On hindsight, nasuri naman natin nang mas matindi ang komportable nating pag-iral sa Facebook at sa iba pang social media platform noong nagdaang araw. Tapos lahukan ng kaunting kapraningan, nausisa rin natin ang proseso ng mga bagay-bagay na may kinalaman kung paano ba natin dapat isaalang-alang at proteksiyonan ang ating mahal na mahal na birtuwal na buhay.
Mahal na mahal dahil mistulang mas pinagaganda pa natin ang ating virtual profile kaysa sa mismong realidad ng ating pagkabagal-bagal and less gratifying na totoong buhay-buhay. Kunsabagay, walang totoong graphic filter ang uubrang gamiting pampaganda sa pait ng buhay, lalo’t nakaharap tayo sa pagsubok ng salot, both of the COVID-19 and the recite-mo-nga-Panatang-Makabayan-kung-talagang-Pinoy-ka uber trapo kind. Sa social media nga naman, we seemed to be in control. Until, of course, noong isang araw na bumulaga sa atin ang clone accounts natin.
Hindi tayo magkandatuto kare-report, kaii-screengrab; nagahol kalalagay ng link sa status upang sama-samang i-report ng mga tropa’t kamag-anak ang kataka-takang dami ng nagsulputang account na nakapangalan sa iyo, na ang tanging pagkakaiba ng mga uniform resource locator o URL, o ang mas kilala sa kolokyal na tawag na web address, ay ang file extension number na mukhang hindi random ang pagkakagawa.
Inulan tayo ng sapantaha sa kung ano ang malagim na nangyayari. Lalo’t habang isinusulat ko ito, tanging pirma na lang ng Pangulo ang hinihintay para maging batas ang 2020 anti-terrorism bill na ipinasa ng Kamara sa pinakamabilis na paraan. Kaya hindi nakapagtatakang maraming biktima ng cloning ng Facebook accounts ang nag-connect-the-dots, lalo’t may probisyon sa panukalang batas na maaaring sumagka sa freedom of speech na naka-enshrine sa ating Konstitusyon sa pamamagitan ng inciting-to-terrorism clause ng bill. Delikado.
Oo nga naman. Kung lumunsad sa pekeng Facebook account na ipinangalan sa akin ang isang kahindik-hindik at explicit na inciting-to-terrorism status, yari. Mabilis pa sa alas-kuwatro ang pag-aresto at kulong kahit walang isinasampang kaso sa akin na ayon sa bill ay maaaring tumagal nang 24 na araw, lalo’t hindi Imelda o Koko o Debold o kahit anong primera klaseng pangalang pinagpala’t subject for compassion ang hamak na pangalan ko.
Ngayon ngang wala pa man ang batas (at least sa oras na isinusulat ko ito, hindi pa pirmado), ilang dakipan na ba ang nangyari nito lamang na ang sanhi ay mga kontrobersyal na Facebook post? (Basahin ito, ito, at ito.) Kaya sa mga nagsasabing kung walang ginagawang masama, walang dapat ikatakot sa anti-terrorism bill, think again, kumustahin mo kung ilan ang clone account mo from time to time. Baka madaldal na ang isa man diyan.
Samantala, kung paniniwalaan naman ang NBI, glitch lang daw ang nangyaring cloning na mukhang isolated sa ating bansa, ang nangungunang bansa sa daigdig sa pagsusunog ng oras sa social media. #PinoyPride. Na pwede rin namang mangyari dahil isang maikling dutdot lang sa search engine using keywords “fb account creator software,” tatambad sa inyo ang maraming paraan kung paano gagawing assemby line ng bagong account ang isang nagmamalaking software o bot-enabled application.
Kontrobersiyal naman kasi ang Facebook bilang platform lang ng connectivity sa ating kapwa or, well, sa magkakaklase lang muna talaga, as initially planned and launched sa isang college dormitory somewhere in Boston. Siyempre ngayon, aminin man nila o hindi, profit-driven na ang kompanyang itinatag ng isang Harvard University dropout. Ilang bilyong kapwa itong araw-araw naglalagay ng vital content sa Facebook? Ilang bilyong impormasyon ng kapwa itong tunay na produkto ng social media behemoth na ito?
