Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] 'Terror bill' ang veerus na papatay sa kalayaan

$
0
0


Humatsing si Presidente Rodrigo Duterte ngayong panahon ng pandemic. Ang lumabas ay uhog na malapot at berdeng-berde mula sa kanyang ilong: ang anti-terror bill. At tulad ng COVID-19, ito’y nakamamatay. At garantisadong mate-terrorize tayo.

Militar at pulis ang nag-engineer ng veerus na ito. Ang mga carrier ng sakit ay mga taga-Senado at Mababang Kapulungan na nagpasa ng identical bills upang mai-railroad ito sa Kamara. Sa loob lamang ng 5 araw, naisalang na ito sa harap ng Pangulo upang malagdaan bilang batas. (‘Di tulad ng mga resulta ng swab test na 40 araw na ‘di pa rin lumalabas.) 

Pero ano ang malulusaw ng veerus na ito? Kalayaan. At hindi lang ‘yung kalayaan na isinisigaw ng mga aktibista sa kalye. Hindi lang kalayaang kinakalinga ng mga mamamahayag. Kalayaan mo.

TAYO ang target

Parang ebola, lulusawin ng anti-terror bill ang kalayaan mong mag-post sa social media ng kritisismo sa gobyernong ito. Tanungin mo lang ang dalawang titser, isang salesman, at ang drayber ng habal-habal na inaresto at ikinulong ng walang warrant dahil sa mga pinost nila.

Halimbawa, natipuhan mong mag-donate sa isang samahan. O naimbitahan ka sa forum o mass action. Isa sa malupit na katangian ng bill ay idamay ka “by association.” Sa ilalim ng pinalawak na depenisyon ng terorismo, kahit simpleng pagdo-donate o pag-attend ng rally ay puwedeng malisyahan at maging “act of terrorism.” Nagkagulo sa rally? Terorismo. Gumawa ka ng meme at nag-viral sa internet? Terorismo. Nagrepost ka ng meme? Terorismo rin. (EXPLAINER: Comparing dangers in old law and anti-terror bill)

Katwiran mo, ang sinalihan mong organisasyon sa unibersidad ay simpleng samahan lamang, kahit na medyo militante. Mali. Anti-Terrorism Council ang may otoridad na magbansag kung sino ang terorista, kaya puwedeng i-red tag kayo ng iyong mga ka-org. Pati ang titser mo na nagpaliwanag ng mga konsepto ng kalayaan ay puwede ring ma-red tag. “Inciting to terrorism” ang tawag ng batas d'yan.

Parang COVID-19 din itong “terror bill” na tila magnanakaw sa hatinggabing papasok sa iyong kabahayan, dahil puwede kang ma-surveillance nang 90 araw. Lahat ng video at larawan mo sa iyong mobile phone at laptop, puwede nilang pagpiyestahan sa ngalan ng anti-terror bill. At hindi malayong gagamitin ang impormasyon na ‘yan ng disinformation army ng gobyerno upang sirain ang iyong pagkatao sa social media. Luray-luray na ang privacy at pangalan mo bago ka nila tantanan.

Ngayon pa lang, sangkatutak na dummy accounts ng mga aktibista, simpleng estudyante, at journalists ang nagsulputan.

At dahil pinalawak din ang kahulugan para kasama ang “intent,” kung balak mo pa lang sumama o mag-organisa ng walk-out sa pabrika o paaralan – puwede ring terorismo 'yan, kahit hindi pa nagaganap. Parang SciFi na pelikulang Minority Report lang ‘yan: di mo pa ginagawa ang ibinibintang, suspek ka na.  

Baka nga hindi ka na pag-aksayahang tiktikan, dahil simple lang na damputin ka dahil pinapayagan ng "terror bill" ang warrantless arrest. Wala ka kamong krimen? Madaling solusyonan ‘yan – dahil “interpretative” ang batas na parang pop song. 

Sa "terror bill," puwede kang ma-detain nang hanggang 24 araw. Sa loob ng panahong iyon, walang magagawa ang magulang mo, kahit i-hire pa nila ang pinakabatikang abogado sa Pilipinas dahil walang bisa ang writ of habeas corpus sa "terror law.”

At nagsisimula pa lang ang bangungot ng "terror bill." Puwede ka nilang ikalaboso nang 34 oras na walang habla. At sa ilalim ng torture at paninindak, hindi malayong ikanta mo na ang buong barangay mo. 

Akala ba natin ay tapos na ang era ng torture, rape at desaparecido na tatak ng Martial Law ni Marcos? Aba’y ilang Liliosa Hilao ba ang susulpot sa panahon ng pandemia ni Duterte? Si Liliosa ay isang campus journalist noong 1973 na binugbog, ginahasa, at pinainom ng muriatic acid habang nakakulong.   

Hindi nga kailangan ng 24 araw para ma-torture. 12-36 na oras lamang tinortyur ang 21-anyos na si Archimedes Trajano – pagkatapos ay inihulog siya sa pangalawang palapag ng isang gusali na kanyang ikinamatay. Ang kanyang mortal sin? Tumayo siya sa isang open forum noong 1977 at tinanong ang anak ng diktador na si Imee Marcos bakit siya ang chairperson ng Kabataang Barangay. 

