Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Bakit hindi itanong sa bayan ang pagpapalibing kay Marcos?

$
0
0

You can’t be neutral on a moving train.
– Professor Howard Zinn

Matakot sa kasaysayan pagka’t walang lihim na di nahahayag.
– Gregoria de Jesus, Lakambini ng Katipunan

 

Mahal na Presidente Digong:

Isang mainit na pagbati po sa inyo!

Sumusulat po ako sa inyo, upang ipahayag na kabilang po ako sa marami nating mga kababayan na sumuporta sa inyo, kahit na ako/kami ay tutol sa inyong layon na ilibing ang labi ni Diktador na Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ipagpaumanhin po ninyo, Mahal na Pangulo, ngunit hindi po sasapat o makatwiran ang inyong sinabi na payag kayong malibing ang nilalang na yaon sa LNB – hindi dahil sa siya ay bayani, kundi dahil siya ay isang dating sundalo.

Hayaan po sana ninyo akong ipahayag at buong galang na ipaliwanag kung bakit po sa aking pananaw ay hindi tama, baliko, at hindi po makatwiran ang inyong desisyon.

Una, sa halip po na magkaroon na nang pambansang pagkakasundo o unawaan ang ating buong bansa, ang pagpapalibing po ninyo kay Diktador na Marcos sa LNB ay maaari pong humantong sa mas lalo pang pagkakahiwa-hiwalay ng mga batayang elemento ng ating bansa. Ito po ay maaaring tumungo pa sa mas malalim na pagbibiyak ng hanay ng ating nga mamamayan.

Magiging pizza pie po ang ating bansa – sa antas ng puso, diwa’t kaluluwa!

Nauunawaan ko po naman ang isa sa inyong dahilan: Ibig ninyong tapusin na ang hinanakit at inis ng ating mga kababayang Ilokano hinggil sa lagay ng kanilang Apo/Manong Macoy. Ngunit dapat din po nilang maunawaan na ang bayan pong ito ay binubuo ng iba’t-ibang mga mamamayan at ang republika po ng Pilipinas ay binubuo nang lahat ng mga mamamayang Pilipino!

Marahil po ay matutuwa ang ating mga kababayan sa tinatawag na “Solid North,” ngunit, Mahal na Pangulo, hindi po ba dapat din ninyong malalimang ikonsidera at matining na isaalang-alang ang damdamin, hinaing, pulso, saloobin, at niloloob ng ating mga kababayan sa buong bansa?

Ikalawa, sa akin pong paningin, dapat din ninyong tingnan ang magiging epekto ng inyong layon sa usapin ng sagisag, kasaysayan, at simbolismo ng ating bansa.

Sumasang-ayon po ako sa ilan nating mga kababayan na naniniwala na hindi naman lahat ng nakalibing sa LNB ay mga bayani; ngunit hindi po yaon ang punto.

Image by Alejandro Edoria/ Rappler

Ang sentral pong punto sa buong kontrobersyal na usaping ito ay: Bakit po natin hahayaang malibing ang isang diktador – na nangwasak po nang mga batayang elemento’t institusyon ng ating bansa, pumatay sa libo-libo nating mga kababayan (isang buong henerasyon po ng ating pinakamatalino’t pinakamahusay ang mga nangamatay sa mga kanayunan’t kabundukan, mga bilangguan, at mga lansangan), gumahasa sa ating mga kababaihan at lantaran pong lumabag sa karapatang-pantao’t bumaboy sa pagkatao libo-libo nating mga mamamayan, humati sa ating lipunan, sumalaula sa ating mga batas, paniniwala’t kultura, nangulimbat at nagnakaw po ng bilyon-bilyon sa kaban ng bayan, at bumalahuha sa halos lahat po ng bagay na pinanghahawakan nating marangal, dalisay at mabuti?

Mahal na Pangulo, maaari po ninyong ipalibing ang diktador na 'yan sa kung saan man po ninyo ibigin, ngunit hindi po kailanman maililibing o maibabaon sa limot o sa lupa ang katotohanan, katwiran, at katarungan!

Hindi po kayang pawiin o kainin ng lupa ang bantot, ang lansa, ang baho, ang sulasok, at lahat ng karimarimarim na kahayupan at kawalanghiyaang ginawa ni Marcos sa kasaysayan ng bansa at sa nagkakaisang/kolektibong alaala’t gunita (collective memory of the nation) ng ating mga mamamayan at taong-bayan!