Ilan sa atin ang hindi namamalayang naglalagay ng detalyeng ginagamit upang maging target ng demograph-specific advertisement? O ng mga walang-hiyang Facebook page? Ilan sa atin ang hinahayaang ipamigay ang lamang impormasyon sa loob ng gadget at pagkatao kapalit ng mga app na magsasabi – you wish! – kung sinong artista ang kamukha mo kapag kulang o kumpleto ka sa tulog? Ilan sa atin na ginagawang libangan sa buhay ang mahulog sa walang hanggang bangin ng kamangmangan brought about by disinformation and troll Facebook comment section feeding program proponents? Ilan sa atin ang nakakatamad-mag-isip-ng-isusulat-na-status-CTTO-na-nga-lang keyboard warriors? Ilan sa atin ang kinuyog at nanguyog dahil sa taliwas sa pinaniniwalaang moda ng politika, relihiyon, o kung anong tindahan ng inihaw na manok ang pinakamasarap sa Balic-Balic?
Lahat ng impormasyong ito ang yamang ikinakalakal ng Facebook. At hindi ito magmamaliw, kaya nga wala pa tayong naririnig na opisyal na pahayag buhat sa Facebook hinggil sa dagsang clone account na umusbong (huwag naman sanang mamulaklak at magbunga) sa kanilang platform noong nagdaang araw.
Kasi naman, ano pa ba ang maasahan natin sa Facebook? Simple lang. Patuloy ang dagsa ng maraming aplikasyon na sesegurong mas magpapahaba pa sa oras ng ating pagkalikot sa at pag-browse ng newsfeed. Maglabo-labo man tayo’t magkahati-hati, mag-apoy man sa galit, content lang tayong maaaring ilako ng Facebook sa handang bumili ng kanilang platform space. Kaya walang damdamin ang Facebook, lalo ang kapwa, sakali mang tustahin ka dahil sa maling impormasyon tungkol sa mass testing na binitawan mo sa mga netizen at followers ng crotch-grabbing danze movez.
Personalidad at influencer na itong may ilang milyong followers? Paano pa tayo?
Ganito: kung gusto mong maging ligtas sa social media jungle ngayon, basahin ang aking unsolicited na payo.
Kung may gumawa man ng pekeng account mo na hindi dulot ng isang software glitch, ang unang maaaring gawin nito ay i-block ka sa mismong Facebook para hindi mo ma-search ang fake account. Kaya ang makaka-search lang ng pekeng account mo ay mga kaibigan mo. Dagdag-abala imbes na tayo-tayo lang ang nagse-search ng mga possible fake account na ipinangalan sa atin. Kung totoo man, ang daming oras at resources ng may pakana nito.
Pero ingat din, ha? Baka organic account ang kapangalan mo na gusto mong i-report. Organic, meaning may tunay na tao sa likod nito na ang intensiyon ay ang pangkaraniwang intensiyon lang natin dati sa Facebook – maglibang, kumonekta, magbenta ng ulam, o ipagyabang ang relasyon.
Paki-check kung may activity sa account ng iyong kapangalan. I-check kung may friends o photos. Kung wala kahit ano, baka nga impostor. Basta mag-ingat. Hindi rin naman nating gustong makaabala sa tunay na FB account na nagkataong kapangalan lang ninyo talaga.
Pakatandaan: hindi tamang bumitaw sa Facebook ngayon. Kung nababahala ka talaga sa nangyaring kalokohan sa Facebook, huwag ka lalo mag-deactivate. Puwedeng maging idle, pero huwag bumitaw. Secure your account. Oo, sa kabila ng karumaldumal na galawan ng kung sino mang evil genius – na sana, jusmio, hindi pinasusuweldo ng buwis natin – na nasa likod ng massive duplication ng accounts na sanhi raw ng "glitch," huwag bibitaw. Dahil kung may kalokohang gagawin o ipo-post ang kapangalan mo, mabuting active ang iyong tunay na account. Madaling maipapakita sa sinumang praning na awtoridad na may bukod-tangi at pumipintig kang account. Buhay na buhay.
Huwag basta-basta magpalit ng handle (pangalan ng account). Kung gagawa ng kalokohan ang iyong kapangalan, mabuting nakapangalan din sa iyo talaga ang bukod-tangi at pumipintig mong account. Alam mo na, maraming tamang duda: bakit ka nag-deactivate? Bakit ka nagpalit ng pangalan? May pinagtataguan ka ba? Et cetera. Dahil sa bansang ito, ang proseso ng hustisya ay mistulang baliktad: guilty ka muna until proven otherwise. Maliban nga kung ang pangalan mo ay mga katulad ng Imelda, Koko, o Debold.
Again, payo lang. Bahala pa rin naman kayo sa birtuwal na buhay ninyo bandang huli. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.