Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Nasaan ang iyong kapatid?

$
0
0

Halos 2,000 tao na ang napapatay sa giyera kontra droga. Kamakailan, naglabas ng sulat pastoral tungkol dito si Bishop Pablo Virgilio David, obispo ng Kalookan. Narito ang full text ng kanyang sulat pastoral:

Mga minamahal kong mga kapatid sa pananampalataya sa Diyosesis ng Kalookan at iba pang mga kababayang may mabuting kalooban sa mga lungsod ng Kalookan, Malabon, at Navotas:

Sa nagdaang mga araw at linggo hanggang ngayon, naririnig ko sa aking puso ang alingawngaw ng mga salitang ito mula sa Banal na Kasulatan: "Sumisigaw mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid. Susumpain ka ng lupang tumanggap sa dugo ng kapatid mo mula sa iyong mga kamay. Kapag binungkal mo ang lupa hindi ito magbubunga para sa iyo...Ikaw ay maglalakbay dito sa lupa na parang isang lagalag," wika ng Panginoon kay Cain matapos niyang paslangin ang kapatid niyang si Abel, ayon sa salaysay ng Genesis 4: 10-12.

At dagdag pa ng Genesis 9: 5-6: "Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa-tao...sapagkat ang tao'y nilikhang larawan ng Diyos."

Kaya nga isa sa sampung utos ng Diyos ang "HUWAG KANG PAPATAY." (Exod. 20: 13) Dahil larawan ng Diyos ang tao, anumang makasakit sa tao ay nakasasakit din sa Diyos! "Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa daigdig lubhang ibinigay pa niya ang kaisa-isang Anak Niya...Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya!" (Juan 3: 16-17)

Sapagkat sa kabila ng ating pagiging makasalanan minahal pa rin tayo ng Diyos (Rom 5: 8), hindi niya niloob ang lipulin tayo at parusahan. Sa halip minabuti pa niya ang isuko ang sarili niyang buhay para sa ating katubusan (Filipos 2: 6). Ito ang pinakabatayan ng pag-unawa natin sa misteryo ng habag at malasakit ng Diyos, lalo na sa taóng itó na idineklara ni Papa Francisco bilang Hubileo ng Habag. Wika nga ng Kanyang Kabunyian, Luis Antonio Cardinal Tagle, "Kung tayong mga tao ay gigil na gigil na magparusa, ang Diyos ay mas gigil na gigil magligtas." (BASAHIN: Tagle: 'Hangad ng Diyos ay hindi parusa, kundi kaligtasan')

Ito ang nais kong ipabatid bilang babala sa sinumang masangkot sa kusang pagpaslang ng kapwa-tao. Tanggap natin na may mga pagkakataon na maaaring makapatay ang tao ng kapwa-tao na hindi sinasadya o labag sa kalooban. Halimbawa'y sa mga sitwasyon ng pagtatanggol ng buhay ng iba o ng sarili, o ng bayan. Mapawalan man ng sala ang nakapatay dahil sa isang sitwasyong di-pangkaraniwan, nananatili pa ring mali ang "kusang pagkitil" sa buhay ng kapwa. Hindi kailanman ito magiging tama.

Halos araw-araw na lang ang balita tungkol sa mga taong pinapaslang sa ating mga pamayanan. Nakikita natin sa mga pahayagan at sa telebisyon ang larawan ng mga taong nakahandusay sa kalsada, duguan at wala nang buhay, habang nakatingin lang ang maraming tao, kabilang na ang mga bata. Sa maraming mga sitwasyon, ayon sa mga ulat, ang mga kaso'y may kinalaman sa malawakang kampanya ng ating bagong pamahalaan laban sa kriminalidad na kaugnay sa pangangalakal ng iligal na droga. 

Marami sa kanila ang basta na lang pinaslang nang labas-sa-batas (extrajudicially) ng mga di-kilalang tao (vigilante) dahil di-umano sa salang pagtutulak ng iligal na droga. Nakapangingilabot na pagmasdan kung paanong ang mga bangkay ng mga nasabing biktima ay binabalutan ng "package tape" habang buhay pa, tinataliang parang mga hayop, at sinasabitan sa leeg ng kung ano-anong mga paratang na nakasulat sa karton.

Kahit ipalagay pa nating totoo ang paratang, hindi kailanman tama na ilagay sa sariling kamay ang batas. Maitatama ba ang mali ng isa pang pagkakamali? Masusugpo ba natin ang kriminalidad sa pamamagitan din ng pamamaraang kriminal?

Marami sa mga pinapatay ay mga suspek daw ng paggamit at pagtutulak ng droga na diumano'y armado daw at nanlaban sa umaarestong kapulisan. Oo, nababatid natin ang matinding panganib sa buhay ng ating kapulisan ng pagtugis sa mga kriminal. Subalit hindi sapat na dahilan ito para iligpit na lang basta ang mga suspek lalo na kung ito'y hindi lumalaban o kusang sumusuko na.

Pagtutulak ng droga, 'imoral'

Aminado tayo – at dito sumasang-ayon tayo sa ating bagong presidente – na isang malaking salot sa ating bansa ang kriminalidad at kalakalan sa iligal na droga. Dapat lang na matigil ito at masugpo nang tuluyan dahil ito ay pumapatay at sumisira sa kinabukasan ng marami sa mga kababayan natin. Aminado din tayo na kailangan natin ang isang pamunuan ng pamahalaan at kapulisan na may "political will", hindi kasabwat ng mga kriminal, at may determinasyon sa pagsugpo ng malaking salot na ito na pumipigil sa pag-unlad ng ating bansa.

