Pirmado na ang anti-terrorism law. Matakot na tayo. Narito ang limang dahilan.
Una, puwede ka nang matiktikan ng 3 na buwan sa ilalim ng Republic Act 11479. Hindi isang linggo o isang buwan – kundi 60 araw na pwedeng i-extend nang 30 araw. Lahat ng pwedeng mahalungkat sa iyong mga smart phone, laptop ay router – ay pwede madiskubre sa 3 na buwan. Lahat ng sambitin mong kataga, pwede marinig ng estado.
Pangalawa, Puwede kang maaresto nang walang warrant of arrest.
Pangatlo, ang organisasyong kinabibilangan mo ay puwede nang madeklarang terorista. At hindi na kailangan ng korteng magsasabi nito – sapat na ang pasya ng Anti-Terrorism Council na binubuo ng mga tauhan ng gobyerno (kasama ang kalihim ng hustisya) at hindi na mga hukom.
Pang-apat, puwede kang maditene nang 24 araw. Kung hindi ka nahanapan ng incriminating evidence sa pag-eespiya sa ‘yo, malamang ikanta mo iyon sa loob ng 24 na araw sa ilalim ng interogasyon at hindi malayo – tortyur. At walang magagawa ang writ of habeas corpus sa ganitong sitwasyon.
Pang-lima, puwedeng pabuksan ng Council ang iyong bank account, kunin ang laman nito at i-sequester ang iyong mga ari-arian.
'Killer provision'
Sabi ng mga tagapagtanggol ng batas, may mga bahagi namang naggagarantiya na hindi ito gagamitin laban sa mga bumabatikos sa pamahalaan.
Pero kapag binusisi mo ito, meron itong killer provision: kapag may intensyon ka umanong manakit o maglagay ng kapwa mo sa panganib – terorismo na ito. Hindi kailangan ng aksyon mula sa iyo – sapat nang may mga barkada kang kahina-hinala. Sapat na ang interpretasyon ng pulisya sa balak mo.
At sa ilalim ng batas, ang burden of proof ay wala na sa prosekusyon kundi sa nasasakdal. Isang malaking kabalintunaan ng batas na kailangan mong patunayan na wala kang "terroristic intent."
Samakatuwid, puwede kang ituring na terorista kapag namuna ka, tumutol, nang-akusa, o lumahok sa organisasyon o aktibidad na pinaghihinalaang may "intensyong manakit."
Intensyon ang nakamamatay na salita. Walang konkreto sa intensyon. Nakabatay lahat ito sa interpretasyon ng mga alipores ni Duterte.
'Parallel' sa Hong Kong
At hindi lang ‘yan nangyayari sa Pilipinas. Kailan lang ay ipinasa sa Hong Kong ang bagong national security law na kumikitil sa natitirang kalayaan sa economic hub.
Kalimutan na ang mga pangako noong 1997 handover na “50 years no change.” 23 taon pa lang ay binabaligtad na ang mga Western-style democracy sa dating British territory: bawal ang mga bagay na maitituring na subersibo, may hibo ng pagsasarili o secession, terorismo, at pakikipagkontsabahan sa mga dayuhan. Walang duda na nagarote na ang kalayaang sibil at malayang pamamahayag sa Hong Kong.
Mukhang hindi makapaghihintay ng 50 taon ang Beijing bago hatawin ng sinturon ang suwail na anak na mahilig sumagot at sumalungat. Hindi rin makatulog nang mahimbing ang Communist Party ng China hangga't hindi sakop ng mga istriktong – sabi ng iba'y mapaniil na – batas nito ang Hong Kong na gateway sa Mainland China.
Bilang ehemplo – nang naganap ang Tiananmen Square masaker na pumatay ng libong estudyanteng Tsino, mabilis na pinatay ang mitsa ng demokratikong adhikain at pagtutol ilang buwan ang makalipas. Sa kabilang banda, ilang taong namayagpag ang mga pro-democracy activists noon pa lang Umbrella Movement ng 2014, at lalo pang yumabong noong 2019 sa paglaban sa extradition bill.
Pero umeskapo na mula sa Tsina ang maraming aktibistang pro-democracy nito – senyales na wala na silang naaaninag na pag-asa.
At hindi kataka-takang magkakambal ang tadhana ng PiIipinas at Hong Kong: masidhing nililigawan ng Beijing si Pangulong Duterte upang maging sidekick laban sa Kanluran.
Naghihingalong demokrasya
Muli, “dissent is duty, not a crime.” Hindi krimen ang pumalag at bumatikos. Sa katunayan, katungkulan nating punahin ang mga maling nakikita natin sa lipunan at sa bayan. Krusyal ito sa malusog na demokrasya.
Habang ang COVID-19 ang pinakasikat na export ng Tsina, tila inexport din nito ang kultura ng panunupil na niyakap ng pamahalaang Duterte.
Kung lantaran ang national security law ng Hong Kong, disimulado ang anti-terror law. Sabi ni Antonio Carpio, dating hukom ng Korte Suprema, hindi na kailangan ng batas militar dahil masahol pa ito sa batas militar. (BASAHIN: The Anti-Terror Act is worse than Martial Law)
Pero sa bisa ng bagong batas, ’sanlibong taga ang tinatamo nito. Iyan ang “a thousand cuts” ng kalayaan.
Masakit mang aminin, nagtagumpay ang puwersa ng panunupil sa pagpapasa ng mga batas na ito sa Hong Kong at Pilipinas.
Sabi nga ng isang manunulat noong panahon ng American revolution na si Thomas Paine, "These are the times that try men’s souls." Sabi rin niya, "Tyranny, like hell, is not easily conquered... what we obtain too cheap, we esteem too lightly."
'Yan ang kalayaang ipinagwalang-bahala natin matapos mapatalsik ang diktador. Malinaw na hindi tayo natuto.
Pagsubok ng kaluluwa, pagtutuos sa tadhana – maraming maaaring itawag sa yugtong ito. Pero isang bagay lang ang kahahantungan niyan at dapat nating tanggapin.
Wala nang middle ground. Hindi na puwedeng maupo sa bakod at manood lang. Malinaw na ang puti at itim. Pagkilos ba o pananahimik? Panahon na upang mamili. #CourageON – Rappler.com