Huwag kayong magulat na makukulong si Maria Ressa at Rey Santos Jr.
And sinapit ni Ressa, isang respetadong mamamahayag at Time Person of the Year noong 2019, at ni Santos, isang mananaliksik at manunulat, ay halos itinadhana.
Understatement na sabihing galit ang gobyernong Duterte sa Rappler. Andiyan ang pursigidong pag-atake sa start-up na online news site, kung saan si Ressa ay CEO, at si Santos ay dating empleyado. Noong Pebrero 2018 pa lang, pinatalsik na ang Rappler reporter na si Pia Ranada sa Malacañang. Noong 2018 rin, inulan ng 11 kaso ang Rappler – mga kasong dinisenyong pilayin ang negosyo at sirain ang kredibilidad nito.
'Weaponized' na batas
Malinaw na ang pulitka ng bengansya ni Digong at ng kanyang mga alipores sa loob ng 4 na taon. Nauna na si Senadora Leila de Lima, na magta-tatlong taon nang nakakulong. Andiyan si Maria Lourdes Sereno na dumanas ng pinakamasakit na panlilibak: binura ang ngalan niya mula sa talaan ng Korte Suprema na parang hindi naganap ang anim na taon niyang panunungkulan. Tinawag itong "legal abomination" ng isang huwes ng SC.
Ang tama ay mali at ang mali ay tama. Habang maraming nakakikilatis ng katotohonan sa panunugis kay Ressa, Santos, at Rappler, maraming nalinlang ng makamandag na dila ng ulupong.
Libel daw ang artikulong walang malisya at layon lamang ipakita ang mga nagbibigkis sa pinatalsik na Supreme Court chief justice na si Renato Corona at mga makapangyarihang tao. Hindi daw public figure si Wilfredo Keng na isa lang naman sa namamayagpag na negosyante sa panahon ni Duterte.
Hinimay ng huwes na si Rainelda Montesa ang umano'y pagiging libelous ng istorya, pero nilaktawan niya ang mas pundamental na usapin: may kaso ba batay sa mga umiiral na batas? (Emphasis sa mga salitang “umiiral na batas.”)
Dahil ang kasong cyber libel laban kay Ressa at Santos ay isang “house of cards” na dinikit ng laway.
Dalawa sa haligi ng duling na hustisya na itinaguyod ng kampong Keng at ng Department of Justice ay ang mga ito: Ang “republication” at ang 12-taong prescription period para sa libel.
Punyal sa puso ng online
Ayon sa abugadong si Romel Bagares, isa sa mga nagpetisyon laban sa cybercrime law noong 2012, gagawing bulnerable ng konsepto ng “republication” ang lahat ng lumang mga artikulo at kuro-kuro kapag ito’y na-digitize.
Yayanigin ng baluktot na teorya ng “republication” ang lahat ng online news sites sa Pilipinas. Ngayon, nakabitin na ang punyal sa kanilang dibdib.
Wala pang cybercrime law noong inilathala ng Rappler ang artikulong inirereklamo ng negosyante. Pero dahil sa may winastong typographical error sa artikulo, viola, parang magic ay itinuring ito ng DOJ na bagong artikulo.
Wala nang lumang artikulong hindi puwedeng halungkatin. Magpipiyesta na ang mga inexpose ng mga pahayagan. Delikado na ang lahat sa mga balat sibuyas na opisyal, alagad ng batas, at appointee ni Duterte. Pati na rin mga halang ang sikmurang negosyante, may kanyon na laban sa mga mamamahayag.
Nitong nakaraang linggo, tinanong si Maria Ressa sa panayam kung ito ay may “chilling effect.” Ang sagot niya, “Forget chilling – this is Siberia.” Para sa lumaki sa tropical countries, ang Siberia ang katumbas ng “Winter is coming” ng Game of Thrones. Sa totoo lang, “Winter is here.”
'Overriding issue'
Ayon kay dating Supreme Court associate justice na si Antonio Carpio, ang “overriding issue” ay “prescription." Bakit?
Dahil ang prescription ng cyber libel ay nananatiling isang taon at hindi 12 taon. Ayon kay Carpio, nilabag ng posisyon na ito ng DOJ at ni Montesa ang Konstitusyon.
Para kay Carpio, mas pangunahin ang isyu ng prescription kaysa mga “factual” na argumento sa kaso. Bago husgahan ang malisya, dapat sinagot muna ang tanong: may kaso ba? Wala, dahil ang tamang interpretasyon ay isang taon lamang ang prescription period.
Nang nagdesisyon ang Korte Suprema kung alinsunod sa Konstitusyon ang cyber libel noong 2014, sinabi nitong, "Cyber libel is actually not a new crime since Article 353, in relation to Article 355 of the penal code, already punishes it."
Papaano mamatay ang demokrasya?
Tinawag ni Ressa ang nangyayaring weaponization ng batas laban sa mga kritiko nito na “legal acrobatics.“
Bihasa talaga sa patumbling-tumbling ang administrasyong ito. Bago makaalis sa puwesto si Ginoong Duterte (at kung aalis siya sa puwesto), hindi na natin makikila ang demokrasyang ipamamana niya. Bugbog-sarado at naghihingalo na ito.
Hindi lang mga kalayaan sa pamamahayag ang yinuyurakan ngayon. Sa ilalim ng tinaguriang “terror bill” na pirma na lang ni Duterte ang kailangan – madaling makulong, madaling mabansagang terorista, madaling matortyur. Ngayong pandemic, madaling mabaril, mapatay, at makulong. Sa tindi ng kamandag ng mga batas na ito, aminado mismo ang interior department na hindi na kailangan ng batas militar.
Bakit pupuntiryahin ng isang democratically-elected President ang media? Dahil balakid ang free speech sa agenda nito na busalan ang mga kritiko, at malayang baluktutin ang katotohanan. Dahil balakid ang free media sa pagtatampisaw sa kapangyarihan.
Kung noon ay may anay ang sistema, ngayo'y mistulang wrecking ball na ang mga batas tulad ng cyber libel (na pamana ni Presidente Noynoy Aquino) at ang nakaambang anti-terrorism law.
Sabi ni Sheila Coronel, ang director ng Stabile Center for Investigative Journalism ng Columbia University, ganito mamatay ang demokrasya: sa loob ng isang bulwagang panghukuman, sa harap ng isang hukom na nagko-quote kay Mandela. Wala raw kudeta sa kalagitnaan ng gabi, walang tangke sa mga lansangan, at walang takeover ng mga istasyon ng telebisyon.
Sabi ni Coronel, ang tanging maririnig ay ang tuloy-tuloy na patak ng gripong kumakalawang sa demokrasya at kumukurap sa mga institusyon – ang “drip, drip, drip” daw ay ang mga duwag na kompromiso ng mga korte at kongreso.
Matagal nang sinimulan ang giyera laban sa mga matitino at matatapang na journalist – si Duterte mismo ang unang kumalabit ng gatilyo nang sinabi niyang “hindi exempted sa asasinasyon” ang mga peryodista, komentarista sa radyo, at mamamahayag.
Sabi ng Rappler, dadalhin nito sa Court of Appeals ang kasong ito. "Kung kinakailangan, pararatingin namin sa Korte Suprema. Pananagutan namin – natin – ito sa bayan.”
Babalikan namin ang walang 'sing angkop na mga kataga ni Dylan Thomas sa Do Not Go Gentle Into That Good Night: "Rage, rage against the dying of the light."
Hindi kami kukurap, hindi kami yuyuko, hindi kami magtatago. We will hold the line. #CourageOn – Rappler.com