CONDEMNING KILLINGS. Human rights advocates hold placards condemning extrajudicial killings during a Mass at the Redemptorist Church in Manila on August 10, 2016. Photo by Noel Celis/AFP

Ang gawaing pagpapayaman sa paggawa, pangangalakal, at pagtutulak ng mga drogang katulad ng shabu ay hindi lang iligal; ito'y imoral. Isa itong kasalanang napakatindi ng pinsalang dulot sa mga biktima, sa kanilang mga pamilya, sa ating mga pamayanan at sa buong lipunan. Ang dulot nito'y isang sistematikong pagpatay na may kaakibat na matinding sumpa ng langit sa mga kasangkot sa buktot na gawaing ito. 

Isang mabuting layunin ang sugpuin ang salot na ito. Subalit dapat din nating tandaan na hindi natin makakamit ang isang mabuting layunin sa pamamagitan ng mga masamang pamamaraan. Hindi natin masusugpo ang kriminalidad sa pamamagitan ng simpleng pagpatay sa sinumang paghinalaang kriminal. Paano pa maibabalik ang buhay kung ang napagbintangan ay mapatunayang nadawit lang pala o walang sala ngunit patay na?

Hindi natin maipagtatagumpay ang pag-iral ng batas, kapayapaan at kaayusan sa paraang marahas, labag-sa-batas, hindi makatao at hindi maka-Diyos. Sa halip, pagsumikapan nating sundin at pairalin ang batas sa ating kampanya laban sa iligal na droga. Palakasin natin ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa perwisyong dulot nito, gayundin ang payapang partisipasyon ng taumbayan sa pagsugpo dito. Palakasin natin ang sistema ng katarungan sa ating lipunan. Bigyan natin ng pagkakataon makapagbagong-buhay ang mga kusang-loob nang sumusuko.

Ang pagkagumon sa bawal na gamot ay isang sakit. Ang addict ay dapat ituring bilang biktima, hindi bilang kriminal; maliban lang kung nasangkot na ito sa pagbebenta at pagtutulak ng droga.

Katulad ng Ama sa talinghaga ng alibughang anak (Lukas 15:11-32), salubungin natin ang mga ibig nang magbalik-loob. Iparamdam natin sa kanila na ang simbaha'y bukas, hindi lang para sa mga matuwid at magaling kundi para din sa mga maysakit at naligaw ng landas na nagnanais makabangong muli.

Nananawagan ako sa lahat ng mga parokya at eskwelahan ng diyosesis ng Kalookan. Sa anumang paraang kaya natin, tulungan nating makapagbagong-buhay ang sinumang addict na lumapit sa atin. Batid natin na hindi handa ang pamahalaan na tugunan ang napakaraming biktima ng pagkalulong sa droga na ngayo'y umaamin na at kusang sumusuko. Hindi sapat ang kasalukuyang mga rehab centers; at lalong hindi tamang gawing rehab centers ang mga bilangguan.

Buhayin nating muli ang diwa ng bayanihan; makipagtulungan tayo sa iba't ibang sektor, ahensyang gobyerno at di-gobyerno, at ibang mga kapwa-Kristiyano at kapwa mananampalataya. Tumugon tayo sa abot ng ating makakaya, kahit sa pamamagitan lang ng pagbubuo ng mga "spiritual support groups" o pakikilahok sa mga bibliya-rasal ng mga BEC (basic ecclesial communities) na aalalay at aantabay sa mga nagnanais magbagong-buhay.

Sa mga dating nagtulak ng droga na nagtatago at ibig nang sumuko ngunit natatakot na baka sila saktan o patayin kahit hindi lumalaban, huwag kayong mag-atubiling lumapit sa mga pari at humingi ng tulong upang kayo'y alalayan sa inyong pagsuko sa kapulisan.

Sa mga may kapamilyang nagtutulak o nagbebenta ng iligal na droga, kung batid ninyo na kasangkot ang kaanak ninyo sa kriminal na gawain at wala kayong ginagawa, kayo ay nagkakasala sa Diyos, lalo na kung kayo'y nakikinabang sa kanilang pagbebenta. Napakalaki ng pananagutan ninyo kung hindi kayo gumawa ng anumang paraan para itigil nila ang kanilang kriminal na gawain, o ang mahikayat man lang sila na sumuko sa mga alagad ng batas.

Higit sa lahat, kung ibig nating magkaroon ng panlabas na pagbabago sa ating lipunan, kailangan din nating maging bukas sa isang panloob na pagbabago. Wika nga ng Kasulatan, "Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang; walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang." (Rom 14:17)

Paano tayo bubuo ng isang matibay, maayos, at payapang bansa kung hindi natin malampasan ang pagkamakasarili? Kung hindi natin maisapuso ang pananagutan sa isa't isa? Kung hindi natin maisaloob ang pag-ibig sa bayan at malasakit sa bawat kababayan, lalo na sa mga kapuspalad? Hindi tayo uunlad kung hindi natin tutugunan nang sama-sama ang problema ng karukhaan at korapsyon na pinag-uugatan ng problema ng iligal na droga at kriminalidad. Palakasin natin ang pamilya at mga pamayanan sa antas ng barangay bilang batayang institusyon ng ating bansa.

Nawa'y ang mahal nating Inang si Maria, ang Reyna ng Awa, ang umantig sa ating mga puso upang makita natin sa mukha ng bawat kapwa ang mukha ni Hesukristo, ang Anak ng Diyos na umako sa ating kaparusahan upang tayo ay mapawalang-sala. Amen.– Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>