Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] App, app, and away!

$
0
0

 

Ang saya naman kasi talaga. Biruin mo, makikita mo ang boy o girl version mo. Well, sige, ang level-up boy o girl version mo. Enhanced, makinis, fully made up, with soft and bouncy hair, mas maayos sa tunay na buhay. Mabilis, halos instant. Hindi na kailangan ng Photoshop surgery. Hindi mo kailangang maging skilled techie. Dahil kung hindi nga naman gumanda o naging guwapo ang hitsura mo, bakit pa? Naroon ang halina sa magandang hitsura. Tapos ise-share, magkakamit ng real-time reax.  

Tapos ilang ulit mong gagawin. Ano ba ang hitsura mo if ever na tumanda ka graciously? Wow, mala-Meryl Streep o George Clooney! Ano ang hitsura kung ibang larawan mo naman ang isasailalim sa express digital cosmetic facial surgery ng FaceApp? Ito kayang graduation photo mo? O itong nag-e-emo ka sa sunset noong pre-COVID-19 sa El Nido beach?

Dahil hindi naman ipinagbabawal ni hindi naman niya malalaman, magamit nga ang nakabuyangyang na larawan sa social media ng iyong kaibigang putik. Sabay attachment sa Messenger with matching scathing caption: “Suko ang FaceApp sa mukha mo, Bes.” Blocked pagkatapos.
 

Marami kang retrato sa social media kung paanong marami ka rin kasing oras at maraming memory ang device para kumuha ng larawan at mag-upload; masarap na masahe ng kasiyahan sa pagod mong pagkatao ang mga instant heart o like reax sa instant retokado mong kara. At least, totoo ang mga reax na “haha.” Nakakatawa talaga. Ano ba naman ang masama sa paghahangad ng munting harmless na kasiyahan, di ba? Wala namang masasakripisyo at, kung mayroon man, malay mo ba kung ano? Malay mo ba kung matutuklasan mo pa?

Sabi nga ng isang ka-Facebook kong liyebo sitenta ang edad at retiradong kawani ng pamahalaan nang mag-warning ako sa social media noong isang araw hinggil sa proliferation ng FaceApp sa newsfeed ko, sa tanda raw ba naman niyang iyon, ano pa ang iingatang impormasyon? Ano bang isyu ng privacy kung hindi na naman daw niya malalaman kung paano ikakalakal ang kaniyang pribadong impormasyon? Besides, masaya siya. Walang magawa habang naka-quarantine ang gaya raw niyang senior senior citizen (yes, senior senior, that’s intentional, kung paanong meron ding upper middle class o short short story).

Hindi ko na iisa-isahin ang masamang dulot ng pagda-download ng maraming apps– masasaya at kuwelang apps usually – para sa iyong birtuwal na pag-iral, batay sa mga nagsaliksik hinggil dito. Laganap naman sa newsfeed at internet ang mga warning at tell-tale signs na sinasamantala ng developers ng apps noon pa ang iyong account. Walang libre, lalo sa birtuwal na mundo. May kapalit ang kasiyahan. Ang kapalit, madalas, hindi pera kung hindi ang iyong oras para sa mga advertisers at ang mga dapat sana’y pinakaiingat-ingatang detalye ng iyong buhay. Pero hangga’t wala tayong nababalitaang tahasang negatibong epekto sa pangangamkam ng ating sekreto at data breach kapalit ng ating kasiyahan, walang tigil ang pagtangkilik ng marami sa atin sa mga ganitong apps.   

Informed choice

Bahala pa rin kayo. Bakit ko kayo pipigilan kung d’yan kayo masaya? Ang sa akin lang, huwag magpapatangay lagi sa sayang dulot ng mga app. Maaaring hindi mo makitang ginamit na sa kabilang dulo ng birtuwal na mundo ang retrato mong maganda o guwapo bearing another name, like Slovo Mitolic or Milcza Stocailic, bearing made-up personality, and sold for some troll farm in the Balkans or in a Sub-Saharan fiefdom. Hindi mo na naman ito malalaman. Maliit ang tsansang may makakita at maghinala sa bilyon-bilyong social media account ba naman sa mundo. 
 

