Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

INC rally sa DOJ at EDSA: Ito ba ang kaisahang itinuturo ng Bibliya?

$
0
0

UNITY. INC members continue to occupy EDSA-Megamall on National Heroes Day, in the morning of their 5th day of protest.  File photo by Pat Nabong/Rappler

Nasaksihan ng madla ang pinanawagan ng Sanggunian na “malaking” pagkilos ng Iglesia ni Cristo noong Agosto 27-Setyembre 1, 2015, sa isinagawang rally sa harap ng DOJ at sa EDSA upang iparinig sa gobyerno at sa mga mamayan ang nagkakaisa raw nilang paninindigan. Napapaniwala nila ang mga sumama sa rally na ang isinagawa nila ay pakikiisa sa Ama at sa Kanyang Anak na si Hesukristo. Subali't ito ba ang “kaisahan” na itinuturo ng Bibliya na pakikiisa sa Ama at sa Anak?

Kung babalikan ang kasaysayan, mapagtatanto na hindi sa isang iglap lamang natamo ng Iglesia ang katatagan ng pagkakaisa nito. Ito ay bunga ng matiyagang pagtuturo ng Sugo ng mga salita ng Diyos at ng mabisang pamamahala niya sa buong Iglesia. Nang siya ay papagpahingahin ng Diyos, sinundan lang ng kapatid na Eraño G. Manalo, ang humaliling Tagpamahalang Pangkalahatan, ang mabuting halimbawa na iniwan ng Sugo sa pamamahala kaya patuloy na nasinop ang Iglesia, napanatiling buo at matatag na nagkakaisa.

Itinulad ng Panginoong Hesukristo ang Iglesia sa isang matibay na gusali o bahay na nakatayo sa ibabaw ng matibay na pundasyon: “Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, nguni’t hindi nagiba sapagka’t nakatayo sa ibabaw ng bato” (Mateo 7:24-25 Magandang Balita).

Ang ikatatatag ng gusali o bahay na ang tinutukoy ay ang Iglesia, ay nakasalig sa patuloy na pagsunod sa mga aral ng Diyos (Efeso 2:22). Kaya naging matatag ang Iglesia sa panahon ng pamamahala ng kapatid na Felix Y. Manalo at ng kapatid na Eraño G. Manalo ay sapagka’t buong ingat nila at ng kanilang mga tapat na katuwang na sinunod at ipinatupad ang lahat ng mga aral ng Diyos sa ikapananatili ng pagkakaisa nito. May pinagdaanan ding mga pagsubok ang kaisahan ng Iglesia noon subali't napanatili itong matatag.  

 Ang pagkakaisa ng Iglesia ay matibay na nakasalig sa aral ng Diyos na nakasulat sa Bibliya: “Masdan ninyo, na pagkabuti at pagkaligaya sa mga magkakapatid na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!” (Awit 133:1).

Kaya ang mga magkakapatid sa Iglesia ni Cristo ang inaasahan ng Diyos na magtataguyod ng aral ukol sa pagkakaisa. Banal ang pagkakaisa ng Iglesia sapagka’t pagtupad ito sa utos na mula sa Diyos. Kaya ang lahat ng pagkakaisahan sa Iglesia ay dapat masang-ayon sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Bibliya upang maingatan at mapanatili ang pakikisama o pakikiisa sa Ama at sa Panginoong Hesukristo.

Anu-ano ba ang kanilang isinagawa sa naturang rally? Una, hinikayat nila ang mga kapatid na makiisa at sumama sapagka’t iyon daw ay paghahayag ng paninindigan para ipagtanggol ang kapakanan at karapatan ng Iglesia.

