Simula sa araw na ito, agresibo naming buburahin ang mga bastos at magaspang na posts at comments.
Kailangang ibalik ang kaayusan at respeto sa debate at diskurso. Hindi namin palulusutin ang mga nagmumura, nangmamaliit, nanghihiya, at nananakot ng kapwa.
Kung nais nating lumawig ang demokrasya, hindi dapat bigyan ng puwang ang mga asal na bunga ng kamangmangan at maling impormasyon.
Ang kalayaan sa pananalita ay hindi katumbas ng pagsira sa reputasyon at pagwasak sa kredibilidad ng iba. Hindi rin ito pagpapahintulot na tayo’y maging iresponsable at mapanirang-puri.
Ang kalayaan sa pagpapahayag ay ito: ang pagkilala sa karapatan ng bawat isa na ibahagi ang kanyang naiisip at nararamdaman. Kahit pa ito’y taliwas sa pananaw ng iba, hindi kailangang ipahayag ito sa nakakayamot na paraan.
Muli naming aangkinin ang espasyo ng Rappler bilang matiwasay na lugar para sa netizens. Dito, masasabi ninyo ang inyong saloobin nang walang takot na malapastangan o makuyog.
Nang itinayo namin ang Rappler apat na taon na ang nakakaraan, pinahintulutan namin ang comments sa aming site. Naniwala kami noon – at naniniwala kami hanggang ngayon – na ang social media ay para sa usapan at teknolohiyang makatutulong sa pagpapabuti ng ating lipunan.
Sa Rappler, hindi kayo dapat matirya o mapagtulung-tulungan ng mga pulutong ng commenters na walang mukha at walang pangalan. Bibiguin natin ang layunin nilang patahimikin ang mga hindi nila kapanalig.
Bukas kami sa lahat ng panig at pananaw – basta’t marunong tayong rumespeto sa kapwa na may taliwas na paninindigan. Magiging mas mahigpit kami sa pagsala ng comments. Ito lamang ang paraan para maprotektahan ang payapang espasyong ito. – Rappler.com