Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

STAKEOUT: Walang atrasan sa police beat

$
0
0

Mga ilang taon na lamang noong bago bumagsak ang rehimeng Marcos, patuloy na namamayagpag ang tribu naming mga pulis reporter ng dekada 80. Ito ang mga panahong mas matagal pa ang oras na inilalagi namin sa mga presinto kesa sa aming mga sariling tahanan. 

Sa dami kasi ng malalaking balitang pumuputok, lalo na tuwing madaling araw, 'di na namin maipagsapalarang umuwi ng bahay dahil baka malusutan kami ng balita – "maiskupan," sa lenguwahe naming mga mamamahayag.

Nasa rurok ng kasikatan, mga bida 'ika nga, kaming mga police reporter ng mga panahong iyon dahil araw-araw na lang na mga byline namin ang nakikita at nababasa sa mga pahayagan. Martial Law pa rin naman kasi, kaya’t walang masyadong balita hinggil sa pulitika. Ang namamayani ay ang malalaking krimen na palaging banner story ng mga pahayagan, lalo na ng mga tabloid na parang mga kabuteng biglang nagsulputan. 

Kaya’t bantay sarado sa aming mga police reporter ang mga istasyon ng pulis, ang mga kampo, at lalo na 'yung operating units na nag-i-imbestiga sa mga kaso at humuhuli sa mga suspek.  

Pagyayabang pa nga ng isang beteranong police reporter na kasama namin noon: “Harangan man kami ng sibat, lambat, baril, at mga kanyon, susugod kami saan mang delikadong lugar, para lang makuha nang sariwa ang balitang babasahin sa diyaryo, papakinggan sa radyo, at panonoorin sa telebisyon ng sambayanang Pilipino. Ganyan kami katapang – walang atrasan sa pagkuha ng balita.” May karugtong pa 'yan: “Basta huwag lang uulan.”

Biruan lang 'yung takot sa ulan, nguni’t may bahid ng katotohanan. Dala marahil ng kapupuyat, karamihan sa aming mga pulis reporter ay mahina ang resistensiya ng katawan. Kaunting maambunan, agad nagkakasipon, inuubo, at nilalagnat. At ang pinakaayaw namin ay mauwi ito sa trangkaso na magiging dahilan para maratay kami sa kama at mawalay sa trabaho nang maraming araw.

Sakripisyo ang maghabol at magbantay ng malalaking balita lalo pa’t breaking ito at tuluy-tuloy na nagaganap. Nguni’t 'di ito trabahong panlalaki lamang. Maraming mga babaeng police reporter noon at, karamihan sa kanila, mas matatapang – 'ika nga sa ngayon, “mas may balls”– kumpara sa ibang lalaking reporter na madalas “natutulog sa pansitan” kaya’t palaging naiiskupan. 

May babaeng reporter na ayaw naiiskupan kaya’t ginagamit ang  kanyang “charm” sa pagkuha ng impormasyon. Saludo ako. Nakakabilib ang ganitong babaeng reporter na sobrang maparaan.

Gaya minsan nang sitahin ko ang mga barkadang ahente ng noon ay Criminal Investigation Service (CIS) kung paanong nalaman ng isang babaeng reporter 'yung nakabangko kong istorya na iniimbestigahan pa lamang nila. Ang sagot ng team leader: “Pare naman, paano ko iyon itatago sa nagtatanong na napaka-sweet na reporter na kasabay kong mag-dinner?” sabay tawanan ng mga nakarinig na operatiba.

Ganyan ang trabaho naming mga mamamahayag, ang laging nasa isip ay ang balitang kinakailangang maiparating agad sa mga mamamayan kahit na maisakripisyo pa ang sariling kapakanan.

Gaya nang maganap ang makasaysayang EDSA Revolution noong 1986. Sino ang mag-aakalang ang press con na gaganapin noon sa gusali ng Department of National Defense (DND) sa loob ng Camp Aguinaldo ay tatagal ng apat na araw – mula Pebrero 22 hanggang 25 – at walang uwian ang mga reporter dahil sa umpisa na pala iyon ng paglaban sa diktaduryang rehimen ni Marcos?

