Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Pastilan! Bakit nauwi sa Cebuano-shaming ang krisis sa Cebu City?

$
0
0

Lapit, lapit, mga kaibigan! May “eksperto” sa Cebu at sabi niya, gamot sa COVID-19 ang tuob or steam inhalation! Sabi rin niya, “Hindi naman pala kasing bagsik ng inaasahan” ang virus at “mas delikado pa ang dengue at TB!” 

Tuob ni Gwen Garcia

Ah…teka, fake news ‘yan. Hindi gamot sa COVID-19 ang tuob, at lalong hindi dapat ikumpara ang bagsik at pinsala ng coronavirus sa TB at dengue – dalawang sakit na may bakuna na.  

Ang problema, ang ekspertong albularyong ito ay si Gwen Garcia, ang gobernador ng Cebu.  

Paumanhin po sa mga albularyo. May angkop na paggamit sa tradisyunal na medisina. Lilinawin namin, hindi masama ang steam inhalation – huwag lang mauwi sa pagkapaso sa mainit na usok. 

Ang masama, kapag umasa kang panangga laban sa COVID-19 ang tuob. Ang masama, kapag ginamit ang pondo ng gobyerno upang bumili ng mga walang-silbing tuob kits. 

Anong nangyayari sa Cebu? Napakaganda na ng simula, bakit naging “2nd major battleground” o pangalawang larangan ng laban sa COVID-19 ang lungsod?

“Stubborn o matigas ang ulo” daw ng mga Cebuano, sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.  

Totooong nagsiksikan sila sa palengke noong Abril para bumili ng mga sahog sa binignit, ang tradisyunal na panghimagas sa Mahal na Araw. Pero bakit naging kampante ang mga Cebuano? 

Pinalabnaw ang panganib

Naging kampante sila dahil ipinangalandakan ni Governor Garcia, Cebu City Mayor Edgar Labella, at Presidential Assistant for the Visayas Michael Dino na “mababa ang death rates" at karamihan ng nag-positibo ay "mostly asymptomatic.” Dahil may tuob naman. 

Pero ang hindi nauunawaan ng mga pulitiko ay volatile o madaling pumihit ang sitwasyon. 

Mainam na sana ang nasimulan na mass testing. Siyempre, kung malawakan ang testing, mataas din ang resultang positibo. Ito ang kumabog sa dibdib ng mga lokal na opisyal – biglang itinigil ang araw-araw na briefing at pagre-release ng komprehensibong data sa midya. Imbes na magpaliwanag, dinaan nila sa spin.  

Inispin din ang datos. Ginagawang cause of death ang pre-existing condition ng mga may comorbidity (tulad ng sakit sa puso, atay, o baga). Kaya’t kapag may namatay dahil dinapuan ng coronavirus at mahina ang baga – itatala na ang ikinamatay ng pasyente ang lung disease. Ikinumpara din ang datos sa 7 milyong populasyon ng Central Visayas na walang katuturan dahil ang sentro ng pandemic ay ang lungsod.

Hindi kailangan ng Cebu ng mga lokal na opisyal na magmamasahe ng datos, magrerekomenda ng fake cure, at magkukubli ng katotohanan, upang hindi magmukhang malala ang sitwasyon. 

Ang kailangan ng Cebuano at ng lahat ng Pilipino ay tapat at tumpak na impormasyon. Ang kailangan ng Cebu ay transparency at lideratong hindi bulag sa realidad dahil kandarapa silang paligayahin ang mga negosyante. 

Si Garcia at Labella ay gobernador at mayor ng taumbayan at hindi ng big business lamang. Kung syensya ang pundasyon at sistematiko ang paglaban sa virus – lahat makikinabang, negosyante at ordinaryong mamamayan. 

Bakit dinownplay? Upang maisailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Cebu. At dahil naibsan ang istriktong quarantine, hindi nakontrol ang mga hot spot.

Sa kabila ng optimism na wala sa lugar, madugo pa rin ang kuwentong isinisigaw ng mga datos: 33 sa 100 na na-test ay positibo. (BASAHIN: ‘Cause for concern’: Experts project 11,000 coronavirus cases in Cebu by June 30)


Ano ba ang plano?

Nagpasakalye pa si Ginoong Duterte na wala siyang sinisisi sa sinapit ng Cebu (maliban sa mga Cebuano.) Ibig sabihin, ayaw niyang pagalitan si Garcia, na isang mahalagang kaalyado lalo na’t malapit na ang eleksyon. Si Garcia nga, imbes na magpakalma, nang-alipusta pa ng frontliner na kumokorek sa fake cure niya.

Pero andyan na tayo: palpak ang lokal, enter ang mga heneral. Ano ba ang plano?

Rumesponde si Environment Secretary Roy Cimatu at ibang heneral sa sitwasyon alinsunod sa training nila: naglagay sila ng sangkatutak na checkpoints, nag-import na sandamakmak na pulis at nag-lockdown ng mga barangay nang walang kaabog-abog. Sakay ng chopper, nag-ocular sila na parang puwedeng i-mortar ang COVID-19 mula sa ere, tulad ng naging carpet-bombing sa Marawi. Sa ibang bahagi ng bansa, ipinamumudmod ang leaftlets at face mask mula sa mga sasakyang panghimpapawid ng Sandatahang Lakas.

Inilagay ni Cimatu sa total lockdown ang 12 barangay na parang sona nung panahon ng Martial Law.  

Biglang kinansela ang lahat ng quarantine passes. Apat na araw ding hindi makatapak sa labas ng bahay ang mga Cebuano sa lungsod ng Cebu. Napakalaking bagay ng quarantine pass sa buhay ng isang taong naka-lockdown: ito ang passes mo para mamalengke, bumili ng gamot, at maghanapbuhay. Samakatuwid, ito ang passes para mag-survive.

Pero teka, plano ba talagang gutumin ang mga tao habang iniisyu ang bagong quarantine passes? Sipatin ang kalabang virus gamit ang superior firepower?

Pastilan! Mukhang ganito na naman ang solusyon – hawig sa law and order na solusyon sa Kamaynilaan na ikinamatay ng isang ex-marine, ikinabugbog ng maraming face mask violator, at ikinakulong ng higit 2,800 noong Mayo.

Malupit na kalaban ang virus – pero may panangga at panlaban sa pandemic. Ilang bansa na sa buong mundo ang nagpatunay na puwede itong talunin habang hinihintay ang vaccine. 

Sabi ni Cimatu isantabi ang puliitka. Sa totoo lang hindi problema ang away pulitika. Ang problema ay incompetence, at walang bakuna laban sa incompetence. Wala ring bakuna para sa mga pulitiko at opisyal na tila nasobrahan 'ata ng hangin sa utak kaka-tuob. 

Ang tanging panlaban natin, mga kababayang Cebuano, ay ang sariling pagsusumikap na huwag mahawa, pagsunod sa alituntuning pangkalusugan, at paniniwala sa sariling kakayanang maigpawan ito, nang hindi umaasa sa pamahalaang pulpol. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>