Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

STAKEOUT: Police operation, noon at ngayon

$
0
0

 Naipangako ko sa aking sarili na susubukan kong muling makasama sa mga operasyon ng pulis, kaya't pagpasok pa lamang ng buwan ng Oktubre, sinikap kong makapag-stakeout sa ilang presinto sa Metro Manila. Ito'y upang maranasan ko kung papaano nila isinasagawa ito ngayon kumpara sa mga nasamahan ko noong dekada 80, noong ako'y isang nabatos na police reporter pa lamang.

Nakapag-stakeout naman ako nang halos 5 araw rin at may mga natuklasan akong mga pagkakaiba ng trabahong pulis noon at sa ngayon. Hirap ako sa umpisa kasi wala akong kakilala at 'di rin nila ako kilala. Wala rin akong press ID na maipakita kasi isinauli kong lahat sa kumpanya noong ako ay mag-retiro na. Pakiramdam ko nga ngayon ay isa akong dakilang "hao siao" na police reporter.

Nakakita ako ng paraan – binitbit ko ang isang isyu ng tabloid na may labas ng kolum ko na may litrato pa, sabay lapit, pakita at sabi ng ganito sa sarhento-de-mesa ng isang istasyon ng pulis sa Cubao: "Retiradong reporter ako pero kolumnista sa tabloid na ito at gusto kong magsulat ng tungkol sa operasyon ng pulis. Sino puwede kong maka-kuwentuhan?"

Hindi sagot ang aking nakuha. Iniharap niya agad ako sa kanyang hepe, na tsamba namang namumukhaan ko at medyo kilala niya rin ako. Dati pala siyang tauhan ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na kinoberan ko noon sa Camp Crame.

Suwerte talaga kasi dalawang magkasunod na malalaking balita ang pumutok at pinayagan niya akong mag-stakeout sa pag-follow-up ng mga bata niya sa mga kaso. Maginoo, mabait at 'di madamot sa impormasyon ang hepeng ito ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 – na si Superintendent Rolando Balasabas. Tipong istrikto at napuna kong 'di tumatanggap ng negatibong sagot sa mga inuutusan niyang tauhan. 

Murder at droga

Ang dalawang kasong sinubaybayan ko – ang murder ng isang traffic enforcer sa isang mataong lugar sa Cubao noong Setyembre 30 at ang pagkakasakote nila sa pusher na school bus drayber ng isang ekslusibong paaralan sa Antipolo City.

Si Ernesto Paras Jr, 41, enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay namatay matapos barilin ng drayber ng Honda Civic na tinanggalan niya ng plaka dahil ilegal na nakaparada sa may Ermin Garcia Street sa Cubao. Tumakas ang suspek at naaresto agad sa loob lamang ng 3 araw na operasyong tinutukan. Mismong ang suspek na si Geronimo Berdin Iquin, alias Jhun, isang mekaniko na tubong Tuguegarao, Cagayan ay nasurpresa sa bilis ng pagkakahuli sa kanya gayung ginawa niya ang lahat para mailigaw ang mga pulis na bumubuntot sa kanya.

ARRESTED. Suspect Geronimo Iquin was nabbed by police. All photos courtesy of author

Ako rin ay nabilisan sa pagkakalutas sa kasong ito na inumpisahang imbestigahan mula sa mga pinagtagni-tagning impormasyong galing sa mga kaanak ng suspek, mga naka-trabaho nito, sa lugar mismo na pinangyarihan ng krimen, ang video ng closed circuit television (CCTV) camera na nakapalibot sa lugar, at ang impormasyon kaya nakilala agad ang suspek – na ang mismong nakakuha ay si Superintendent Balasabas na mas nauna pang dumating sa lugar kaysa sa kanyang mga imbestigador.

