Eksaktong 20 araw matapos na magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng “giyera” laban sa mga sindikato ng droga sa buong bansa, isang grupo ng mga aktibong pulis na binansagang mga “ninja” mula sa Metro Manila ang sinibak sa kanilang mga puwesto at ipinatapon sa iba’t ibang lalawigan at mga isla sa Mindanao.
Wala ni isa man sa mga pulis na ito ang kasama sa listahang isinapubliko ni PRRD na may mga pangalan ng 5 heneral, local officials, at pulitiko, mga piskal at huwes sa korte na umano’y mga taong may kaugnayan at protektor ng mga sindikato ng ilegal na droga sa Pilipinas.
Nguni’t natatangi naman ang pagbanggit ni PRRD sa grupong ito – na mga pulis daw na nagre-recycle ng kanilang nakukumpiskang mga ebidensiyang droga sa mga nasasakote nilang mga tulak. Kaya nga sa sobrang galit ni PRRD sa mga pulis na ninja, inanunsiyo niya na magbibigay siya ng reward na P2 milyon sa anumang impormasyong makakatulong para mahuli sa akto ang mga scalawag na pulis na ito.
Nagsimulang mabanggit ang grupong Ninja sa imbestigasyon ng isang bagitong police na nahulihan ng mga droga at nakumpiskahan ng cash ng P5-milyong sa kanyang magarbong bahay sa Sampaloc, Maynila. Dito muling pumutok ang grupong “ninja” na sinasabing yumayaman dahil sa pagbebenta nila ng mga nahuhuling ebidensya.
Kung inyong natatandaan, sila rin ang grupong pinagbantaan ni PDG Ronald “Bato” dela Rosa – chief, Philippine National Police (PNP) – na “magbi-birthday sa Nobyembre 2 kapag hindi tumigil at sumuko sa kanilang illegal na mga gawain.” Ang petsang ito ay ang araw nang pag-alala sa mga kaluluwa ng mga yumao.
Ambush
Ito naman ang mahirap arukin kung sinasadya o hindi – ilang araw lamang matapos ideklarang may reward na P2 milyon sa bawat ulo ng mga pulis na ninja, dalawa sa 11 pulis na mga idinistino sa Mindanao ang na-ambush habang papunta sila sa kampo ng PNP Regional Command headquarters ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa Parang, Maguindanao.
Sakay ng van ang mga suspek na nagpaulan ng putok sa dalawang pulis na magka-angkas sa habal-habal na sinasakyan nila. Patay agad sa naturang pag-ambush si SPO4 Marcelo Villagracia Alcancia Jr, samantalang nasa kritikal na kondisiyon naman si PO3 Rolando Tabanao Yulo na kapwa tadtad ng tama ng bala sa katawan.
Hindi lang masyadong nabigyang pansin ang pagputok ng balitang ito dahil natabunan marahil ng mas malaking balita na halos kasunuran lang nitong naganap – ang pagsabog sa Davao City na ikinamatay ng 14 na tao at ikinasugat naman ng halos 70.
Ang tanging update na narinig ko hinggil sa grupong ito ng mga pulis ninja ay “nawawala” na 'yung karamihan sa natitirang 9 dahil sa nagkanikaniyang pulasan at tago na raw sa takot na sila na ang sumunod na ma-ambush at masama sa bilang ng mga tinakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada.
Ang reklamo pa nga raw ng mga ito ay ramdam nilang sadyang inilalantad sila sa “disgrasya” dahil obligado raw silang bumiyahe nang malayo araw-araw, na ang tanging p’wedeng sakyan ay mga habal-habal mula sa kanilang mga inuupahang maliliit na kuwarto hanggang sa PNP regional office para lang magpa-check ng attendance.
Bukod pa raw ito sa pakiramdam nilang sadyang pinahihirapan sila para mapilitang di na mag-report sa duty at makasuhan ng Absent Without Official Leave (AWOL) at tuluyang nang makasama sa mga “Wanted List” at “Order of Battle” ng PNP laban sa mga miyembro at protektor ng mga sindikato ng droga.
Nakakuha ako ng kopya ng isang kalatas na may petsang Hulyo 20, 2016, at may titulong SPECIAL ORDERS NOS. 5795, REASSIGNMENT. Dito ay ipinag-uutos ni CPNP Dela Rosa ang pagre-relieve sa 11 police na ito mula sa kanilang mga assignment sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at ang paglilipat sa kanila sa ARMM.
Hindi ko na babanggitin ang mga pangalan ng 9 pang pulis na ito na kasama sa listahang aking nakuha habang wala pang pormal na kasong isinasampa sa kanila ang PNP, maliban lamang sa intelligence report na nagsasabing mga miyembro sila ng Ninja dahil sa kanilang pagre-recycle ng mga nakumpiska nilang ebidensiya.
Sa aking pagkakaalam ang grupong ito, maliban lamang sa dalawang pangalang medyo pamilyar ako, ay hindi ang orihinal na grupo ng mga pulis na binansagang Ninja dahil karamihan kasi sa mga ito ay nagretiro na at walang balita kung nagpatuloy pa sila sa kanilang mga ilegal na gawain.
Sa ngayon kasi parang naging generic na lang ang katawagang ninja sa mga pulis. Kapag may intelligence report na nagsasabing ang isang pulis ay nagre-recycle ng mga nakumpiska niyang ebidensiya, miyembro na agad siya ng grupong Ninja.
'Ninja' evolution
Iba ito sa alam kong kuwento hinggil sa grupo ng mga pulis ninja na unang sumikat noong kalagitnaan ng dekada '90 dahil sa galing nilang mag-operate laban sa mga sindikato ng ilegal na droga sa Maynila.
Matagal na ring nabaon sa limot ang grupong ito ng mga batang pulis ng Manila Police Department (MPD) na naging bukambibig ng mga kapwa nila nasa serbisyo noong panahong ang district director ng MPD ay si Chief Superintendent Sonny Razon. Sobra kasing malalim magtrabaho ang grupong ito na mga operatiba ng District Anti-Narcotics & Intelligence Division (DAID) kaya’t kinaiingitan ang grupo sa kanilang malalaking accomplishment.
Ang kanilang pakikipaglaban sa sindikato ng ilegal na droga sa Maynila ay walang sinisino at sinasanto. Basta’t may kaugnayan ang suspek sa ilegal na droga, siguradong asunto at kulong agad ang mga ito. Ito ang dahilan kaya sila nabansagan mga ninja – hango sa katawagan ng mga dakilang mandirigmang Hapones na dalubhasa sa lahat ng uri ng pakikipaglaban.
Kapuri-puri sana ang mga accomplishment ng grupong Ninja, pero naging kapansin-pansin din ang biglang pag-angat ng estado ng kanilang pamumuhay. Mamahaling service pistol ang nakikitang nakasukbit sa kanilang mga holster; magagarang sasakyan at bahay; mamahaling alahas; bukod pa rito ang pagkahumaling nila sa mga bisyo: sugal, alak, at babae.
Ang mga karangyaang ito ay kaalinsabay ng pagiging malapit nila sa ilang pulitiko, mga opisyal ng pamahalaan, at mga opisyal ng PNP na nasa matataas na puwesto. Panalo sila sa bata-bata system sa PNP dahil nakapagdidikta na sila sa mga nagiging boss nilang mga kurap na heneral ng pulis at ilang militar.
Dahil dito unti-unting sumingaw ang impormasyong may kinalaman sa mga ilegal nilang gawai, lalo na ang pagre-recycle nila ng mga kumpiskadong ebidensya. Hindi sila halatang mag-recycle ng droga dahil sa palaging kumpleto pa rin naman ang idinedeklara nilang kumpiskadong ebidensiya sa korte. 'Yun nga lang, malaking bahagi ng kanilang mga nakukumpiskang shabu ay pinapalitan nila ng tawas na siyang isinusumite nila bilang ebidensiya. Dahil may kahalo namang totoong shabu ang mga tawas at kakutsaba na rin nila ang ilang laboratory technician ng PNP, nakakalusot silang palagi.
May ready buyer na agad ang grupong Ninja ng mga recycled drugs nila. Ayon sa intelligence report na aking nabasa, isang negosyanteng naging councilwoman sa Maynila – na kung tawagin nila ay si Miss Guia G – ang pumapakyaw sa mababang halaga ng mga recycled na droga ng grupong Ninja, at siya naman ang nagbabalik nito sa mga drug lord na nagtutulak dito sa Metro Manila.
Dahil sa kontrobersiyang ito, pinaghiwahiwalay sila ng bagong pamunuan ng PNP, kaya’t sa pagpasok ng bagong millennium nakakalat na ang grupong Ninja sa iba-ibang distrito ng PNP sa ilalim ng NCRPO. Walang maisampang kaso laban sa kanila dahil wala namang ebidensiya kundi mga intelligence report lang na hindi naman ma-validate.
Dito na nanganak ang grupong Ninja matapos matutuhan ng bagong henerasyon ng mga scalawag na pulis 'yung ilegal na pagre-recycle ng mga drogang nakukumpiska. Karamihan kasi sa mga orihinal na pulis na ninja ay biglang nawala sa eksena – may mga nagretiro na, may mga nasa serbisyo pa nguni’t nanahimik na, at 'yung iba nawala na lang bigla na parang mga bula.
Sa kabila ng walang humpay na kampanya ng administrasyong ito laban sa mga sindikato ng ilegal na droga, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga bagong sibol na mga pulis na ninja – nguni’t sobrang ingat na sila, dahil sumisikip na ang mundong kanilang ginagalawan. – Rappler.com
Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid. Email: daveridiano@gmail.com. Call or text him at 09195586950.