Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Dagok sa demokrasya

$
0
0

 

Bukod sa magdalamhati, higit sa magluksa, dapat tayong mangalit.  

Lunes, Hunyo 15, hinatulan ni Manila RTC Judge Rainelda Estacio Montesa sa salang cyber libel sina Rappler CEO and executive editor Maria Ressa at dating researcher-writer Reynaldo Santos Jr. Ito na marahil ang pinakamabilis na paglilitis ng libelo sa makabagong panahon – 8 buwan.  

Maraming dahilan para tawaging makasaysayan ang hatol na ito: ibinaba sa panahon ng lockdown at pandemya, 3 araw lamang pagkatapos alalahanin ng bansa ang Araw ng Kalayaan, at maaaring magsilbing hudyat sa kalalabasan ng mga nakahilera pang kasong isinampa laban sa Rappler simula nang maging pangulo si Rodrigo Duterte noong 2016. 

Ngunit ang pinakanakababahala ay ang pasiyang guilty sa paninirang-puri ang journalists na sina Ressa – isa sa kinilalang TIME Magazine 2018 Person the Year – at Santos. Lalo na’t mabuway ang haligi ng kaso – isang typographical error na itinama namin. 

Mayo 29, 2012, inilathala ng Rappler ang artikulo tungkol sa kaugnayan ng negosyanteng si Wilfredo Keng sa pumanaw nang dating chief justice Renato Corona. Mahigit 5 taon pagkalabas ng artikulo, inakusahan kami ni Mr. Keng ng libel sa ilalim ng cybercrime law. Agad itong ibinasura ng isang dibisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) – dahil sa ilalim ng Revised Penal Code, ang reklamong libel ay maaari lang isampa sa loob ng isang taon matapos lumabas ang sinasabing paninira. 

Natuloy pa rin ang kaso matapos iendorso ng mas nakatataas na mga opisyal sa NBI. Walang nakasaad sa cybercrime law kung hanggang kailan maaaring magsampa ng reklamong libel ang sinoman. Kaya, gamit ang pilipilipit na argumento, sinabi ng Department of Justice na mangingibabaw sa pagkakataong ito ang Republic Act 3326. Ayon dito, kung ang parusa sa isang krimen sa ilalim ng espesyal na batas ay 6 na taon o higit pa, maaaring magsampa ng reklamo sa loob ng 12 taon. Espesyal na batas ang cybercrime law. Six years and one day hanggang 7 years ang parusa sa cyber libel. Swak sa argumento ng DOJ.  

Ang problema nila, wala pang cybercrime law noong inilathala ng Rappler ang artikulong inirereklamo ng negosyante. At bawal na isailalim sa bagong batas ang mga umano’y krimeng nangyari bago ito. Ngunit nakahanap pa rin ng argumento ang kabilang kampo – may time stamp sa artikulong nag-update ito noong February 19, 2014, halos dalawang taon simula nang malathala ito. Ang update na iyon ay pagtatama lamang ng ispeling ng isang salita. Pero ang turing dito ng naghabla, “republication” daw – panibagong paglalathalang masasakop na ng bagong cybercrime law. Oo, kagila-gilalas na interpretasyon ng batas.  

Kaya nga mapanganib ang naging hatol ni Judge Montesa dahil maaari itong maging batayan ng iba pang kaso ng libelo. Anomang nailabas sa internet o social media sa nakaraang 12 taon ay maaari nang habulin ngayon; anomang ilalabas ngayon ay maaari pang kasuhan sa susunod na 12 taon. Hindi malayong bahain ng libel complaints ang mga mamamahayag – at sinomang nagpo-post online. At kung mangyari iyon, para na ring pinosasan o binusalan ang mga journalist na nagbabantay sa mga umaabuso sa kapangyarihan. Doblehin ang pag-iingat, paulit-ulit na magtimbang, alalahanin ang posibleng abala, ligalig, gastos, pagkabilanggo.  

Matagal nang balakid sa malayang pananalita, pamamahayag, at pamahayagan ang pagtuturing na krimen ang libel sa ilalim ng Revised Penal Code. Dahil sa naging hatol na ito ni Judge Montesa, pinatibay at pinalawig pa niya ang balakid na iyon – sa ilalim ng cybercrime law. 

Sa ibinabang desisyon, hindi batas ang nangibabaw; ang nagwagi ay ang pagbaluktot ng batas para sa kasiyahan at interes ng mga nasa kapangyarihan at kanilang mga kasabwat. Sinakal na naman ang kalayaan. Dinagukan ang isa pang karapatan. Mistulang dinuraan ang Konstitusyon sa panahong nakaamba pa rito ang panghahalay ng panukalang anti-terror law.  

Isang panawagan ito sa mga kasamahan namin sa media, sa mga komunidad na nakatuwang namin sa kanilang adbokasiya, sa mga naniniwalang mabubuwag ang demokrasya kung mawawala ang malayang pamamahayag at pagpapahayag. Lalo tayong magbantay at kumibo. Kailanman, ang kasong ito ay hindi naging tungkol lamang sa Rappler, kay Maria, o kay Rey. Sa simula pa, ito’y pakikipaglaban para sa kalayaan at proteksiyon ng bawat mamamayang may tapang, at may karapatang panagutin ang maykapangyarihan. 

Sa kabila ng pangangalit, susundin namin ang proseso ng batas. Dadalhin ng Rappler sa Court of Appeals ang kasong ito. Kung kinakailangan, pararatingin namin sa Korte Suprema. Pananagutan namin – natin – ito sa bayan.

#CourageOn #DefendPress Freedom #HoldTheLine

Rappler.com 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>