Nagsimula ang mala-tagpo sa pelikulang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek – umpisa sa Antipolo, papuntang San Miguel, Bulacan, sa Nueva Ecija, Santiago, Isabela, hanggang sa Tuguegarao at Aparri sa lalawigan ng Cagayan sa dulong norte ng Luzon. Sa tulong din ng mga pulis sa dinaanan mga lugar, unti-unting lumiit ang mundo ng suspek na si alias Jhun, hanggang sa tuluyan siyang masakote sa tinutuluyang Dreamland Hotel sa Aparri – siyempre pa, sa tulong ito ng Global Positioning System (GPS) ng kanilang mga cellphone.

Halos katatapos pa lamang ma-solve ng mga pulis ang kasong ito, ay pumasok naman ang isang impormasyon hinggil sa isang school bus operator / drayber na umano'y isang adik at tulak pa ng shabu na kinakailangang i-operate agad bago pa ito makatunog na target na siya ng "Oplan Double Barrel" ng PNP.

Isang magdamagang pag-stakeout lang ang ikinasa ng mga operatiba ng QCPD Station 7 na pinangunahan ni Senior Inspector Ramon Aquiatan Jr, ay huli agad si Allan Monico Ganotan, 49, ng 95 Harvard Street, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City. Natimbog siya sa kanyang bahay na mistulang "bahay tiangge" para sa shabu na kanyang itinutulak. Nakumpiska ng mga pulis ang mga naka-paketeng hinihinalang shabu at mga abubot sa paggamit ng mga ilegal na droga, gaya ng tooter, timbangan, straw, at sari-saring lighter.

Si Ganotan ang may-ari at nagmamaneho sa mini-van na ginagamit niyang school bus para sa isang eksklusibong paaralan sa may Antipolo City – at karamihan sa kanyang hatid-sundong mga estudyante ay nasa elementary at high school.

Napamura pa nga ako nang makita kong may nakuhang mga sachet ng shabu sa loob ng school bus. Nakatatakot kasing isiping ang ating mga anak at apo ay naipagkakatiwala natin sa kamay ng ganitong uring drayber. Napansin ko agad na karamihan sa kasama sa operasyon ay masama ang tingin kay Ganotan. Pinakikiramdaman ko tuloy ang mga operatiba na baka may lumibang sa akin at biglang marinig ko na lang na nang-agaw ng baril ang suspek – nguni't wala namang gano'ng nangyari. Idineretso siya agad sa istasyon para imbestigahan, ikulong, at sampahan ng kaso sa piskalya kinabukasan.

EVIDENCE. Drugs were found in a school bus driven by Allan Monico Ganotan.

Ito ang kainaman ng may sumasamang taga-media sa operasyon ng mga pulis – mas malamang lagi na walang natutumba at tinatakpan ng diyaryo sa mga kalsada at bangketa.

Utak vs gadget

Sa halos limang araw na pag-stakeout ko – nakita ko ang malaking bentahe ng mga operatiba sa ngayon kumpara noong dekada 80 at 90. Sobra-sobra kasi ang kagamitang teknikal ngayon na malaking tulong sa imbestigasyon at operasyon – mula sa pagkuha ng impormasyon, pagpapadala ng mga ebidensiyang dokumento hanggang kung saan pupuntahan ang huhulihing suspek.

Gamit na gamit sa operasyong ganito ang smartphone, tablet, laptop, mini-video cam, at GPS ng mga operatiba. Kumpara noon, na ang naaalala kong bitbit ng mga operatiba bukod sa kanilang mga baril ay ang mga pupugak-pugak na VHF transceiver, na ala-tsamba pa ang paghanap ng puwesto para malinaw na makausap ang kumander nila na nagko-coordinate sa kanilang operasyon. Ang pamilyar na mensaheng "You're coming in 5 x 5 over" ay isang indikasyon na maaari nang pasimulan ang operasyon dahil may malinaw nang linya ng pakikipagtalastasan sa headquarters.   

