Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Comments section, vicious sub-platform

$
0
0

May kinagalitan ako noong isang araw. Dati kong estudyante sa isang state university. Nakita kong nakikipagtalo sa online comments section ng isang pahayagan. Mahaba ang thread at, obviously, walang intensiyon na malinawan ang katalo, na minumura na at iniinsulto ang dati kong estudyanteng hindi maiwasang hindi mapikon. Gumaganti sa diskursong marumi pa sa burak ng kanal sa isang baradong estero sa Kalakhang Maynila ngayong tag-ulan.

Pinuntahan ko ang profile ng kaniyang katalo. Walang laman. Bukod pa rito ang pangalang malinaw namang alias lang. Nag-private message ako sa dati kong mag-aaral. Tigilan na niya, 'ka ko, ang pakikipagtalo dahil troll ang kabatuhan ng masasakit na salita. Walang mangyayari sa kahit anong paliwanag. Ang intensiyon lang ay galitin ang dati kong estudyante, at siguro ang iba pang organic account na makukursunadahan.  

Hindi, 'ka ko, tatanggapin ang argumento kahit gaano pa kalinaw, dahil wala namang intensiyon talagang malinawan sa simula pa lang. Humingi ng paumanhin sa akin ang estudyanteng, 'buti naman, hindi nagmaliw ang respeto sa akin bilang dati niyang propesor. Sabi ko, burahin din ang kaniyang unang comment nang mabura ang buong thread. Sumunod naman. Nagpaalala pa ako: isang screengrab lang ang katapat ng gumagamit ng tunay na pangalan sa social media. Hahatakin pababa ang pagkatao, iinsultuhin, at kapag napikon ka’t nagmura, hindi mo na alam ang mangyayari sa nakabuyangyang mong pangalan at birtuwal na pagkatao. (READ: [OPINION] A letter to the men and women behind paid trolls in the Philippines)

May ipinagtapat naman sa akin ang isang kaibigang propesor. Dalawa ang kaniyang account sa Twitter. Ang isa, nakapangalan daw sa kaniya. Ang isa, hindi; pambalatengga sa mga kumokontra sa kaniyang hinahangaang artista. Hindi niya ginagamit ang totoong pangalan sa pagko-comment dahil nakalagay doon ang pangalan ng institusyon pati na ang kaniyang pamilya at mga tweet na maingat na binalangkas bago ini-upload. Pero iba raw siya kapag gamit ang virtual alter-ego. Marumi pa sa pundilyo ng diyablo kung ipaglaban at banatan ang mga kumokontra sa iniidolo niyang kontrobersiyal na artista.  

Marami pang umamin sa akin. May isa naman akong kaibigan, ibang social media account ang gamit sa bidding wars sa comment section. Para raw hindi malaman ng kaniyang asawa na nagbi-bid siya ng mga vintage watch na patago rin ang delivery kung siya ang mananalo. 

Ang common denominator ng mga binanggit ko, maliban sa dati kong estudyante, may spare social media account sila na para lang sa comments section.  

May isang gusto pa ngang magpahiram o ibigay sa akin ang isa sa kaniyang maraming account. Kaysa raw gamitin ko ang sarili kong pangalan sa tuwing magko-comment ako – na karaniwan ay sarcasm na hindi mage-gets ng iba kaya hahaba ang thread, uulanin ako ng mura at galit at insulto – sa mga pahayagan. Tinanggihan ko ang alok. Maingat naman ako sa mga comment-comment kahit pa sarcastic. Bihira akong mag-engage, lalo’t wala agad sa hulog ang magko-comment sa comment ko.

Comment nga ba sa nabasa?

Noong nagsusulat pa ako para sa isang online news site ng isang major network noong hindi pa nawe-weaponize ang social media, may natuklasan ako. Taong 2015 ito nang sumulat ako ng isang artikulo tungkol sa isang "senatoriable" na iginisa ng isang host sa isang public affairs program sa telebisyon. Tumanyag ang nasabing isyu dahil sa napaka-awkward na sitwasyong walang maisagot na makabuluhan ang "senatoriable" sa matalinong pagtatanong ng host. 

Nag-trending ang interview. Sumulat ako. Ang pamagat ng aking artikulo ay, with all the sarcasm I could muster, “Tigilan na si <insert pangalan ng senatoriable na walang katorya-torya>.”

Laman ng aking opinyon ang paliwanag ko sa dynamics ng name recall sa halalan. Na makatutulong sa kandidato ang name recall, at malaking bagay ito para mapag-usapan hanggang eleksiyon dahil maaari, 'ka ko, niyang magamit ang appeal to emotion sa kaapihang tinanggap mula sa may mataas na antas ng kukote functions. That it can very well be a platform for appeal; na nangyari, at patuloy na nangyayari’t sinasamantala, sa ating bansa. Ilan na ba ang nailuklok nating bukod sa hindi na nga nakatapos ng high school ay mistulang ipinagmamalaki pa ang pagiging bopol? Nagkakaroon ng fighting chance ang mga ganoong uri ng kandidatong nakasalig sa pagpapaawa ang paraan ng pagkuha ng simpatiya, and, eventually, ng boto (at pondo kapag nanalo?). It’s nice to be proven wrong, though, dahil natalo ang kandidatong ito.

