inubos ang mga puwedeng luto sa sardinas, nag-TikTok, at iba pa. Kailangang aliwin ang sarili. Labanan ang bugnot. Talunin ang pagkaburyong.
Ang bagal sa maghapon ay laging may katambal na bilis – pagkaubos ng puwedeng gawin, kainin, ng panggastos, ng buhay. Kung ano’ng bagal ng maghapon ay siya ring bagal ng ayuda at mass testing. Araw-araw, nag-uulat ng kamatayan dahil sa sakit, dahil sa pananakit.
Kung ano’ng bagal na naramdaman sa lockdown ay siyang ratsada ng estado para magkonsolida ng kapangyarihan.
Mabilis nakapuwesto ang mga heneral at higit na nagkaroon ng kapangyarihan sa pandemya. ’Sinara ang mga kalye, pinostehan ang mga hangganan, hinigpitan ang pagkilos, pinagtatakip ng bibig. Hinahainan ng subpoena, ikinukulong ang mga pinaparatangang humahamak sa Presidente sa social media. Ang mga babaeng nagkakalakal ng katawan para mabuhay, sinasalaula muna nitong mga walang kaluluwa kapalit ng permisong makatawid sa hangganan. Kailangan kasi na may mauna, sabi ni Mayor.
Militaristang lockdown ang tugon ng pamahalaan sa "veerus." Disiplina raw ang gagapi sa pandemya kaya kailangang ikulong sa bahay ang mga tao, hampasin ang bibili sa tindahan, gawing bilanggo sa kulungan ng aso, kaladkarin na parang baboy, at barilin ang walang kalaban-laban.
Nakatutok ang mundo sa Pilipinas dahil may panibagong curve itong nililikha – pagpapayukod ng mga tao sa kapangyarihang gumagamit ng dahas. Noong Abril 2020, higit 130,000 katao ang hinuli, tinortyur, at ikinulong dahil may batas na kailangang sundin. Bawal lumabas. Pero ’pag sinabing Koko Pimentel, Mocha Uson, at mañanita ni Debold Sinas ay puwede ka na palang lumabas.
Hindi ako fan ni Kim Chiu, pero nauunawaan ko siya sa buhol-buhol niyang pahayag dahil sa ginawang pagpapasara sa ABS-CBN. Ang Dos, ipinasara sa ikalawang pagkakataon ng mga naulol na sa kapangyarihan. ’Nilambitin ng estado ang kabuhayan ng nasa 11,000 empleyado ng estasyon sa kawalang katiyakan. Nilalaro sa Kongreso ang prangkisa. (BASAHIN: [ANALYSIS] ABS-CBN closure: An attack on citizen rights)
Sinamantala ng estado na paralisado ang mga tao sa kanilang mga tahanan para ipasara ang estasyon. Hindi naman ito ang unang pagkakataong pinuntirya ni Duterte ang midya. Inasinta niya rin ang Inquirer at Rappler. ’Pag bilang niya sa ikatlo, nakatago na sa ere ang ABS-CBN. Nag-deny lang sa mga paninisi habang nagsasaya, naka-3 peat sa demokrasya at kalayaan sa pamamahayag. Three-peat. Parang championship ng Chicago Bulls. Ngunit, hindi ito ang last dance ni Duterte.
Anumang araw mula ngayon, babaguhin na ang katawagan sa ating mga karaniwang tao – terorista. Nangangati na ang kamay ni Duterte na pirmahan ang anti-terror bill, mas nangangati nang mangalabit ng gatilyo o mang-aresto ang mga magpapatupad nito. (BASAHIN: ‘Terror law’: The pet bill of the generals)
Ayon sa batas na ito, ikaw ay terorista kung:
- Nanira o nagtangkang manira ng private property o pasilidad ng gobyerno
- Nanakit at nagtangkang manakit
- May dala o bumili ng kutsilyo, itak, o anumang gamit na puwedeng sabihing gagamitin sa pagpatay
- Nagplano raw ng atake dahil lang nagkipagpulong o nakipagkita sa kaibigan mo
- Nag-donate o tumulong sa isang relief drive ng organisasyon na hindi kinikilala ng gobyerno
- Sumama sa rally, basta paratangang ang layunin ng pagkilos ay manakit o magdulot ng “serious risk to public safety”
- Naglabas ng pahayag o sulatin, o nag-share o retweet ng mga posts (kahit memes!) na kaugnay daw ng aktibidad ng mga terorista
Maaaring ikulong ang sinuman nang walang kaso nang hanggang 24 araw basta mapagbintangang terorista. Kahit sino ay maaaring isailalim sa state surveillance – mga text message, tawag, e-mail hanggang sa social media posts. Ang parusa sa ilalim ng magiging anti-terrorism law ay 12 taon hanggang habambuhay na pagkakakulong.
