Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

CloseUp concert tragedy: Paalala sa tamang paggamit ng gamot

$
0
0

Bago pa maglaho ang interes sa trahedyang naganap sa CloseUp Forever Summer concert noong Mayo 22, dapat alamin ng publiko ang ligtas na pag-inom ng anumang gamot. Sana hindi na ito maulit pa.

Bago ang lahat, nakikiramay ako sa mga naulila. Anumang pagpapaalala ang gagawin ko tungkol sa ligtas na paggamit ng gamot, malinaw na walang kasalanan o pagkukulang ang mga yumao. Anoman ang ikinilos nila nang gabing iyon, sila ay mga inosenteng biktima.

War on drugs

Hindi madaling baguhin ang kultura ng paglalasing at paggamit ng droga na naging dahilan ng trahedya. At hindi ako naniniwala sa paraan ng papasok na administrasyon para mabago ito. Ang pag-aabuso sa gamot, sigarilyo, akolhol, at ang adiksyon ay hindi masusugpo ng dahas ng pulisya at militar. Problema itong dapat sugpuin sa pangunguna ng mga mangagawang pangkalusugan. Sa madaling salita, ang Department of Health, hindi ang Philippine Nation Police, ang dapat manguna.

Ito ang konklusyon ng gobyerno ng United States na nanguna sa tinaguriang “War on Drugs,” kung saan limpak-limpak na salapi ang ginugol sa loob ng ilang dekada upang hulihin at sugpuin ang mga user, pusher, at sindikato. Ayon sa kanila, lumala ang problema, napuno lamang ang kanilang mga preso, at lumakas ang mga sindikato. Sa halip na bumaba ang bilang ng mga adik, dumami ito.

Kaya ang panawagan ng maraming grupo ngayon – kasama na ang ilang mga pulis, FBI, at huwes – ay gawing legal ang mga ipinagbabawal na gamot upang higit na mapangasiwaan ang paggamit nito. Kung hindi kailangang magtago ng mga adik, mabibigyan sila ng tulong-medikal at mapapalaya sila sa adiksyon.

Hindi ibig sabihin nito ay hindi dapat hanapin, litisin, at parusahan ang sinumang nagbigay ng mga inuming iyon na naging dahilan ng pagkamatay ng mga kabataan sa CloseUp Forever Summer concert. May papel pa rin naman ang pagpapatupad ng batas sa labang ito. Nguni't ang batas ay ginagamit lamang sa mga natatanging sitwasyon tulad nito. Hindi ito solusyon sa paglaganap ng ilegal na droga at adiksyon.

Maaaring magulat kayong marami sa mga gamot na ipinagbabawal ay pareho lamang ng mga gamot na nirereseta ng mga doktor sa mga ospital araw-araw. Halimbawa mayroon pa ring tamang gamit ang metamphetamine (na siyang laman ng shabu) para sa ilang sakit. Ganoon din ang morhpine na pansugpo sa matinding kirot o hapdi ngunit kinahihiligan din ng mga drug user. Ngunit lahat ng gamot ay may side effects; samakatuwid, lahat ng gamot ay mapanganib kung hindi ginagamit nang tama.

Humingi ng reseta

CONCERT DRUGS. The National Bureau of Investigation shows journalists samples of illegal drugs normally confiscated at rave parties. File photo by Rob Reyes/Rappler

Kahit hindi ko kinukunsinti ang ilegal na paggamit ng gamot (kasama na rito kayong mga bumibili ng antibiotics na walang reseta ng doktor, at iyong mga pharmacy na nagbebenta), narito pa rin ang ilang paalala para maiwasan ang pinsala.

Una, ang nabanggit ko na: kung kailangang may reseta ang gamot, tulad ng antibiotics, huwag gagamit nito kahit pa pumapayag ang mga drug store na bentahan kayo nang walang reseta. 

Bakit ba mahalaga ang reseta para sa antibiotics at karamihan ng mga gamot?

Marami sa mga sakit na ginagamitan ng antibiotics ng ating mga kababayan – tulad ng ng ubo at sipon – ay gumagaling nang kusa. Akala lang ng marami, antibiotics ang nakakagaling sa kanila kasi umiinom sila nito at gumagaling sila. Ang totoo, uminom man sila o hindi, gagaling naman sila.