Mekanikal lamang po ang paglilibing, ngunit ang tunay pong paglilibing ay nasa diwa’t kaluluwa ng bawat isang Pilipino na bumubuo ng ating bansa!

Kahit po ilang beses ninyong ipalibing ang dayukdok na iyan, kung hindi naman po nakalilimot at nakakapagpatawad ang bayan ay paulit-ulit din lamang po nating “binubuhay” ang bangkay ng pinakamadilim at pinakamadugong yugto ng ating kontemporaryong kasaysayan! Yaon po ba ang ibig ninyo? Ang buhayin ang bangkay, ang masasamang alaala ng animal na iyan?

Ikatlo, hinggil po sa usapin ng mga biktima ng martial law at ng lahat ng nagsipaglaban at nakibaka laban sa diktadurya. Mahal na Pangulo, ano pong mensahe ang sa tingin ninyo’y inyong ipinapaabot sa kanila sa inyong desisyon?

Panghuli po: Ano pong mensahe ng pagpapahalaga (question of values/principle of virtue) o pananaw o polisiya o programa o pilosopiya ang ipinapaabot ninyo sa ating mga kabataan hinggil po sa desisyon ninyo?

Mahal na Pangulong Digong, batid ko po naman na talagang mainit ang usaping ito at mabigat ang konsekuwensya ng inyong magiging pasya’t hatol. Batid ko din po naman na wala kayong hangad kundi ang mapaganda at mapabuti ang pangkalahatang lagay/estado ng ating bansa. Kaya po magalang kong iminumungkahi sa inyo na mas malaliman ninyong pag-aralan at masusi ninyong pagnilayan ang pangkasaysayang konteksto ng suliraning ito ng ating bansa.

Sa inyo pong mga talumpati, palagi ninyong binabalikan, binabanggit, at sinasalungguhitan ang mga kawalanghiyaan at kawalang katarungang ginawa sa ating mga ninuno’t bansa ng mga kolonyalistang Kastila mula po noong taong 1521. Kung gayon po naman, huwag din po sana ninyong kalimutan ang mga taong 1972 hanggang 1986!

Hindi lamang po ito usapin ng paglilibing ng isang bangkay, usapin din po ito ng panlipunang-katarungan (social justice) at historikal na pagsusulit (historical judgment).

Suhestiyon:

Mahal na Pangulong Digong, magalang at kongkreto ko pong ipinapanukala, na sapagkat ang usapin at problema pong ito ay usapin at problema ng bayan... Bakit hindi po ninyo ibalik o ibato sa buong bayan ang bagay na ito?

Ang bayan po ang naglagay sa inyo kung nasaan man kayo ngayon! Katulong po ninyo kami sa pagguhit at pagsasakatuparan ng inyong tadhana’t layunin, kung kaya po naman, muli, bakit hindi po ang buong bayan mismo ang magpasya hinggil sa bagay na ito?

Our People, Mr President, have decided on you. I certainly believe, Sir, that the right thing to do under the prevailing divisive circumstances is to bring to the people this whole matter! Let the people themselves, as a whole, decide on this! Let us seek the will of the people!

Kahit po magastos at matrabaho, para po lamang sa ikatatapos at pagsasara ng buong usaping ito, ang pagpapatawag ng isang pambansang referendum.

Isa po lamang ang tanong sa balota: Payag ka bang malibing si Ginoong Marcos sa LNB?

Ano man po ang maging resulta’t hatol ng bayan ay dapat pong igalang ng lahat. Ayon nga po sa ating Saligang Batas: “Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.”

Kung gayon po, sa oras na umabot na tayo sa pasiya ng bayan, tungkulin na po ng lahat na igalang ito at tumalima rito.

Padayon at mabuhay po kayo!  Rappler.com

Si Jose Mario Dolor de Vega ay may Masterado sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng mga asignatura sa Pilosopiya at Agham-Panlipunan sa Unibersidad de Manila. Siya ang una at dating direktor ng kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan ng naturan ding pamantasan, kursong kauna-unahan sa Pilipinas at sa kasaysayan ng bansa.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>