Wala makapipigil sa iyo sa mistulang libreng kasiyahan. Pero, just so you know, may risk ang isinasagawa mong pagsaaayos ng iyong mukha. I know, I know, ano ba sa social media ang wala? Noon pa naman naka-display ang birtuwal na pagkatao natin. Noon pa man, kilalang-kilala na tayo ng social media at ng search engine natin dahil sa pang-araw-araw nating ipini-feed ditong impormasyon: kung saan tayo pumunta (lalo noong pre-COVID-19 piso-fare flights epoch), kung ano-ano ang nasa consumerist wishlist natin, mga minimithing produkto, larawan ng kinain, relasyon, pakiramdam, masasayang tagpo ng buhay, at marami pang iba. Accumulation lahat ito ng ating birtuwal na pagkatao, dito tayo kinikilala ng mga mandaragit ng demographics at data. 

Naniniwala akong kahit anong warning ng mga eksperto na huwag mag-download o gumamit ng app – lalo kung hindi ka naman nagbabasa ng fine print ng policy at terms of use, dahil sino ba sa atin ang masinop na magbabasa muna at magsusuri bago i-click ang “I agree”? – hangga’t hindi inabuso ang data natin, hangga’t malayo sa ating bituka, hangga’t walang dear to us na nakompromiso ang kinabukasan sanhi ng isang masayang app, tuloy-tuloy ang paglipana at pagtangkilik sa mga app na ito.  

At least, may informed choice ka mula ngayon kung ngayon mo lang ito nalaman. Bago i-click ang “I agree,” isipin mo na gagamitin ka ng kompanya ng app – ikaw, ang birtuwal na pagkatao mo, ang mga impormasyong ipinaubaya na sa kanila – kapalit ng paggamit mo sa kanila. Iyan ngayon ang standard payment. Gusto mong maging masaya? Isuko mo ang iyong account. Magreklamo ka all you want, pero buhat nang i-click mo ang “I agree” sa Terms of Use, ibinenta mo na ang iyong datos. 

Tandaan mo rin sana, if by any chance, makikita mo ang iyong enhanced kara bearing, say, Slavic or Senegalese name at pagkatao, tandaan mong walang barangay na didinig ng iyong kaso. Mag-deactivate ka man ng iyong social media account, magsumbong ka man araw-araw sa Facebook na may paglabag sa iyong pagkatao, tandaan mong nasa kanilang vague justice system kung may paglabag nga bang nangyari o wala. Tandaan mo sanang nasa quarantine ang mundo ngayon, nagpapasabi na ang Facebook at iba pang social media na kulang sila ng taong haharap sa iyong kaso, karaniwan ay programadong bot ang tutugon sa iyo. 

Hindi ako magmamalinis. Baka nakompromiso na rin ako sa maraming downloaded na aplikasyon mula pa noon. Lately na lang naman ako nagbabasa ng minute details ng Terms of Use. Bagamat noon pa ako hindi mapagpatol sa mga app-app na yan. May imprint na rin ang social media at ang paborito kong search engine ng mga ipinasok kong detalye, mga hinanap, mga nais matuklasan. Maging ang online shop na pinag-uubusan ko ng oras at suweldo, alam na nila ang malaking tsansang makukursunadahan kong bilhin, based on my browsing algorithm, kaya tuloy-tuloy ang pag-suggest sa akin ng mga produkto at pages. May nalalaman pa silang kesyo “Customers who bought this item also bought <kasunod ang mga katakam-takam na larawan ng produkto>.” Tukso.  

Kaya huwag magtaka

Kaya 
yung mga nagreklamo ng clone account nila weeks ago, tapos nag-FaceApp naman nitong mga nagdaraang araw, mahirap nang patunayan ang “pretending to be you” clause sa paglabag ng FB Community Standards.

Puwede uli kayong magalit, magwala, at magreklamo, pero mga walang damdaming bot and AI-enabled apps na ang nag-iimbestiga kung may duplication nga ba o wala; kung ikaw nga ba ang nasa larawan o hindi; kung may paglabag ba sa community standards o wala. And it will, most of the time, “judge” in favor of technology and algorithm of certain facial features na sinadyang hindi makita ng programadong bot. Iiyak ka na lang. Kahit siguro ang mga Tulfo walang magagawa sa reklamo mo.

Marami pang lalabas na app na kagigiliwan ng marami para mag-ukol pa tayo ng mas maraming oras sa social media, lalo sa Facebook. Enjoy, pero mag-ingat. Mapraning nang kaunti. Kuwestiyunin nyo minsan kung bakit ang saya-saya lagi sa iyong mutyang birtuwal na mundo.

Paumanhin kung kailangan kong maging KJ paminsan-minsan. At least alam mo ang pinapasok mo. Huwag ka na lang munang magtaka kung ang enhanced picture mo ay nagngangalan nang Kwame Sovikzkaya Dakarai na isang construction foreman sa bansang Tanganyika o Zanzibar. – Rappler.com  

Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>