Wala pang isang linggo noong tinintahan ng pangulo ang Anti-Terrorism Act na siya namang umani ng mga reaksyon mula sa iba’t ibang grupong nagsusulong ng karapatang-pantao. Naligo ng angry reax sa social media ang bawat balita at litratong ukol dito. Kapag naisabatas na kasi ito, kahit sinong pinaghihinalaang terorista ay maaaring ikulong agad-agad ng hanggang dalawang linggo nang walang nababasang Warrant of Arrest.
Saklaw kasi ng Senate Bill No. 1083, Sec 5 ang pagtatakda sa sino man bilang terorista, sa pamamagitan ng kaniyang panulat at pananalita, na nagtutulak sa isang indibidwal na gumawa ng isang akto ng terorismo base sa Anti-Terrorism Act. Saklaw nito ang iba’t ibang klaseng manunulat — mga nobelista, songwriters, kwentista, scriptwriters, mga makata, at iba pa — na may obrang may temang iimpluwensiya sa isang tao para lumabag sa batas ayon sa Senate Bill No. 1083. (READ: 'Respect human rights': CCP Thirteen Artists Awardees decry anti-terror law)
Panigurado, apektado rito ang mga local rappers na may temang pulitikal sa kanilang mga awitin na hindi sang-ayon sa lente ng gobyerno. Baka hindi na sila sumulat pa ng mga kantang magpapakita ng reyalidad at estado ng lipunan na maaaring balikan sila bilang akto ng terorsimo.
Pero simula’t sapul pa lang naman, kung lilingunin ang pinagmulan ng hip-hop, ay makikitang kasama na sa kultura ng hip-hop ang pagpalag at protesta.
Noong 1970s, patok na patok ang disco sa New York na dinadaluhan ng mga kilala at matataas na tao. Pero sa isang parte ng New York na kung tawagin ay South Bronx, talamak ang mga krimen ng pagnanakaw bilang resulta ng kawalan ng trabaho — hindi sa tamad, kung hindi walang talagang mapasukang trabaho — at patong-patong na problema sa lugar. Hindi makapunta sa mga ganitong piging ang mga taga-South Bronx dahil sa kanilang mga dinaranas at reputasyon. Noong August 1973, nagkaroon sila ng sariling pagtitipon sa gitna ng kanilang danas na dinaluhan ng mga simpleng taong walang magarang damit, walang suot na mga alahas, at higit sa lahat ay hindi disco ang hanap kung hindi ang tunog ng kanilang lugar na kalauna’y naging hip-hop.
Niyakap ng lipunan ang hip-hop at ang kultura nito sa paglipas ng panahon lalo’t lalo na sa panahon ng police brutality sa buong Amerika noong 1980s. May pangyayari kasing hinuli ang lahat ng Black Americans para alamin ang kanilang mga detalye dahil sa suspetiyang gagawa sila ng masama. Para sa mga pulis ay kakambal ng kulay ang paggawa ng krimen sa Los Angeles, Compton. Bunga ng galit sa pang-uuri ng kapulisan sa mga black americans, naging tema ng mga tao ang kantang "Fuck Tha Police" ng grupong N.W.A. na umusig sa mga maling pagdakip, pagkulong, at pagpatay sa mga amerikanong hindi puti. Dumating pa sa puntong pinasok ng mga pulis ang concert ng N.W.A. sa Detroit noong kinanta nila ang kantang malinaw na naipadala ang mensahe sa kapulisan.
Matapos pasukin ng kapulisan ang concert, nagkasampahan ng kaso laban sa kanila at sa kasamaang palad, walang napatawan ng parusa sa kahit sino mang pulis na humuli sa kanila. Hindi ito nagustuhan ng mga taong parte ng komunidad ng Black Americans at bumuo ito ng sigwa sa pagitan ng mga kulay. Naging instrumento ang kanta ng N.W.A para ipakita sa buong mundo ang danas ng mga Black Americans na kaakibat ng mga kawalang-hustisyang pinagdaanan nila sa kapulisan.
Kung tutuusin, hindi lang mga rappers sa ibang bansa ang napagdidiskitahan ng mga pulis at testimonya rito sila LOONIE at Shanti Dope.