Dumaloy sa social media ang galit ng mga Pilipino sa tugon ng pamahalaan sa pandemya at sa epekto nito sa kabuhayan ng milyon-milyon. Nag-trend ang #JunkTerrorBill, #OustDuterte, #MassTestingNowPH, #BalikPasada, at iba pa. May bigat sa bawat pindot sa screen ng mga cellphone ang pahayag ng bawat netizen. Higit lalo ang bigat ng yabag ng mga paa ng mga nasa sakahan at laylayan na nagugutom na bago pa man magkapandemya.
Para sa estado, mas madaling magpatupad ng ganitong tipo ng batas sa halip na magdeklara ng batas militar. Siguro’y sinapul ng estado na ang henerasyon ay hindi naman mahilig sa label.
Tulad ni Trump, Xi, at Bolsonaro, si Duterte ay nag-iingat na para sa kanyang kapalaran. Alam niyang sa loob ng milyong mga kabahayan ay may unos nang nahihinog at bumuhos sa lansangan. Mas madali nga namang magpatahimik ng taumbayan kapag may lockdown at anti-terror law. Kapag mas tahimik ang lansangan at social media, mas tahimik ang buhay ng mga nasa poder. Ito ang bersiyon ng kapayapaan ng estado – walang nagrereklamo.
Itinakda ang ganitong potensiyal ng lockdown para itulak ang mga agenda na hindi maipursigi ng pamahalaan dahil sa kritikal na masa. Nariyan ang charter change, pagpapababa ng corporate income tax, pinapataas ang buwis ng taumbayan, pinabababa ang sahod ng mga manggagawa.
Ang mga strongman ay humaharap na sa masidhing pagtuligsa ng masa – Black Lives Matter sa Estados Unidos, protesta ng mga mamamayan ng Hong Kong laban sa mapanupil na National Security Law ng China, ang pambubuyo ni Bolsonaro sa mga taga-Brazil para tuligsain ang quarantine protocol. Kasama si Duterte sa hanay na ito dahil parepareho silang nangaganib sa kamay ng mga mamamayan na matagal nang pinahihirapan ng social distancing – ng distansiya ng mga mahihirap at ng iilang mga makapangyarihan. (READ: [OPINION | Newspoint] An official act of terrorism)
Akala ng adminstrasyon na sa tagubilin nitong magsuot ng face mask upang takpan ang ilong at bibig ng taumbayan ay tatahimik tayo. ’Piniit tayo sa ating mga tahanan at kulungan dahil may pandemya. Katunog na ng pandemya ang tiranya. Ngunit kahit ang pagkakulong ay may kasalungat – kalayaan.
Itinuro sa atin ng kasaysayan na itinuring ng mga mananakop at pamahalaan na bandido o terorista ang sinumang nagnanais ng tunay na pagbabago sa bansa. Ang kalayaan na nararanasan natin ngayon ay naging posible dahil sa makatuwirang paglaban ng mga henerasyong sinundan natin. Kalahating siglo na ang nakalipas nang ideklara ang Martial Law sa bansa, at nire-recycle itong muli sa kasalukuyang pamahalaan. Sabi nga sa nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Samar, nakamamatay ang paglimot.
Kailangang gisingin ang sarili. Labanan ang pananahimik. Talunin ang takot. Higit sa kamatayang dulot ng pandemya, mas marahas ang kamatayan sa kamay ng karahasan, kawalang pakialam, at pananahimik. Maraming nagsasabi na hindi sila makalilimot, babawi sila sa susunod na eleksiyon. Sa isang bahagi, wasto ito. Ngunit karamihan sa mga sisingilin natin ay sa 2025 pa mababakante ang posisyon at ang mayorya ng lipunan natin ay walang ganooung karangyaan ng oras para maghintay habang kumakalam ang ating sikmura at may tuhod na nakadiin sa ating mga leeg.
Kian delos Santos, Winston Ragos, Emerito Samarca, Dionel Campos, Jory Porquia, Carlito Badion. Hindi lang sila mga content sa internet at mga hashtag. Ilan lang sila sa mga pangalan na dapat nating itaga sa ating mga puso para pagtibayin ang ating mga dibdib sa paparating na delubyo. Huwag tayong lumimot. Nakamamatay ang paglimot. Ang bawat tipa natin sa ating mga smartphone at laptop ay gawin nating yabag sa lansangan. Angkinin nating muli ang mga lansangan, ang demokrasya. Bawiin nating muli ang ating bansa mula sa tiranya, pananakop, at paglimot. – Rappler.com
Si Sham Astudillo ay convenor ng Kilusang Bayanihan, isang volunteer network na naglulunsad ng relief operations sa Metro Manila. Nagtapos siya ng AB Mass Communication sa Trinity University of Asia.