Naging popular ang neologism na “webinar” sa aming mga guro ngayong panahong ito. Ang salita ay isang halimbawa sa sociolinguistics ng portmanteau (/pɔːrtˈmæntoʊ/) o ang blending ng dalawang salita upang makabuo ng isang bago.
Galing ang salitang portmanteau, French na ang literal na ibig sabihin ay suitcase o maleta, sa nobela ni Lewis Caroll na Through the Looking Glass (1871), sequel sa nobelang Alice's Adventures in Wonderland (1865). Sa nobela, ipinapaliwanag ni Humpty Dumpty – oo, that guy who had sat on the wall and had a great fall – kay Alice ang paraan ng pagbuo ng bagong salita: “You see it's like a portmanteau – there are two meanings packed up into one word.”
Ang iba pang popular na portmanteau ay “motel” o kombinasyon ng motor at hotel; “smog” o pinagsamang bahagi ng mga salitang smoke at fog; “brunch,” na mula naman sa mga salitang breakfast at lunch. Siyempre, hindi magpapatalo ang mga Pinoy kaya nariyan ang portmanteau na “tapsilog” o tapa, sinangag, itlog o variant ng marami pang silog meals. Madalas na ring marinig ang portmanteau na “aspin” at pejorative na salitang “askal” bilang pantukoy sa asong Pinoy at asong kalye .
Naging pangkaraniwang paraan din ng pagbuo ng mga tanyag na brand names ang portmanteau. Nariyan ang mga kompanyang Verizon at Amtrak. May mga salitang bunsod din ng portmanteau ang ginagamit sa mga usaping pampulitika gaya ng Brexit, o ang pagkalas sa European Union ng Great Britain, kung saan naman matatagpuan ang isang popular uling portmanteau: ang Oxbridge, buhat sa pinagsamang ngalan ng dalawa sa pinakatanyag na institusyon sa Inglatera, ang Oxford University at Cambridge University. Galing naman sa dalawang pangngalang pantangi ang pangalan ng bansang Tanzania: ang Tanganyinka at Zanzibar. Ganoon din ang tawag sa pinakamalaking landmass sa daigdig, ang Eurasia, na buhat sa mga salitang Europe at Asia.
Pero hindi tungkol lamang sa portmanteau ang lesson ko sa inyo. Bagamat magandang matandaan ito para maipaliwanag ang mabilis na pagkakaroon ng mga bagong salita bunsod ng teknolohiya o pandemya o pandemya ng teknolohiya – gaya ng dinaranas nating proliferation ng clone accounts sa Facebook, but this will merit a separate discussion.
Maganda ring malaman itong portmanteau para magtunog-matalino ka sa isang webinar, lalo kung ikaw ang speaker. O, kaya, gamitin ang salitang portmanteau sa isang pangkaraniwang kuwentuhan lang ninyong mag-jowa, halimbawa, para bumilib siya sa iyo. “Wow, ang talino ng jowa ko, nagagamit ang salitang portmanteau,” sasabihin niyang manghang-mangha habang nagba-brunch kayo nang sabay gamit ang Zoom.
***
Tungkol sa webinar ang espasyong ito. At kung teacher ka, o may kaibigan o karelasyong teacher, alam mo ang tinutukoy ko. Ito ay ang pag-attend sa karaniwa’y isang oras na online seminar na isinasagawa ng academic institutions at academic ancillary companies, gaya ng publishing companies, para sa mga guro at magulang.
Ang mga karaniwang paksa ay nasa ilalim ng rubrics ng distance learning at iba’t ibang education platform na maaaring gamitin sa bahay o saanman abutang lugar ng pag-aaral. Madalas ding paksa ay kung paano magtuturo ng iba’t ibang subjects gamit ang iba’t ibang technological and pedagogic innovations kung hindi face-to-face at asynchronous ang klase; kung ano ang aasahang sikolohikal na pakikitungo ng mag-aaral at mga magulang sa bagong set-up ng pagtuturo; kung paano bumalangkas ng lesson at kung paano ito ie-execute sa klaseng hindi na personal mapandidilatan ng guro.