Bueno, ano ang nangyari nang lumabas ang artikulo sa social media platform ng network? Nag-viral, nag-trending lalo. Sa loob ng isang araw, noong hindi pa uso ang industrialized troll-comment processing zone, noong bibihira pa ang naka-mobile data subscription at hindi pa masyadong smart ang smartphones, nagkaroon ng mahigit 30,000 shares at 2,000 comments ang artikulo. Lahat, maliban sa 8 (oo, binilang at binasa kong isa-isa), ay nagkomento batay lamang sa pamagat ng artkulo ko. (READ: When trolls and propagandists occupy the Internet)

Sa 8 nagbasa, ang isang comment ay tuwang-tuwa dahil ang dami nang sinabi ng mga tao pero walang nag-abalang magbasa sa buong artikulo. Dahil batay sa pamagat, akala ng mga nagkomentong pamagat lang ang binasa, campaign manager o PR ako ng kandidato.

Doon lumiwayway sa akin ang isang uri ng sub-platform na nakakabit sa mas malaking social media platform: ang comments section, lalo ng mga pahayagan, na gaya ng pahayagan kung saan ninyo nababasa ito ngayon. 

Binigyang katuturan ni Tarleton Gillespie ng Communication Department ng Cornell University sa kaniyang sanaysay na "The Politics of Platform" na nalathala sa A Companion to New Media Dynamics (Wiley Blackwell, 2015) ang structural platform sa internet bilang “a raised level surface designed to facilitate some activity.... It implies a progressive and egalitarian arrangement, an implicit promise to support those who stand upon it (409).” Ang ganda. Maayos. Malaya.  

Ngunit ang hindi na-preempt ng mga paham ng akademya, lalo iyong walang ideya sa social media dynamism sa bansa, ay ang pag-usbong ng isang sub-platform na tuntungan din ng mga tao upang magpahayag ng kanilang ideya na dati’y eksklusibo lang sa mga letter-to-the-editor section ng pahayagan. May “egalitarian arrangement” ang comment section – malayang makapagpahayag ang mga tao, real-time, for better or for worse, nang hindi na kailangan pang lumiham sa mga editor.  

Mabuti ang layunin ng comments section. Malalaman sana ang pulso ng gadget-toting Pinoy hinggil sa inilathalang balita o opinyon. O kahit sa quotation lamang ng mga sangkot sa balita at maiinit na isyu. Pero hindi ito ang napatunayan ko mula pa noong 2015. At, marahil, baka ganito rin ang obserbasyon kung isa-isang tatanungin ang social media administrator ng bawat pahayagang lumulunsad din sa social media. Hindi ito ang napatutunayan ko sa tuwing papapasadahan ko ang mga comments section ng pahayagan. Bihira ang makabuluhang palitan ng kuro-kuro, lalong bihira ang hinahon at pagninilay-nilay.  

Kaya nga, inisip ko, dahil karamihan ay mga galit, nang-iinsulto, nagrereklamo, kung papasukan ko ba ng pang-uuyam, may makakahalata pa kaya? Marami naman. Pero marami rin ang walang panahong magnilay kung sarcasm o hindi ang komentong kanilang sinusundan.

Real-time, popularity, o most relevant? 

May 3 paraang pinaiiral ang mga comments section ng social media gaya ng Facebook. Pupuwedeng ang mababasang nasa pinakataas ay ang latest na comment, puwede rin ang pinakapopular (pinakamaring reax) o iyong Most Relevant. Hindi nagagalaw ng social media administrator ang Most Relevant comment. Ang algorithm nito ay batay sa keywords ng comment mismo. Kaya naman may problema na agad kung hindi Ingles ang gamit sa pagkokomento. Nalilito ang algorithm upang matukoy ang Most Relevant sa dagsa ng comments sa isang isyu, lalo kung ang komento ay nakasulat sa Filipino at iba pang wikang hindi Ingles. 

Kaya kasing magkondisyon ng mga komento, lalo iyong mahaba ang thread, o maaanghang ang palitan ng salita, o iyong may totoong sagutan ng kung sino-sino para isulong ang kani-kanilang politikang kinakatawan, karaniwan, ng trapong sinasamba. Libre kampanya lalo’t mababara (“burn” as in sunog, sa social media jargon) ang katalo sa thread. Kayang ikondisyon na, dahil popular, kahit baluktot ang katuwiran (magandang paradox: baluktot ang tuwid, salitang-ugat ng katuwiran, gets?), baka ito nga ang totoong kaisipang nananaig at umiiral. Kaya naman buhay na buhay ang mga sagutan of the troll kind sa comments section. 

May pakinabang din naman dito ang mga pahayagan. Patuloy na lumalabas sa newsfeed ang pinag-uusapang balita. Lalo’t mainit ang talakayan sa comments section. Somehow, aminin man o hindi ng mga pahayagang lumulunsad na sa internet at nagbibilang ng hits, lalo ngayong may pandemic at bihira ang may access sa papel na diyaryo at sa mga ipinasarang estasyon, malaking bagay ang mayroong interaksiyon gaano man ka-substantial o kawalang substance ang pinag-uusapan sa comments section.  

Somehow, aminin man o hindi ng mga pahayagang may nakikita pang pakinabang sa comments section, complicit din sila sa paglipana ng troll industry at masidhing pagkakahati-hati ng lipunan. Na alam din marahil nila na kaydaling magpalago ng pagkamuhi sa comments section na, ang totoo, parang tambakan na lamang ng mga salitang bihira ang pinag-isipang mabuti kung makabubuti. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>