Pinapaniwala nila ang mga kapatid na naging biased o unfair ang gobyerno sa pagharap sa kasong isinampa ni kapatid na Isaias T. Samson Jr laban sa 8 miyembro ng Sanggunian. Pinapaniwala nila ang mga nag-rally na special treatment ang ibinigay ni Secretary de Lima kay kapatid na Samson dahil siya raw mismo ang nag-asikaso ng kaso nang ihain sa DOJ at hindi na raw idinaan sa proseso. Mas inuna pa raw ni Secretary de Lima na harapin ang kasong inihain ni kapatid na Samson kaysa sa mas naunang kaso ng pagpatay sa 44 na miyembro ng SAF.

PROTEST. Despite the heavy downpour, INC members continue their program in front of the DOJ on the second day of their vigil. File photo by Alecs Ongcal/Rappler

Ikalawa, pinapaniwala nila ang mga kapatid na nakikialam o nanghihimasok ang gobyerno sa affairs ng Iglesia dahil internal lang o pang-Iglesia lang daw ang usapin kaugnay ng kasong isinampa, kaya ipinanawagan nila sa gobyerno na igalang ang  batas ukol sa  “separation of Church and state.” Kaugnay nito ay hiningi nila na hayaang ang Iglesia ang lumutas sa usaping ito.  

Ikatlo, inimbita at pinagsalita nila sa rally ang mga taong kilalang kritiko ng kasalukuyang pamahalaan tulad nila Pastor “Boy” Saycon, Gng Margarita “Tingting” Cojuangco, etc.  Ikaapat, nanawagan sila sa kapulisan at militar na makiisa at sumama na sa kanila.  

Ikalima, dahil sa nadala nila sa kalsada ang may 20,000 tao ay nagresulta ang kanilang pagkilos sa pagsasara ng mga kalsada, malalang trapiko, pagkabalam ng trabaho kapuwa pampubliko at pribado, pagkalugi ng mga apektadong negosyo, ingay na nakaabala sa mga apektadong paaralan at maging sa pagamutan, at kalat ng basura at dumi sa kapaligiran.

Sa maikling salita ay naging pahirap at abala ang naturang kaisahan sa mga mamamayan kaya maraming negatibong komentaryo ang narinig pagkatapos nito. Ikaanim, hinarass ang isang cameraman dahil sa diumano’y hindi patas na pagbabalita ng istasyon. Marami pang iba, subali't ang mga ito na lamang ang minabuti sa akdang ito na banggitin at gamiting batayan sa pagsusuri.

VIGIL. INC supporters gather in front of the EDSA Shrine during a vigil on August 28, 2015.

Pakikialam o panghihimasok bang maituturing ang ginawa ng DOJ nang tanggapin ang kasong isinampa ni kapatid na Samson laban sa Sanggunian na nagdetine sa kanila ng kanyang pamilya sa kanilang bahay (serious illegal detention)? Hindi ba kapwa aral ng Bibliya ang pagkakaisa ng Iglesia at ang pagpapasakop sa gobyerno? Itinuro ng Panginoong Hesukristo na “…Ibigay kay Cesar ang sa kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos” (Mateo 22:21)?  

Paano maibibigay ng Iglesia ni Cristo kay Cesar ang para kay Cesar? Itinuro ni Apostol Pedro na, “Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan: sa Emperador, ang pinakamataas na kapangyarihan; at sa mga gobernador na sugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng matuwid (I Pedro 2:13-14 Magandang Balita). 

Ang isinugo ng Diyos at binigyan ng karapatang magparusa sa mga gumagawa ng masama ay ang gobyerno. Sila ang awtoridad upang magsuri o mag-imbestiga kung may naging paglabag o wala, at kung may dapat panagutan sa batas o wala ang sinumang inakusahan o isinakdal. Ang pananagutan ng Iglesia ay ang pagtitiwalag sa kasamahan o kaanib na gumawa ng masama (ICorinto 5:13). Kaya nga may usapin o kaso ngayon dahil humigit sa nararapat ang disiplinang ipinataw ng Sanggunian kay kapatid na Samson at sa kanyang pamilya.