EDSA at gadgets

Bukod sa 'di lubos maisip ng mga mamamahayag kung ano ang kasasapitan nila kapag lumusob na sa kampo ang mga tangkeng nakaparada di kalayuan sa Camp Aguinaldo – na noo’y hudyat lamang ang hinihintay para bombahin ang kampo – kinakailangang tiisin din nila ang 'di kaaya-ayang pakiramdam ng isang taong apat na araw nang kulang sa tulog, hindi naliligo, hindi makapagpunas at hilamos man lang, hindi makapagsipilyo, at hindi nagpapalit ng damit pang-ibabaw at maging pang-ilalim man. Nguni’t dahil sa debosyon ng mga reporter sa trabahong ito, tiniis nila ang lahat ng hirap maihatid lang ang balita sa mga mamamayan.

Sa loob ng Camp Crame naman ako inabot ng EDSA 1986 Revolution at nagagawa kong maglabas-masok ng kampo dahil kakilala ko ang mga pulis na bantay sa Santolan Gate at EDSA. Kaya’t kung saan man may aksiyon sa loob ng 4 na araw na iyon, siguradong naroon ako, hindi para mag-usyoso kundi para kumuha ng detalye at mga retrato.

Kung uso na sana ang mga gadget ngayon noong EDSA1986 Revolution, siguradong panalo ang lahat ng reporter na nag-cover nito. Word processor pa lang ang silbi ng mga computer noon, wala pang Internet, at di pa uso ang email. At mas lalong wala pa noong cellphone, kaya’t ang aming mga istorya ay itinatawag namin sa telepono.

Tone Beeper pa lamang ang gadget noon na karaniwang gamit ng mga doktor. Wala itong audio at di pa rin digital. Mayroon lang itong dalawang tone – isang mahabang beep at isang maikling beep. Ito lang ang basehan kung sino ang dapat tawagan ng mayhawak nito. Masuwerteng nakamana ako nito mula sa kaibigan kong doktor na nangibang bansa.

Naging malaking tulong ang Tone Beeper na ito sa coverage ko noong EDSA 1986 Revolution. Madali akong makontak ng aking mga editor at agad na pinapatakbo sa mga lugar na nababalitaan nilang may aksyon. Kantiyaw nga sa akin, “balagong” daw ako sa trabaho dahil sa beeper ko, pero iyon naman ang hinding-hindi ko naramdaman dahil nag-e-enjoy ako sa aking ginagawa.

Sa tulong ng mga gadget nila, sa tingin ko ay mas magiging magaang ang pagko-cover ng mga reporter ngayon sa police beat na medyo matagal na ring parang nanahimik. 

Kaya nga tiyempo ang mga reporter ngayon dahil buhay na buhay ang aksiyon sa police beat sa dami ng mga tinatakpan ng diyaryo na mga nakatimbuwang sa mga eskinita, bangketa, at kalsada, magmula nang magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng giyera laban sa mga sindikato ng ilegal na droga sa buong bansa. 

Bakit nga ba hindi magiging maaksyon ang police beat sa panahong ito – mantakin mong sa pinakabagong scorecard ng Philippine National Police (PNP) sa mga operasyon nito laban sa ilegal na droga ay umabot na sa 895 ang mga napapatay na drug pusher at user sa mga lehitimong enkwentro, may 12,920 ang mga naaresto, at 611,753 na ang mga sumuko sa awtoridad? Hindi pa kasama rito ang mahigit sa isang libong mga sinasabing biktima ng extrajudicial killings (EJK).

At ang lahat ng ito ay nangyayari sa kasalukuyan, araw-araw at gabi-gabi, sa buong kapuluan. Ano pa ang hinihintay ninyo? Pasko? Tara na mag-STAKEOUT na tayo! Email: daveridiano@gmail.com. Text or call at 09195586950.  Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles