Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

STAKEOUT: Signature ng IED, sentro ng imbestigasyon sa Davao blast

$
0
0

Sabado ng madaling araw nang mapanood ko sa telebisyon ang balitang may sumabog na bomba sa night market sa Davao City. Mula nang pumutok ang balita, napagkit na ako sa panonood ng telebisyon at pagbabasa sa mga update sa pagsabog sa mga posting sa social media, hanggang sa maging pinal na ang bilang ng mga naging biktima: 14 na ang namatay at 68 ang mga sugatan.

Sa telebisyon, marahil sa sobrang antok, may iba’t ibang imahe ng mga pagsabog din ang aking parang napapanood, halos parang kapareho ng nagaganap sa Davao City nang gabing iyon. Ah…heto na naman ang malikot kong imahinasyon na wari ko’y may gusto na namang ipaalalang mga pangyayaring maaaring maiugnay sa nagaganap sa kasalukuyan.

Bigla itong nagkadetalye – magkakasunod na pagsabog dito sa Metro Manila – mga taong 2000 na tinawag na Rizal Day bombing, at 2005 na tinawag namang Valentine’s Day bombing. (Dalawa sa mga pagsabog noong Pebrero 14 na iyon ay sa Mindanao nangyari at ang huli ay sa Makati.)

Sa mga pagsabog na ito, ang mga salarin ay pawang mga aktibong miyembro ng mga teroristang grupong Jemaah Islamiya at Abu Sayyaf Group (ASG) at ang target na hiyain ay ang mga nakaupong pangulo ng bansa, na noon ay sina Pangulong Joseph “Erap” Estrada (2000) at Gloria Macapagal Arroyo (2005). 

Ang Rizal Day Bombing ay 5 magkakasunod na pagsabog sa Metro Manila na ang pinakamatindi ay ang pagsabog sa LRT1 station sa may Abad Santos at Rizal Avenue, Maynila, na umabot sa 22 ang kabuuang bilang ng mga namatay at halos 90 ang sugatan. Sa Valentine’s Day Bombing umabot sa 8 naman ang namatay at 30 ang sugatan.

Mentang’s signature

Sa bawat pagsabog ay may naiiwang palatandaang kung tawagin ay “signature” o marka kung sino ang gumawa ng bombang sumabog. Sa Davao City, iisang grupo ang itinuturo ng mga palatandaan – ang Improvised Explosive Device (IED) ay may pagkakahawig ang pagkakagawa sa mga bombang ginamit sa Valentine’s Day bombing at Rizal Day bombing.

Sa post-blast investigation na isinagawa ng mga bomb expert sa lugar na pinagsabugan noong Biyernes ng gabi, Setyembre 2, lumilitaw na ang signature ng IED na ginamit ay kahawig ng mga bombang gawa ni Abdul Manap Mentang, isang dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at eksperto sa paggawa ng IED na ang triggering device ay cellular phone.

Si Mentang ay sinasabing pinuno ng isang grupo ng mga bandidong kaalyado ng mga bandidong ASG, at siya rin ang itinuturing na utak sa isa sa 3 pagsabog sa Valentine’s Day Bombing. Naganap ito sa Ecoland bus terminal sa Davao City na ikinamatay ng isang 12-taong gulang na bata noong 2005. 

Hindi ordinaryong terorista si Mentang. Tinitingala siyang miyembro ng MILF-Special Operations Group (SOG), ang grupo ng mga dalubhasa sa paggawa ng mga IED at ang pagtatanim nito sa mga lugar na tinatarget noon ng mga rebeldeng Muslim.

Ang pagiging eksperto niya sa paggawa ng mga IED ay nasubukan nang gamitin niya ang cellphone bilang trigger at mga mortar na 60mm at 81mm na matindi kung sumabog dahil sa dami ng ibinabato nitong shrapnels na kayang bumaon sa matitigas na pader. 

Ang pinangangambahan ng mga operatiba na nakakakilala kay Mentang ay ang pagiging instructor nito sa paggawa ng mga IED. Sa galing niyang magturo ay maraming natuto ng kanyang pamamaraan. Hindi lang mga lokal na terorista ang mga naging istudyante niya, kundi maging mga banyagang ipinadala rito para matutuhan ang estilo sa paggawa ng bomba ng MILF-SOG, na sumikat noon sa hanay ng mga terorista sa buong mundo, bago pa sila tuluyang na-disband.

Nang magkahiwalay-hiwalay ito, hindi na na-monitor ng intel community kung saan-saan napunta ang mga miyembro, nguni’t may mga ilang sumama raw sa bandidong ASG at mga kaalyado nitong grupo gaya nga ng sinaniban ni Mentang.

Puspusan na ang paghahanap ng mga operatiba mula sa militar at pulisya kay Mentang dahil naniniwala silang hindi lamang sa kanya ang signature ng IED na sumabog sa Davao City. Malamang pa nga raw, isa siya sa mga utak ng pagsabog dahil sa kaalyado ng kanyang grupo ang mga ASG na nakabase sa Jolo, Sulu.

May hawak ng larawan ni Mentang si PDDG Ronaldo “Bato” dela Rosa, Philippine National Police (PNP) chief, at inaasahang iuutos niya ang pagsasa-publiko nito sa darating na mga araw para makatulong ang publiko sa paghahanap. May mga artist sketch na rin ang 3 suspek na pumasok sa Spa Parlor at nag-iwan ng backpack na pinaniniwalaang pinaglagyan ng sumabog na bomba.

Kasabay pa rito ang pag-aanunsiyo ni Davao City Mayor Sara Duterte na magkakaloob siya ng P2 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makakatulong upang madakip ang mga suspek sa pagbobomba. (READ: Davao blast: What we know so far)

Disinformation

BLOODY. At least 14 people die while scores are injured after the Davao explosion. All photos by Manman Dejeto/Rappler

Sa mga ganitong pagsabog noon ay palaging may kabikabilang disinformation na pumapasok sa mga text message: mag-ingat sa mga malls, mataong lugar at maging sa mga pampublikong sasakyan – dahil magsasabog daw ng lagim dito sa Metro Manila ang mga rebeldeng Muslim para makaganti sa ginagawang pag-atake sa kanila ng militar at pulis.

Ganito rin ang nangyari rito bago may sumabog sa Davao City noong Biyernes ng gabi – ang daming disinformation. Nagpi-PM, nagte-txt, nag-e-email, at tumatawag para magtanong kung totoo ang kumakalat sa social media tungkol sa bombahang magaganap dito sa Metro Manila at ang target ay ang mga mall. May mga nagsasabi pa ngang ang babala raw ay galing mismo sa kamag-anak ni CPNP “Bato” dela Rosa.

Bigla kong naalala na nag-warning din ang ASG na lulusob sila – ito ay makaraan ang dalawang araw matapos pasukin ng mga militar ang balwarte ng mga bandido sa Sulo noong Agosto 26, 2016. Sa naturang sagupaan 30 ASG at 15 kawal ng pamahalaan ang napatay. Ang warning ng ASG ay nakapaloob sa text na ipinadala sa mga taga-media. Galing daw ito sa tagapagsalita ng mga bandido at nagbabanta na lulusubin din nila ang mga “sundalo ni Duterte” sa September 1, 2016.  

Sa palagay ko hindi mapapalusutan ng mga teroristang ASG ang AFP at PNP, at hindi magaganap ang trahedyang ito sa Davao City, kung nabigyang pansin lamang ng mga intelligence expert ng pamahalaan ang napakahalagang impormasyong ito, na naglabasan din naman sa mga pahayagan at nai-broadcast sa mga radio at telebisyon.

Kadalasang sa mga bantang katulad nito, Metro Manila ang laging target dahil nandito ang “seat of government,” nguni’t sa pagkakataong ito, hindi mahirap isiping dahil sa sobrang galit ng ASG sa Pangulong Rodrigo Duterte, hihiyain nila ito sa ipinagmamalaki nitong “crime-free” ang Davao City at dito sila magsasabog ng lagim – at naganap na nga.  

Sa lahat ng pagbabantang binibitiwan ng mga kaaway ng pamahalaan, palaging ang ipinupukol ay diretsong patama sa militar o mga pulis – nguni’t ngayon ko lang narinig ang pagtukoy sa AFP o PNP na mga “sundalo ni Duterte.”

Ang mga katagang “sundalo ni Duterte” ay tuwirang pagpapakita ng galit nila kay PRRD, kaya’t para sa akin, kung pipili man ng lugar na lulusubin ang mga bandidong ASG, hindi mahirap isiping ito ay maaaring ang Davao City na alam nating lahat na katali na halos ng puso ni PRRD.

Nguni’t sa di maipaliwanag na dahilan ay nakapagtatakang hindi yata ito “nabasa” ng ating mga ekspertong nag-aanalisa ng mga intelligence information. Sa halip, itinuring na lamang nila itong propaganda o diversionary tactics ng mga terorista.

Dito tipong napalusutan sila ng teroristang grupong ito ng ASG kaya’t di na nila namonitor ang planong paglalagay ng bomba sa lugar ng night market sa Davao City.

Dalawang araw matapos ang pagsabog ng bomba sa Davao City, agad inamin ni Abu Rami, tagapagsalita ng ASG na nakabase sa Jolo, Sulu, na kagagawan nila ang pagsabog, at ito ay may mensahe raw na dala para kay PRRD. "'Yun ay pauna lamang, dahil kung titingnan natin ay parang itinarget niya talaga ang Jolo, Sulu, kaya gaya nga ng sinabi namin na itatarget din namin kung saan siya nanggaling," sabi ni Rami. – Rappler.com

 

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid. Email: daveridiano@gmail.com. Call or text him at 09195586950.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>