Hindi lang gastos ang perwisyong dala ng maling paggamit ng antibiotics. Madalas, lumalala ang sakit dahil pinapatay ng antibiotics ang normal na bakterya na nabubuhay sa katawan ng tao. Kapag namatay ang mga ito, madaling dapuan ang indibidwal ng mga di-normal at mapanganib na bakterya na siyang magdadala ng malubhang sakit. Dagdag pa, kung mali ang paggamit ng antibiotics, natututo ang mga bakterya na labanan ang bisa nito. Sa kalaunan ay hindi na epektibo ang antibiotics. Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng mga impeksyon na hindi na nasusugpo ng kahit anong antibiotic na dati-rati ay epektibo. 

Kaya ganoon na lamang ang pakiusap naming mga doktor na huwag kayong uminom ng antibiotics na walang reseta. Kung kami ang inyong hukbo laban sa sakit, tinatangglan ninyo kami ng armas. Pakiusap namin na kung kailangan ng reseta para sa anomang gamot, huwag ninyong bilhin o inumin ito nang walang reseta. At huwag po kayong mag-recycle ng reseta dahil ang resetang hawak na ninyo ay para lamang sa partilular na sakit na iyon at para sa partikular na panahon o gamutang iyon.

Tamang regulasyon

Pangalawa, huwag iinom ng gamot nang hindi ninyo alam ang sangkap, epekto, dosage, at pinanggalingan nito. Ang buong sistema ng paggawa, pag-distribute, pag-imbak, pagreseta, pagbenta, at pagpapainom ng gamot ay dapat na mahigpit na kinokontrol ng gobyerno.

Mahigpit ang mga pamantayan o regulasyon tungkol dito dahil ang kaunting pagkakamali ay nagdadala ng malaking pinsala. Halimbawa, kung kulang sa dose o di epektibo ang ilabas ng manufacturer ng gamot, maaari itong ikamatay ng maraming pasyente. Inaasahan siyempre ng pasyente at ng kanyang doktor na epektibo ang gamot. Nguni't kung kulang o walang bisa ang inireseta, lalala lamang ang sakit. Kung sobra naman ang inilagay na sangkap, maaaring mamatay din ang pasyente sa overdose. Kung may ibang nakakalasong sangkap na naisama o isinama sa pormulasyon, mapanganib din ito. Ayon sa mga balita, ito daw ang naging sanhi ng pagkamatay sa CloseUp concert– mayroong kemikal na hindi naman dapat gamitin sa tao pero inihalo sa inumin.

Ang pagseguro ng kalidad ng gamot na inaangkat o ginagawa sa Pilipinas ay responsibilidad ng Department of Health, partikular ang Food and Drug Administration. At kung nais ninyong makatulong sa dakilang gawain ng pagmomonitor, kung kayo ay may reklamo, maaaring ipaalam sa kanila.

May mga dapat ding pangalagaan sa distribusyon ng mga gamot mula sa pabrika. May ilang gamot, halimbawa, na nawawalan ng bisa kung hindi tama ang temperaturang kinalalagyan. Kaya nga ang ilang bakuna ay dapat iangkat mula sa pagawaan na gamit ang refrigerated van.

Responsibiladng mga pharmacy na ilagay ang mga gamot sa tamang imbakan – refrigerated kung kailangan, hindi naiinitan kung kailangan, hindi malalapitan ng daga, ipis, at anomang hayop.

Kung nais pa ninyong alamin ang matitinding regulasyon ng mga ospital, pharmacy, health workers para makarating sa inyo ang epektibo at ligtas na gamot, heto ang isang sanggunian.

Tamang pag-inom

Nagbabala man akong alamin ninyo ang sangkap, epekto, dosage, at pinanggalingan ng mga gamot, hindi naman sa inyo ang responsibilidad na siguraduhin ang tamang manupaktura, distribusyon, pag-imbak, pagbenta. 

