Para sa mga police reporter noong huling bahagi ng dekada 80 hanggang dekada 90 – mga panahong sumisibol pa lamang ang ating naibalik na demokrasya – ang salitang "stakeout" ay tunog musikang “rock & roll” sa aming pandinig.
Hudyat kasi ito na may aksiyong magaganap at kinakailangang hindi ka mapag-iwanan sa pagkuha ng detalye sa pagputok ng malaking balita. Kapag na-monitor namin kung ano'ng grupo ng pulis ang mag-o-operate, walang uwian dahil siguradong mag-aabang kami kundi man makabuntot sa mga operating unit.
Nang piliin kong maging isang police reporter, naadik na ako sa pagko-cover sa police beat. Sa pagsusulat ng mga crime story, sa pagbuntot at pagsama sa mga operasyon ng pulis – at ang pinakamahirap pero exciting – ang pakikipag-unahang makakuha ng lead sa mga imbestigador para sa ikalulutas ng isang malaking kaso. Kapag nakakuha kasi ako ng impormasyong mahalaga sa imbestigasyon, agad ko itong ibinabahagi sa officer-on-case kapalit ng kasunduang exclusive lang para sa akin ang pag-break ng balita matapos ang imbestigasyon.
Ito 'yung mga panahong maraming malalaking balita ang nagaganap sa ating bansa – banta ng coup halos tuwing weekend, operasyon para manghuli ng mga rebeldeng sundalo, sunud-sunod na mga bank robbery at kidnapping ng mga negosyante, at pagsiklab ng pulu-pulong kaguluhan sa Mindanao – kaya’t 'di puwedeng maging tutulug-tulog ang isang reporter.
Nagbibigayan din naman kami ng istorya, pero kung may makaka-scoop ay masaya siya at sorry na lang ang iba. Matindi ang iskupan namin noon kaya kanya-kanyang kayod at hanap ng mga source, dahil kapag nalusutan ka ng isang istorya, siguradong sabon at memo ang aabutin mo mula sa mga bosing mong news editor – at ang kadalasang singhal na maririnig mo: “Natutulog ka kasi sa pansitan kaya ka naiiskupan!”
Ito ang dahilan ng pagpili ko sa salitang "stakeout" bilang pamagat ng kolum na ito. Isang pagbabalik-tanaw sa makulay na pamamaraan ng pagkuha namin noon ng mga balita, na ayon na rin sa natitira ko pang mga kaibigang opisyal sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay bihira na nilang mapansing ginagawa ng mga bagong sibol na mamamahayag.
Dala raw marahil ito ng pagsusulputan ng mga makabagong gadget na gamit ng mga mamamahayag sa kanilang pagkuha at pagsulat ng mga istorya. Nababawasan na nga raw ang personal na pakikipag-usap sa kanila ng mga reporter dahil sa paggamit ng text, email, Messenger, at pagtawag sa cellphone. May mga pagkakataon nga raw na matagal na nilang nakakausap ang isang reporter sa cellphone at sa text pero di pa nila ito nakikita ni minsan.
Sabay singit ng komentong: “Sabagay mas ok naman na 'di sila tumatambay dito para walang asungot na gaya mo noon na palaging nakatanghod at nakabuntot sa aming operasyon,” kasunod ito ng malakas na tawanan.
Sa pakiwari ko nga, nang umpisahang ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya niyang lipulin ang salot na ilegal na droga sa buong bansa sa loob ng unang 6 na buwan ng kanyang administrasyon ay bumalik ang dating sigla sa pagkuha ng mga balita sa police beat – sa iba’t ibang istasyon ng mga pulis sa buong Metro Manila at mas lalo na sa Camp Crame, ang tahanan ng mga pambansang operatiba ng PNP gaya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Intelligence Group (IG), Traffic Management Group (TMG), at ang pinaka-kontrabersyal sa ngayon – ang Anti-Illegal Drugs Group (AIDG).
Mga bagong mukha
Nitong mga nakaraang araw, sa pag-iikot ko sa iba’t ibang opisina sa Camp Crame ay nanibago ako sa pakikipag-usap tuwing magpapakilala akong taga-media na naghahanap ng mai-interview hinggil sa istoryang gusto kong talakayin sa aking mga kolum.
Halos karamihan kasi sa mga dati kong kakilala at mga sources ay nagretiro na. Ang mga dating aide, na-promote na at nasa ibang lugar nadestino. Kaya’t mga bagong mukha na ang dinatnan ko, at sa pakiramdam ko nga, hindi sila sanay na binibisita ng reporter.
Pero mukha namang epektibo pa rin 'yung dati kong mga pamamaraan – matiyagang maghintay, magalang, at mababang loob – para makapalagayang-loob ang mga bagong opisyal na ito. Hindi naman ako nagkamali – sa palagay ko pa nga, mas magiging epektibo ang paggamit ko ng lumang paraan na ito sa coverage kapag isasabay ko na rin ang paggamit ng mga makabagong gadget na siya namang laging dala ng mga batang mamamahayag sa kanilang trabaho.
Mantakin ninyo, kapag nakalusot akong makasama sa mga operasyon nila sa ngayon at may bitbit na akong mga gadget na gamit nila, puwede na agad akong mag-live broadcast sa website kahit mag-isa at i-report nang blow by blow ang mga nasasaksihang nagaganap sa lugar kung saan sila may operasyon.
Para sa akin, ang pinakamahalagang magiging accomplishment ng isang reporter sa pagsama sa mga ganitong operasyon – mababawasan ang mga “drawing” na encounter laban sa mga sinasabing suspek na mga adik at tulak ng ilegal na droga dahil may reporter na maaaring magreport ng mga kapalpakan ng mga operatiba.
Kaya’t ang aking hiling sa inyo, samahan ako sa pag-i-stakeout sa pamamagitan ng pagsubaybay sa kolum kong ito. Pero hindi lang kayo dapat magbasa, sa halip ay magbantay na rin gamit ang inyong mga gadget at i-record ang mga insidenteng masasaksihan na maaaring makatulong sa paglutas ng krimen o pagbubulgar sa masasamang gawi ng ilang tiwaling “public servant” na nagkalat sa ating lipunan.
At siyempre pa, kapag nakatiyempo kayong makakuha ng ekslusibong eksena ng isang malaking balita ay agad ninyong i-email sa daveridiano@gmail.com o itawag at i-text sa 0919-558-6950 para agad kong maibahagi sa mga kinauukulan. – Rappler.com
Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid.