“Hanap ng ibang trabaho para mabuhay.” ‘Yan ang payo ni Senador Bato dela Rosa sa mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN.
Senador Bato, may trabaho po ang 11,000 na manggagawa ng ABS-CBN, pero dahil sa kapritso ng 70 na mambabatas ng bansa, humaharap sila sa pinansyal na kalbaryo.
Senador Bato, sabi mo walang impact ang pagsasara, Ang siste, hindi ka naman ekonomista. At kahit na magtataho, makikitang may tama sa ekonomiya ang desisyon ng House of Representatives na ibasura ang petisyon ng network para sa bagong prangkisa.
Pero hindi ang matalinong senador ang may dugo sa kamay.
Ang pitumpo
Ang 70 ang sumaksak at pumatay sa network at sa kabuhayan ng mga manggagawa nila. Sila ang bumoto nang walang konsultasyon sa kanilang mga distrito na pawang tutol sa pagpatay sa ABS-CBN. (BASAHIN: Big majority of Filipinos think Congress should grant ABS-CBN a franchise)
Umiral sa kanila ang personal na interest – ang sumipsip sa House Speaker at sa nakaupo sa Malacañang. Nagpa-bully rin sila kay Solicitor General Jose Calida na kung pakikinggan mo ngayon ay BFF na si Speaker Alan Peter Cayetano.
Ngayon mas insulto sa mga aso ang tawaging tuta ang mga nasa Kongreso, lalo na ang mga nasa komiteng nagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN.
Inuna nila ang sentimyento at hinanakit sa pagbabalita ng ABS-CBN. Ang umiral ay ang kakitiran ng isip at kasalatan ng tapang.
Sabi nga ni Senador Ralph Recto, “A noisy press, all the more the sound from outlets which does not please our ears, is the soundtrack of democracy.” (Ang maingay na press, kahit na hindi ito kaiga-igaya sa ating tainga, ay ang tugtog ng demokrasya.)
Sabi nga ng UP College of Mass Communications, dapat alalahanin ng mga mambabatas na hindi trabaho ng media na maging ”public relations arm" ng mga pulitiko.
Tanging 11 ang nanindigang mali ang tanggalan ng prangkisa ang istasyon. Dahil malinaw na walang nilabag na batas ang ABS-CBN at walang napatunayang paglabag sa mga hearing ng Kongreso.
Sabi nga ni Recto, kung ito’y nagkasala, bakit hindi pagmultahin ang ABS-CBN? “If corporate misdeed is punishable with extinction, no business will be left standing in this land.” (Kung pagkitil kaagad ang parusa sa mga pagkakamali ng mga korporasyon, wala nang negosyong matitira.)
Tanong pa ni Recto, bakit ipasasara ang istasyong may pinakamalawak na naaabot sa himpapawid, kung kailan kritikal ang impormasyon dahil sa coronavirus?
Pero maraming napatunayan ang taumbayan – pangunahin na riyan na hindi kinatawan ng mga kongresista ang kagustuhan ng 75% ng mamamayan. Dapat silang panagutin sa boto nila.
70 na kongresista ang nagpakapipi, bulag, at bingi sa hinaing ng 11,000 manggagawa ng network sa panahon ng pandemya.
'Virtual' martial law
Bago pa ang pandemya, kakaunti na ang bukas na trabaho sa industriya ng sine, telebisyon, at pagbabalita. Ngayong panahon ng COVID-19 lalo nang walang trabaho dahil halos standstill ang industriya. Saan sila pupulutin?
Huwag na nating pag-usapan ang mga reporter, anchor, direktor, artista, at celebrity. Paano na ang PA o production asisstant, ang goafer, ang make-up artist, ang drayber, kasama na ang mga writer at middle level producers?
Paano na ang mga empleyadong 20 taon nang naglilingkod sa ABS-CBN, sino pa ang tatanggap sa kanila sa suweldo nilang pang-senior at sa abante nilang edad? Paano na ang mga pinag-aaral nilang mga anak?
Huling ipinasara ang ABS-CBN nang idineklara ang Martial Law sa bansa noong 1972. Ngayon, wala mang opisyal na deklarasyon, testamento ito sa pagkawasak ng demokrasya at pag-iral ng “virtual martial law.” Makikita ‘yan sa pagpasa ng Anti-Terrorism Law, ang pang-ha-harass sa media, ang pagtugis at pagkulong sa mga kritiko tulad ni Leila de Lima at mga maka-Kaliwa, at ang pagbabalahura ng mga troll ng gobyerno sa social media.
Laban nating lahat ito
Sabi ng Philippine Association of Communication Educators o PACE, “Isusulat namin sa mga libro at ituturo namin sa mga mag-aaral ng komunikasyon na ang Julyo 10, 2020, ay malungkot na yugto sa ating kasaysayan dahil inatake ng mga lehislador at mga 'invisible powers-that-be' ang kalayaang magpahayag."
Sa statement ng Rappler noong July 10, sinabi nito: “Laban nating lahat ito, hindi lang ng ABS-CBN.”
Kamatayan ng demokrasya ang pagkandado sa pinakamalaking media outlet sa free TV sa Pilipinas. Kamatayan ng demokrasya ang mabusalan ang tagapaghatid ng balita sa pinakamalayong sulok ng bansa. Patay na ang demokrasya kapag isang tinig lang ang maririnig sa himpapawid – kapag tinig lamang ng mga spokesman, government station, at mga “masunuring” istasyon ang magmomonopolya ng ere.
Sabi pa ng Rappler, “Learning from the lessons of history, journalists and other freedom-loving citizens must speak up because to be silent is to be complicit.”
“To be silent is to be complicit.” Pagkunsinti ang pananahimik. #CourageON – Rappler.com