Nguni't responsibilidad ng bawa't isa ang tamang pag-inom. Heto ang ilang praktikal na payo:

  • Sundin ang payo ng mga pharmacist tungkol sa pagtatago ng gamot. Dapat ang mga ito'y di naiinatan, naarawan, o nababasa.
  • Itapon ang lahat ng expired na gamot. Minsan ay nanghihinayang tayo, lalo na't mamahalin ang mga ito. Ngunit kaya may expiry date ay dahil nawawala sa katagalan ang bisa ng gamot, at hindi makakabuti sa inyong uminom ng di epektibong gamot. Huwag na ring i-donate ang mga ito.
  • Kung may gamot na natanggal ang label o packaging, huwag hulaan kung ano ito kahit sa inyong palagay ay kabisado ninyo ang porma, kulay, at anyo ng gamot na iyon. Alalahaning ang kahit isang maliit na pagkakamali ay maaaring magdulot ng malaking pinsala. Itapon ang gamot.
  • Kung may ibang nagpapainom sa inyo ng gamot – sabihin nating sa ospital – maging makulit kung hindi sila makulit. Alamin ang bawat ipapainom sa inyo o isasaksak sa suero ninyo, kung ano iyon at para saan. Mahal na mahal ko ang mga nars kapag sinasabihan ako sa ospital habang pinaiinom ako ng gamot, “Ito po, paracetamol, 500 mg, 3 times a day, para po sa headache ninyo. Ito naman po ay 500 mg ng antibiotic X para sa impeksyon. Ito naman ang gamot X, 10mg para sa hypertension.”
  • Kung ikaw naman ang nagpapainom sa sarili o sa inaalagaan sa bahay, alamin ang lahat ng pangalan at dose ng gamot na ininom.
  • Huwag kalimutang dalhin ang gamot kung maglalakbay. Mainam na ang gamot na binili mo sa kilala mong tindahan sa halip na bumili sa tindahang hindi mo suki.
  • Marami sa mga gamot o inumin ay may nakasulat na “Do not accept if seal is broken.”  Sundin po ninyo iyon. Kung hindi selyado ang bote ng tubig (soft drink, kape, alkohol) huwag nang inuman – malay mo kung nabuksan na iyon at kung ano ang inilagay? Kahit ibang tubig lang ang ipinalit, malay ninyo kung sa toliet kinuha ang tubig?
  • Kahit wala nang nararamdaman at tila magaling ka na, ubusin ang iniresetang gamot. Sa kabilang banda, huwag damihan ang iniinom na gamot o pahabain ang panahon ng pag-inom kung sa iyong palagay ay hindi ito epektibo. Sumangguni ulit sa duktor.
  • Kung may masamang epekto sa iyo ang gamot, maaaring itigil mo ito, ngunit sumangguni kaagad sa doktor.
  • Ilayo ang lahat ng gamot sa mga bata at alagang hayop.
  • Huwag ibigay ang gamot mo sa iba.

Sa konsert

Hindi ko kinukunsinti ang maling paggamit ng gamot, sigarilyo, o alkohol. Uulitin ko: huwag ninyong aabusuhin! (BASAHIN: Music, drugs, alcohol: Do young Filipinos party to get high?)

Ngunit sa susunod na konsert, nawa'y isipin ng mga dadalo ang mga tip na angkop sa sitwasyon nila. Halimbawa, huwag mag-overdose. Maraming tao ang namamatay dahil sa overdose ng alkohol o dahil sa mga peligrosong gawain, tulad ng pagmamaneho habang lasing. Huwag uminom ng anumang tableta o likido na hindi mo alam ang pangalan, sangkap, o kung kanino ito galing. Huwag uminom ng tubig o alkohol mula sa boteng nabuksan na at hindi mo sigurado kung sino ang nagbigay. Huwag makisalo sa dalang gamot, sigarilyo, alkohol ng iba kung hindi mo matalik na kaibigan o kaanak. Huwag bumili ng sigarilyo, alkohol, gamot, pagkain sa mga taong hindi mo kilala o sa tindahang hindi pinahintulutan ng organizers.

Uulitin kong hindi ko kinukunsinti ang maling paggamit ng gamot. Ngunit kung ipagpipilitan ninuman, tratuhin na lamang ang konsert na isang porma ng paglalakbay. Pansinin, kung ganoon, ang isa pang tip ko sa itaas: kung kailangan mong uminom o humitit ng anuman habang naglalakbay sa konsert, bring your own and do not share. – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>