Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Saan dapat patungo ang proyekto ng wikang pambansa?

$
0
0

 Magkakaugnay ang mga wikang natututunan ng tao, ayon kay Noam Chomsky, linggwista at pilosopo. Kahit magkakaiba ang mga lenggwahe, may ebidensya ng kaisahan ng lahat ng wika sa mundo. Ngunit dahil maraming interpretasyon ang iba’t ibang tao sa kalikasan ng wika, nagagamit ang mga ito upang labanan ang ibang paraan ng pamumuhay na salungat sa mga nakasanayan. 

Kung tutuusin nga, sa karanasan ng maraming bansa, ang pagtutulak ng wikang pambansa at wikang opisyal (pansinin na magkaiba ang dalawa) ay konektado sa pagpupunyagi para sa pagiging lehitimo ng estado.

Nariyan ang hamong pagkaisahin ang iba’t ibang grupong etnolinggwistiko. Isang paraan para gawin ito ay ang paghahanap ng unibersal na katangiang maaaring makapagbubuklod sa mga katutubong wika. Ito ang basehan para makalahok ang mga ordinaryong mamamayan sa proseso.

Simula ng debate

Tema na ng debate ang wikang pambansa mula pa nang ilimbag ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1939. Nang iproklama ang Tagalog noong 1937 bilang batayan ng wikang pambansa, tumutol ang ibang rehiyon dahil paraan ito diumano para magtaguyod ng puristang wika mula sa sentro ng kapangyarihan. 

Makalipas ang 4 dekada, kinilala ng 1973 Constitution ang pambansang wikang “Filipino” na sumasailalim sa proseso ng ebolusyon, bagaman kinikilala na ang wikang ito ay pansamantalang binubuo ng leksikon at gramar ng wikang Tagalog. Dahil ang Filipino ay kapwa opisyal na wika ng Ingles, malinaw na ang direksyon ay para sa isang bilingual policy.

Nabuhay ang debate sa pagitan ng bilinggwalismo (i.e., Filipino at Ingles) at multilinggwalismo (pagtulak sa higit na presensya ng ibang mga wika sa Pilipinas) nang mapatalsik ang diktadurang Marcos at binubuo ang bagong Konstitusyon. Hindi binanggit ng Konstitusyong 1987 na base sa Tagalog ang wikang Filipino, subalit tinatanggap na ang likas na dinamismo o buhay ng mga wika ang siyang magpapaunlad sa Filipino bilang lingua franca na nagtataglay ng katangian ng mga umiiral na wika sa Pilipinas.

Kulturang pagsasaluhan

Malinaw na may marangal na intensyon ang magkakasalungat na panig ng debate. Nauunawaan ng mga nagsusulong sa Filipino ang disbentaha ng pagpipilit pa-Inglesin ang katutubong dila. Ang mga nagtataguyod ng multilinggwalismo naman ay nababahala sa maaaring implikasyon ng implementasyon ng wikang pambansa sa mga minoryang kultura. Nararapat ikonsidera ang papel ng minoryang kultura sa kaunlaran.

Minsa’y pinupuna ang polisiyang pangwika dahil sa pagpapahina diumano nito sa mga elemento ng lipunan na hindi pambansa ang saklaw. Gayunman, kailangang kilalanin din ang tungkulin ng bansa na maghanap ng kulturang pagsasaluhan. 

Dapat lumayo ang pamahalaan sa pagpapalaganap ng propagandang ang layon ay bumuo ng huwad na pagkakakilanlan. Ito ay puwedeng mag-itsa-puwera sa mga grupo na pangalagaan ang sariling kultura.

Pangalawang wika

Ang proyekto ng wikang pambansa ay dapat patungo sa pagpapatupad ng Filipino hindi bilang una, kundi bilang pangalawang wika. Tandaang maraming katutubong wikang sinasalita sa Pilipinas. Ito ang dahilan kaya lubhang di-makatwiran ang pananaw na ipinapatupad ang wikang pambansa para malagay sa panganib ang estado ng mga wikang rehiyonal. 