Marami pa sila – sina Lorena Barros, Edgar Jopson, Emman Lacaba (kapatid ng manunulat na si Pete Lacaba), Ishmael Quimpo Jr, at ang doktor na si Juan Escandor. Bago sila naging mga bayani ng kilusang masa, ordinaryong mga estudyante, doktor, at journalist lamang sila. (BASAHIN: Gone too soon: 7 youth leaders killed under Martial Law)

Tuwang-tuwa ang mga security at intelligence forces, dahil ngayon hindi na kailangan ng tunay na intelligence upang mang-aresto, hindi na kailangan ng due process upang magpaamin sa ilalim ng interogasyon. Hindi na kailangang “lawful” ang pagkalap ng ebidensya. Hindi na kailangang maging makatao. Hindi na kailangang respetuhin ang privacy. (BASAHIN: U.N. report raises concern over 'problematic' PH anti-terror bill)

At sa dulo niyan ‘pag walang nahalungkat laban sa iyo? Aba’y sisiw lang mag-imbento ng ebidensya sa hinaba-haba ng araw na ikaw ay "missing."

At kung pawalan ka man nila – mawawalan ka ng access sa iyong ari-arian o bank accounts dahil puwede nilang i-freeze ang iyong assets. 

“Pet bill”

Ipinanganak daw ang anti-terrorism bill sa “law school of Rodrigo Duterte,” ayon sa Rappler justice reporter na si Lian Buan dahil sa mga “classic features” nito: “overbroad” at “highly interpretative” – tatak ng mga batas na magpapadali ng pang-aabuso. Tatak ng weaponized na batas. (PODCAST: Mapanganib ang anti-terror bill para sa lahat ng Filipino)

Pero ano ang pulitikang pinagmulan nito? 

Ayon sa datihan nang defense reporter na si Carmela Fonbuena, hindi ito brainchild ni Duturte kundi ng militar at pulis. (BASAHIN: ‘Terror law’: The pet bill of the generals)

Masidhi ang hinanakit ng mga parak at sundalong heneral sa kinahinatnan ng dalawang makasaysayang pakikipaglaban sa mga terorista: ang Mamasapano tragedy na nagbunga sa masaker ng 44 na Special Forces ng pulisya para lamang maaresto ang Malaysian terrorist na si Marwan noong 2015, at ang mitsa ng Marawi Siege na pumulbos sa dati’y marangyang siyudad upang tugisin si Isnilon Hapilon, na dating lider ng Abu Sayyaf Group, noong 2017.

At hindi lang ito para sa mga terorista tulad ng Maute Group at Abu Sayyaf Group – ipinanganak ito ng ilang dekadang pagkamuhi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa Kaliwa. 

Sinisisi ng militar ang umiiral na batas ngayon na Human Security Act of 2007 (HSA) sa kawalan umano ng ngipin upang tugisin ang mga komunista at terorista.

Mga heneral, bakit sisisihin ang batas sa kainutilan niyo sa paglaban sa terorismo? Gayong may dalawang taong umiral ang Martial Law sa Mindanao? Pag-amin ba ito na hindi niyo kayang labanan ang mga terorista nang hindi nilalabag ang karapatang pantao? Talaga bang hindi na mabubura ang utak-pulburang diskarte na pawang umaasa sa kapangyarihan ng gatilyo?

Sa gitna ng pandemic, isang malaking kalokohan ang pagpapasa ng isang "divisive law" na lilikha ng hidwaan at magsasadlak sa pulis at militar sa landas ng human rights abuses. Imbes na magkaisa laban sa COVID-19.

Ayon sa lawmakers mula Mindanao, hindi lulutasin ng “terror bill” ang terorismo, bagkus ay maaring lumala ito dahil patitindihin lang nito ang Islamophobia.

Hindi ipinagkakaloob ang kalayaan

Tinawag ng election lawyer na si Emil Marañon ang anti-terrorism bill na “palaruan ng mga demonyo.” Isa raw itong “prelude to hell” sa ilalim ng isang despotiko. 

Pero ‘wag tayong masadlak sa dilim. Sabi nga ng African-American US activist na si Martin Luther King, walang kalayaang ipinagkakaloob nang kusa. Ito’y ipinaglalaban. 

May pulitikal na prosesong maaring bumaligtad dito (kahit parang milagrong makalusot ito sa Korte Suprema.) Ayon sa dating mahistrado ng SC na si Antonio Carpio, makukwestyon ito kaagad-agad sa Pinakamataas na Korte dahil binabali nito ang pundamental na kalayaan ng pamamahag o freedom of speech. 

Para sa ating mga ordinaryong mamamayan, isa sa mga hakbang sa mahabang pakikibaka ang pagpapalit ng mga nakaupo. Singilin natin ang mga lehislador ngayon na nagluto ng mapang-abusong batas. Itatak natin sa ating kukote na ‘wag na muli silang pahawakin ng pampublikong tungkulin.

Pero may silver lining sa likod ng makapal na ulap. Sa harap ng veerus na pumapatay sa demokrasya, tila nagbabago na ang ihip ng hangin.

Nakagugulat ang ispontanyong tugon ng mga ordinaryong mamamayan: mula sa mga artista at celebrity na nagpamalas ng dunong at tibay ng loob, ang mga beauty queen na may paninindigan, sa mga pari at madre, sa mga administrador ng mga unibersidad, sa mga abogado, at higit sa lahat, ang mga estudyanteng naglakas-loob sa gitna ng pandemic na magprotesta at dumanas ng karahasan. 

Sabi nga ng bantog na manunulat at World War II activist na si Ernest Hemingway: The world breaks everyone and afterward many are strong at the broken placesLumakas tayo sa harap ng pighati, pagsubok, pang-aapi at pananalakay. Kapit lang. Iparinig ang ating boses. #CourageOn. #JunkTerrorBill – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles