Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Isandaang araw ng angas at poot

$
0
0

Ika-100 araw na ni Rodrigo Duterte bilang pangulo sa Oktubre 7. Sa totoo lang, kasinghaba na ito ng habambuhay para sa maraming Filipino. 

Buong buhay para kay Joseph Escaño, na ang 5 taong gulang na anak na si Danica ay napatay nang pagbabarilin ng armadong kalalakihan ang bahay nila sa latian sa Dagupan. Siya ang pinakabatang namatay sa madugong kampanya ng pamahalaan laban sa droga

Buong buhay para sa sugo ng Estados Unidos, na ngayon ay markado na bilang baklang diplomat. Ang nagbunyag sa kanya? Walang iba kundi ang pangulo ng bansang kilala sana sa pagtanggap nito sa mga kabilang sa tinatawag na ikatlong kasarian.

Buong buhay para kay Leila de Lima, na biglang sumikat – una’y bilang drug queen ng Bilibid; ngayo’y bilang sex video star ng Kamara ng mga Representante. Ang pinakamalaking kasalanan niya: hinukay niya ang mga nakalibing nang krimen ng isang death squad.

Buong buhay para sa mga lingkod-bayan at mga tagapagsalita ng pangulo, na naubos na ang oras sa pagpatay ng mga sunog na gawa ng kanilang puno kaysa pagpapatakbo ng gobyerno.

Wala kaming kinikilingan; kailangan lang sabihin: Ito na ang pinakanakakapagod at nakakalungkot na unang 100 araw ng isang pangulo simula nang mabawi natin ang demokrasya noong 1986.

Nasaang panig ka man, anomang mga bagay ang iyong pinahahalagahan, iniba ni Pangulong Rodrigo Duterte kung paano mag-usap at mag-isip ang bansang ito. Malabo na ngayon kung alin ang tama at alin ang puwede lang palampasin o tiisin. Habang nakapila tayo sa MRT station, nagpapagal para kumita, nagpapalaki ng mga anak, at nangangarap ng magandang kinabukasan para sa kanila, nagsisilbing pampalipas-oras natin ang mga pahayag, balik-tanaw, biro, at halakhak ng Pangulo.

Ni hindi natin maipaliwanag kung bakit para siyang nakakaadik. Bulag ang pagsunod sa kanya ng nakakarami. Namamatay sa sindak sa kanya ang ilan. Nalilito’t naguguluhan sa kanya ang ibang bansa.

Pero ang tiyak ay hindi siya dapat sukatin lang ayon sa mga satsat niya (o eksaherasyon, kung tatanggapin natin ang sinasabi ng mga tapagapaliwanag niya).

Halimbawa, habang binabakbakan niya si De Lima noong Agosto 17, naghahanda naman ang pamahalaan at ang komunistang New People’s Army para sa makasaysayang miting kung saan napagkasunduan ang tigil-putukan. Nabuhay ang pag-asa ng lahat na maaari nang matapos ang pinakamatagal na rebelyon sa Asya.

Totoo, nasa tamang lugar ang puso ni Duterte: galit ito sa droga, isinusulong nito ang sabay-sabay na pag-unlad sa pamamagitan ng pederalismo, ayaw nito ng karangyaan, marami pa. 

Nakaupo sa Gabinete niya ang mga tapat na lingkod ng bayan, tahimik na nagtatrabaho, bumubuo ng maiinam na programa para maiahon ang mahihirap, inilalaan lamang ang mga ibinabayad nating buwis para sa mga serbisyong talagang kailangan ng taumbayan, pinabibilis ang proseso sa mga ahensiya.

Ang alam namin, sa mga miting sa kanyang mga opisyal, nakikinig ang Pangulo. Sumasandig siya sa mga taong alam ang kanilang ginagawa. Walang paghahambog; walang paglilintaya.

Pero hindi ito ang nakikita ng publiko.

Ang magagandang nagaganap ay natatabunan ng ingay na sinisimulan din naman ng Pangulo. Ang tinig ng kapayapaan ay natatalo ng mga umuusok niyang tirada. Nauuwi sa wala ang pinaghihirapan ng pamahalaan dahil sa mapaglapastangang pananalita at mali-maling drug list ng pinakamakapangyarihang tao sa bansa.

Nitong nakaraang 100 araw, matiyaga, bagaman tahimik, na ginawa ng mga lingkod ng bayan ang kanilang tungkulin. 

Nitong nakaraang 100 araw, inagaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansin mula sa mga nagpapakahirap sa gobyerno.

Hindi ito makatarungan para sa mga lingkod-bayan. Hindi rin para sa mga botanteng naniwala sa kanya kaysa iba. Hindi para sa bansang tinitingala na sana sa Asya. 

Sumisikad ang bansa, puno ng pag-asa, handang magpakitang-gilas. Ito ang direksiyong dapat pangunahan ng Pangulo. Tigilan na niya ang kanyang mga sumpong, mga birong wala sa lugar, mga pahaging na banta, at kadalasan ay ligaw na kuwento ng nakaraan.

Simulan na niya ang pamamahala. Hindi sa ibang araw pa. Ngayon na. – Rappler.com

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>