Puwedeng gawin ang pagpapayaman sa lokal na pamana habang nililinang ang pambansang kamalayan upang mailahok ang publiko sa mga diskursong may direktang epekto sa kanila. Halimbawa na lang ay ang politika. May mga pag-aaral na nagmumungkahing kaya impersonal ang politika ay dahil marami ang hirap matuto ng Ingles na pinipili sa pagpapatakbo ng pamahalaan. 

Sa pananaliksik ni Brother Andrew Gonzalez ng De La Salle University, hirap ang marami na matuto sa institusyong may English-only policy dahil hindi magkatulad ang istruktura ng Ingles sa porma ng wikang ginagamit ng mga bata sa tahanan.

Maaring gumamit ang gobyerno ng bibingka approach– ang pagsasanib ng matibay na impluwensya ng nasa itaas (ang gobyerno) sa mga inisyatibang pangkomunidad na nagbabalanse sa kapangyarihan. Maaaring gamitin ang katutubong wika sa mga prosesong pampamayanan (halimbawa, ang paglutas sa mga tribal/clan disputes; paghango ng lokal na perspektiba sa pagtalakay sa mga pambansang isyu), habang inaagapayan ito ng inisyatiba sa pagpapayaman ng wikang pambansa, hanggang maiangat ang antas ng diskurso. 

Magkakapamilyang wika

Nang banggitin kong ang wikang pambansa ay “proyekto,” nais kong idiin na ang dinamikong karakter ng Filipino ay matatagpuan hindi sa pagsusulong ng puristang klase ng Tagalog kundi sa kakayahan ng bawat Pilipinong mag-ambag sa patuloy nitong pagpapaunlad. 

Pero dapat isaalang-alang na ang Filipinong umiiral sa ngayon ay nagkamit na ng istatus bilang lingua franca. Bangungot marahil na mag-imbento ng artipisyal na wika para sa ikasisiya ng lahat.

Para kay Robert Blust ng University of Hawaii, ang lahat ng mga wika sa Pilipinas (maliban sa Chavacano na isang creole language) ay magkakapamilya sa lahat ng antas – sa produksyon ng tunog, pagbuo ng salita at pangungusap. Ito ang paliwanag kung bakit maraming magkakatulad na salita na iba’t ibang wika natin: bahay/balay (house), babae/babayi (woman), yuku/yuko (to bow).

Ipinapakita naman ng pag-aaral ng linggwistang si Consuelo Paz noong 1995 na merong nabubuong baryedad (variety) sa wikang Filipino dahil sa ambag ng iba’t ibang gumagamit ng wika, gaya ng mga sumusunod:

  • iskul, iskwelahan, paaralan
  • nandito, narito
  • so (naimpluwensyahan ng Ingles), kaya
  • nagkain (base sa istruktura ng Cebuano), kumain 

Maraming entri sa UP Diksiyonaryong Filipino na ginagamit sa pang-araw-araw na komunikasyon ay hindi naman talaga Tagalog. Halimbawa na lamang ang kawatan (thief) and katarungan (justice) na kontribusyon ng Hiligaynon at Cebuano.

Dahil ang istatus ng Filipino ay lumalayo na sa mahigpit at patriotikong purismo, at patungo na sa repormismo, mungkahi ko sa Komisyon sa Wikang Filipino na maglatag pa ng siyentipikong pamamaraan para maunawaan ang lokal sa wika. Puwede itong gawin habang may pagsisikap sa pagpapalago sa palimbagan, bagay na kapuri-puri kay Punong Komisyoner Virgilio Almario. Dapat umalpas na tayo sa taunang agenda ng “balagtasan” na siyang tema tuwing Buwan ng Wika. 

Nangangailangan din ng diskursong tatalakay sa pagtanggap ng pangkaraniwang tao sa pambansang identidad sa kabila ng pagkakaiba-iba. Ang resulta ay solusyong sensitibo sa bawat pangkat subalit nakakawing sa obhetibo ng pagkakaunawaan. Ito ang sinasabi ng sosyolohistang si Jürgen Habermas na mahalagang maalalayan ang publiko na mamuhay sa kabila ng mga kompleksidad ng lipunan. – Rappler.com 

Si Francis Bautista ay graduate student sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at Departamento ng Pilosopiya, UP Diliman.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>