Magaling din ang estratehiya ng ilang kompanyang nagho-host ng lagi-nang-libreng webinar. Puwedeng series para sa isang package ng short courses na kukuhanin sa magkakasunod na araw. At para siguradong nanood, minsan ay nanghihingi ng key takeaway ideas sa talakayan, sabay post sa kanikanilang social media account sa tulong ng hashtag na, normally, tagline ng nasabing kompanyang sponsor. Ang galing ng business sense. Sumisikat ang kompanya habang baka sakaling makabenta ng kanilang produktong libro o online learning platform pagkatapos ng lecture. Maximized ang social media hype lalo’t requirement ang pag-share bago makuha ang certificate of participation ng mga nagsilahok, na habang nagsasaing ay nakikinig at pinagtitiyagaang manood ng lecture sa maliit na monitor ng kanilang smartphones.
Mula nang lukuban tayo ng sindak na dulot ng COVID-19 at maging kondenado sa kanikanilang bahay sa kabuuan ng ECQ, ilang beses akong naimbitahang magsalita. Online gigs ang tawag ko. May ilang fundraising telethon na parang talk show at kailangang interbiyuhin ko si John Lloyd Cruz at si Gloc 9. Mayroon din namang nag-anyayang maging speaker ako sa paksang may kinalaman sa pagsusulat at isyu ng paglalathala ng aklat.
Bukod sa real-time engagement, mayroon pang replay. Sulit na sulit. At sa tanang birtuwal na buhay ko, noon lang ako nakaranas ng daang libong views, libo-libong comments ng key takeaway, sabay hashtag at kung saang lupalop ng bansa sila naroroon. Ang saya ko, feeling celebrity endorser at influencer kung hindi lang siyempre malinaw sa akin na kaya dumami ang reax ay dahil sa paghahangad ng mga nanonood na magkaroon ng certificate, kaya share sila nang share hanggang sa mag-trending.
(Napag-uusapan din lang ang webinar, walang hiyang plugging muna: sa Araw ng Kalayaan sa Biyernes, alas-nuwebe ng umaga, ako ang tagapagsalita ng aking alma mater sa kanilang, naks, PNU Talks Alumni Series. Tatalakayin ko ang Introduction to New Media Dynamics para mabigyang kabuluhan ang nangyayari sa ating mga buhay na nakatali na sa new media.)
Nakatalaga na rin akong makinig sa online lectures ng aking unibersidad para kahit paano ay maihanda kaming lalo kung paano haharapin ang bagong semestre sa erratic times na ito. Pero kung paramihan lang ng dinaluhang webinar, ang misis kong guro sa high school na siguro ang isa sa may pinakamaraming natapos. Mula pagbuo ng curriculum, paggamit ng teknolohiya, pagtuturo ng applied science sa bahay, nadaluhan na niya.
Siya ang aking nangungunang kritiko kung mabilis o malabo akong magsalita o pikit nang pikit sa harap ng laptop camera. Siya rin ang nakakapansin kung ano ang maganda at hindi sa mga speaker ng webinar. Kung alin ang accessible, makabuluhan ang lecture, o highly specialized na parang sa 5 tao lang na dapat daw sana ay nagpa-group chat na lang sa mga participants. At matiyaga siyang makinig. Nakapatong sa mesa ang smartphone habang inihahanda ang lulutuin. Death-defying minsan sa ibabaw ng gumagalaw na washing machine. Kung may pagkakataon, kahit sandali, nag-aaral siya sa tulong ng webinar dahil hindi siya kumpiyansa sa magiging bagong set-up sa kanilang paaralan. Napaka-diligent.
Sa mga ganitong pagkakataon, magandang hindi linear at sporadic ang bawat paksa ng webinar. Nakakapili ang aking asawa ng tingin niya’y magiging kailangan. Preemptive. Nag-aaral nang hindi na iniintindi kung may certificate bang naghihintay. Dahil, sa totoo lang, hindi ba, wala naman talagang nakatitiyak kung anong uri ng danas ang nakaamba sa atin sa pasukan? Mag-aral, maghanda, para hindi mabulaga ng mangyayari kapag nagsimula na ang kung anumang uri ng pagpapadaloy ng leksiyon sa mga balisang mag-aaral. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.