Nguni't sa ngayon masasabing palaging hands on na ang mga hepe sa operasyon ng kanyang mga tauhan, dahil text at group chat lang ang katapat nito. Maging ang mga impormasyon ng mga tipster at asset sa text message na rin ipinapadala. Mantakin mo naman, ang mga mensahe ngayon may kasama pang mga larawan at video ng operasyon, kaya't ilang minuto lang, ang kailangang dokumento, gaya ng kopya ng warrant of arrest ay madaling maipapadala sa operating team kahit nasaang lupalop pa sila nagpa-follow-up. Oh 'di ba astig?

Sa isang banda, hindi ko pa rin basta na lang maipagpapalit 'yung mga klasikong pamamaraan ng pag-iimbestiga noon ng mga pulis. Hanggang sa ngayon nga ay 'di ko pa rin mapigil na mapapalakpak kapag naaalala ang kakaibang pamamaraan ng mga imbestigador noon.

Ang gadget nila noon ay ang malilikot nilang utak – gaya ng isang kasong murder na natatandaang kong nahuli agad ang pumatay dahil sa naiwang bakas ng sapatos sa sahig, kung saan naganap ang krimen. Suot pa rin kasi ng suspek 'yung gamit niyang sapatos nang siya ay imbitahan para tanungin. Ang bakas ng sapatos niya ay positibong nag-match doon sa nakuha sa crime scene kaya't di na siya nakapagkaila. Ang natutunan ko rito – bihira raw magpalit ng sapatos ang kahit na sino sa atin, lalo pa't bago ito, siguradong laging ito ang suot mo, kaya't ang isang kriminal na nag-iwan ng bakas ng sapatos niya ay para na ring nag-iwan ng fingerprint niya sa crime scene.

Wala pa kasing CCTV noon kaya't dapat matalas ang mata at pang-amoy ng mga operatiba sa paligid para makalutas ng krimen – ganito nalutas ang kaso ng pinatay na labor leader noong si Tita Cory pa ang ating pangulo – natukoy agad ang utak ng krimen dahil sa dugong kumapit sa seatbelt ng kanyang kotseng ginamit sa pagdukot at pagpatay sa labor leader. Naamoy kasi ng imbestigador 'yung lansa raw ng natuyong dugo sa loob ng kotse, kaya't dinala niya ang seatbelt sa crime laboratory sa Camp Crame at lumabas sa eksaminasyon na dugo ng labor leader 'yung nasa seatbelt ng kotse ng suspek na noon ay nasa isang talyer.

Isang hinahangaan ko namang magaling na imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang tinaguriang premier investigating arm ng PNP, ang sobra kung manghawakan sa tinatawag niyang "gut feeling" – marami raw kasi siyang nalutas na kaso dahil sa pagsunod niya sa kanyang "intuition" kapag siya'y nag-iimbestiga.

Nguni't sa totoo lang, ang galing niya sa "backtrack-investigation" ang pamatay niya sa paglutas ng mga kontrobersiyal na kasong hinawakan niya – halimbawa rito ang pagkakalutas niya sa kaso ng dalawang Hapones na pinatay at ibinaon sa gilid ng isang palaisdaan sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang klasiko rito ay kung paano niya natagpuan ang lugar na ipinaglibingan sa mga biktimang Hapones batay lamang sa pinagtagni-tagning impormasyon mula sa kuwento ng mga taong huling nakausap at nakasama ng mga biktima at mga suspek sa kaso. Tiyaga at dedikasyon niya bilang imbestigador ang kapuri-puri sa trabahong niyang ito.

Pahimakas – sa tingin ko lang, kapag ang mga pulis sa ngayon, na magaling sa paggamit ng mga matatalinong gadget, ay mamanahin naman ang mga klasikong pamamaraan sa pag-iimbestiga ng mga pulis noon, nasisiguro ko na ang pinagsamang sentido komon at gadgets ay magiging mabisa sa larangan ng imbestigasyon laban sa anumang kasong kriminal.– Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid. Email: daveridiano@gmail.com. Call or text him at 09195586950.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>