Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Ang buhay sa lansangan ay buhay ng pakikibaka ni Ka Elmer Portea

$
0
0

 

Tsuper ng dyip, tagapagsalita ng STARTER, pangrehiyong balangay ng PISTON, at kaanib ng Anakpawis Party-list si Ka Elmer. Gaya ng iba pang drayber, na maagang tamaan ng sakit sa tuhod, balakang, at iba pang bahagi ng katawan, napapagal rin ang katawan niya dahil sa maghapong byahe. Idagdag pa diyan ang pagpapagal na bahagi na ng hamon ng paglilingkod bilang tagapagsalita ng sektor ng transportasyon. Bagamat sa Laguna ang ruta ni Ka Elmer, nakakaabot siya sa iba pang lalawigan ng Timog Katagalugan para tulungan at turuan ang kapwa nya drayber at maliliit na opereytor sa kinahaharap na usapin sa transportasyon. Abot din siya hanggang Kamaynilaan sa pagsama sa mga pagkilos para ipagtanggol ang mamamayan. (READ: 2 Piston jeepney drivers positive for coronavirus)

Maaasahang lider. Suki ng mga lehitimong pagkilos. Mahusay sa paggampan ng tungkulin. Ganyan si Ka Elmer. Tulad ng libo-libong dyip at mga drayber nito – lagi nating hinahanap at kinakailangan; hindi tayo binibigo. Pero gaya rin ng lahat ng "hari ng lansangan," hindi pinahahalagahan at mababa kung turingan, lalo na ng gubyerno ni Rodrigo Duterte. 

Sa kalagitnaan ng pandemya, ipinagdiwang ni Ka Elmer ang kanyang ika-50 kaarawan. Isang taon na naman ng pakikibaka at pakikipagsapalaran ang nagdaan. Isang taon – na ang dalangin niya ay lakas para patuloy na maglingkod sa bayan, at patuloy ring lakas ng nagkakaisang mamamayan. Habang nagdiriwang ng kaarawan, ang paggunita ng nagdaang panahon ay may kaakibat na pag-aalala sa nagdurusang mga drayber at komyuter na pinababayaan na ng ating pamahalaan. Kaisa siya sa matinding galit natin sa pagpapasa ng Anti-Terror Law at iba pang patakaran na inuna pa ng gubyerno sa halip na kalingain ang taumbayan. Kaisa siya sa ating daing: Bakit nga ba ang mga "hari ng lansangan" nauwi sa panlilimos ng pangangailangan! (READ: IN PHOTOS: ‘My jeepney, our home’)

Hulyo 4. Isang araw matapos lagdaan ni Duterte ang Anti-Terror Act of 2020, sumama siya sa pagkilos sa harap ng Pulo Barangay Hall (Cabuyao City, Laguna) kung saan halos nakakampo na ang mga militar ng 2nd Infantry Division mula nang tumindi ang pandemya at bago pa man ang pagratsada sa Mababang Kamara ng HB 6875. Minamananan at nililigalig nila ang malapit na Anakpawis Timog Katagalugan Office. 

Sa gitna ng ulan, nangahas si Ka Elmer kasama ng iba pa na mariing tutulan ang pagsupil sa karapatan at paggunaw ng natitira pang demokrasya sa bansa. Nang matapos ang kanilang programa, inilabas na nga ng pulis at militar ang mas matinding bangis ng pasismo dahil sa Anti-Terror Act. Sinugod ng mga pwersa ng estado ang mga raliyista.

Sinakal si Ka Elmer. Kinaladkad sa gitna ng kalsada. Dinahas. Sugatan ang kanyang tuhod, binti, at braso.

Maggagabi na noon. Ilang oras na lang, curfew na naman. Sinamantala ng sandatahang pwersa ang pagkakataon para dakpin sila at ipiit. Hibang nilang nilalayon na pahinain ang lakas ng katawan at kalooban ni Ka Elmer at ng mga aktibista. 

Pero nagdaan ang mahigit 8 oras, at pinag-iisipan pa rin ni Lt. Col. Reycom Garduque kung ano ang ikakaso sa kanya at sa 10 pa niyang kasama. Samantala, sa inilabas na medico-legal at mga niresetang gamot sa kanila, malinaw ang ebidensya ng nangyaring karahasan laban sa kanila. May 24 oras na silang nakapiit ngayon, at binawalang kausapin ng mga dalaw.

Walang ibang tinuturo ang karanasang ito kundi ang katotohanan ng paghahari ng tiraniya at terorismo ng estado sa ilalim ni Rodrigo Duterte. Ang katotohanang kung sino pa ang nagtatanggol ng karapatan ay sila pang pinarurusahan at sinusupil. Ang katotohanang kung sino ang maysala at nasa awtoridad ay silang malayang nakakagawa ng kanilang kabuktutan. Ang katotohanang sa ilalim ng rehimeng ito, matagal nang pinabayaan at gusto nang kitlan ng buhay at kabuhayan ang mga tsuper at maliliit na opereytor.

Tama na! Labis-labis na! Wakasan na!

Tayo naman ang hinahamon ng panahon. Ipagtanggol natin ang siyang nagtatanggol ng atin. Ipagtanggol natin si Ka Elmer! (READ: How to help jeepney drivers affected by the coronavirus lockdown)

Sama-sama nating isulong ang karapatan at kagalingan nating mga tsuper, opereytor, at iba pang nasa sektor ng transportasyon. Isanib natin ang ating lakas sa mga komyuter at lahat ng iba pang mamamayan sa pagsulong ng kalayaan at demokrasya. – Rappler.com 

Kobi Tolentino is a student of AB Philosophy. He advocates for the junking of the Anti Terror Act of 2020 as he believes it will lead to increased persecution against dissenters like him and the Cabuyao 11.

Editor's note: As of posting, Ka Elmer and his peers have been released for preliminary investigation.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>