Noong 2019, tinangkang ipa-ban ng PDEA ang kantang "Amatz" dahil para sa kanila ay isinusulong ng kanta ang paggamit ng pinagbabawal na gamot na siyang sinusubukang sugpuin ng Oplan Tokhang. Sabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, dapat daw na gamitin ni Shanti Dope ang kaniyang musika para makipagtulungan sa pamahalaan para burahin ang paggamit ng droga sa kabataan. Pero kung tutuusin, nagawa na ito ni Shanti Dope dahil kasama sa kaniyang album noong 2017 ang kantang "T.H." na nagkukwento sa danas ng isang taong inosente na binisita ng mga pulis na naghahanap ng ipinagbabawal na gamot. Isa pang kanta sa kaniyang album na Materyal ang kantang "Norem" na nagkuwento naman danas ng isang tulak ng ipinagbabawal na gamot at kung paano siya naging biktima ng sistema. (READ: [WATCH] Rappler Live Jam: Uprising Collective)
Ilang araw matapos ang balita sa pagitan ni Shanti Dope at PDEA, nag-Facebook Live si LOONIE para ilabas ang kaniyang saloobin. Binanggit niya na hindi epektibo ang ginagawang hakbang ng PNP para sugpuin ang droga sa bansa lalo na’t marami nang namatay pero hindi pa rin nahuhuli ang pinagmumulan ng droga. Ilang araw ang nakalipas, nahuli si LOONIE sa isang entrapment operation at nahulian ang rapper ng libo-libong halaga ng imported drugs. (READ: Rapper Loonie released on P2 million bail)
Ang dalawang rapper ay nagpapahayag ng hindi pagtango sa kanilang nakikita sa paligid na hindi nagustuhan ng pamahalaan. Isa itong akto ng pagbusal ng mga tao at ahensyang kanilang pinupuna.
Noong isang taon, inilabas ang Kolateral: isang rap album na may mga awiting naglalaman ng mga kuwento’t naratibo ng mga nabiktima ng Oplan Tokhang. Binosesan ng album ang bawat pangungulila, galit, at dismaya ng masang may kakilala’t kapamilyang nabiktima ng programa. Naging matagumpay ang album sa pagpapaabot ng mensahe at kwento ng mga biktima sa porma ng rap, kaakibat ng mga artistang tumulong para bunuin ang labing-dalawang awitin. (READ: 'Kolateral' rages against the 'drug war' – here’s why you need to listen)
Ayon sa literary critic na si George Lukács, mahuhusay ang mga artistang naipapakita at naipapabatid ang karanasan ng pagiging tao sa kanilang napiling mga porma. Hindi lang sa aspeto ng pagiging tao, kasama rito pati ang danas at lupit ng pang-aalipusta na naipaakita sa mga tula, kuwento, pelikula, dula, litrato, pinta, at iba pa. Ika nga, repleksyon ng lipunan ang sining at repleksyon ng sining ang lipunan pabalik.
At ito ang patuloy na ginagawa ng rap. Dahil galing sa komunidad ang mga kwento, mas naiintindihan at nararamdaman ng komunindad ang mensahe. Tagos pa.
Bumubuo ito ng damdamin at kamalayan ng sabay na nagtutulak sa mga tagapakinig nito para mag-isip, umusisa, at magmulat sa paligid.
Pero paano na kaya kapag batas na ang Anti-Terror Act? Paano kaya ang magiging sistema ng eksena ng local rap? Kung titikom man at pipikit ang mga rappers sa nangyayari at mangyayari pa sa bansa, nasa kanila ang desisyon. Wala namang masama sa pagpili ng kaligtasan. May mga personal na dahilan para tumigil at magpatuloy pero sana ay hindi nila makalimutang mabilis na paraan ang pakikinig sa musika para maiparating sa mga tao ang ano mang mensaheng nais nilang iparating. Sa panahon ngayon, higit na kailangan ng lipunan ang rap at sining.
Sa panahon ngayon, kailangang mas magpadala ng mga mensahe sa mga tao, lalo na sa kabataang may kakayahang bumago ng lipunan sa hinaharap. Kapag nawalan ng rap ang masa, mababawasan ng pupuna. Kapag nawalan ng rap ang masa, mas kakaunti ang mga magmumulat. Kapag nawalan ng rap ang masa, bilang na lang ang makikisawsaw sa mga isyung panlipunan. Higit sa kailanman, kailangan natin ng hip-hop dahil siguradong magiging mapait at hindi magiging masarap ang danas ng masa kapag walang rap. – Rappler.com
Nagtapos ng kursong Journalism si sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang kumukuha ng Malikhaing Pagsulat sa paaralang gwadrado ng parehong paaralan. Kung wala sa eskwelahan, malamang nasa lansangan.