Hindi inakala ng mga nasasakdal na hahantong sa serious illegal detention ang ipinataw nilang “house arrest” sa sambahayan ni kapatid na Samson. Hindi nila nabantayan ang kanilang aksyon, kaya marapat lamang na harapin nila ang kasong isinampa laban sa kanila.

Pakikialam o panghihimasok bang maituturing sa internal affairs ng Iglesia ang ginawa ng DOJ nang tanggapin ang demanda ni kapatid na Samson? Hindi ba’t itiniwalag na ng Sanggunian si kapatid na Samson noon pang Hulyo 25, 2015 samantalang ang kaso ay isinampa niya noon lamang Agosto 25, 2015?

Internal affair pa bang maituturing iyon na ang nagsampa ng kaso ay tiwalag na sa Iglesia? Naipaalam kaya sa mga kapatid na nag-rally na ang Sanggunian ang unang nagsampa ng kaso laban kay kapatid na Samson pagkatapos na siya’y itiwalag? Na ito ay nai-file na sa fiscalia ng Quezon City noon pang Hulyo 27, 2015 sa kasong libelo?

LIBEL COMPLAINT. Expelled Iglesia ni Cristo minister Isaias Samson Jr appears before a Quezon City court for the preliminary investigation on the libel complaint against him. Photo by Katerina Francisco/Rappler

Ang sabi nga ni kapatid na Jun Samson sa isang interview sa kanya ay, “Bakit  noong  ang Sanggunian ang nagsampa ng kaso ay hindi nila in-invoke ang "separation of Church and state" at ngayong sila ang sinampahan ko ng kaso, ang turing nila ay nakikialam na ang gobyerno?”

Wala man lamang bang nakapagpayo sa mga miyembro ng Sanggunian sa marapat nilang gawin? Bakit isinangkot pa ng Sanggunian ang mga kapatid na nag-rally nang labagin nila ang utos ng Diyos na ibigay sa gobyerno ang para sa gobyerno?

Tila hindi na mabigyan ng Sanggunian ng distinction kung alin ang para sa Diyos (o sa Iglesia) at kung alin ang para sa gobyerno? Talaga namang may distinction ang Church at state, kung ang pag-uusapan ay ang saklaw ng kapangyarihan o ng pananagutan ng dalawang institusyon. Pero sa isyung pinag-uusapan na may naging paglabag ang Sanggunian sa karapatang pantao ng pamilya ni kapatid na Samson, labag sa Bibliya ang panawagan ng Iglesia na huwag manghimasok ang gobyerno sa usapin.

Hindi naibibigay kay Cesar ang para kay Cesar na aral ng Diyos, sa ginagawa ng Sanggunian na hadlangan ang imbestigasyon sa kaso. Isang bagay pa, kung idinaan ba ni kapatid na Samson ang paghahain ng kaso sa sinasabi nilang proseso, halimbawa’y idinulog ang usapin sa pulisya, o kaya ay sa fiscalia, ituturing ba nila iyon na pakikialam ng gobyerno sa internal affairs ng Iglesia? May rally kayang ipananawagan?

Kung ang kapakanan at karapatan ng Iglesia ang talagang ipinakikipaglaban kaya nag-rally, bakit pati ang mga kritiko ng pamahalaan ay kanilang inimbita at pinapagsalita? Bakit nanawagan din ang mga tagapagsalita sa kapulisan at mga nasa militar (mga tao rin ng pamahalaan) na lumabas at makipagkaisa sa kilusan nila? Hindi ba’t ang paglalagay at pag-aalis ng mga namiminuno sa gobyerno ay dapat masang-ayon din sa itinuturo ng Bibliya?

Bilang mamamayan ang karapatan ng bawa't isa ay bumoto bilang pagpapasakop sa gobyerno. Sa kabilang dako ay gagawin naman ang pagboto na may pagkakaisa bilang mga kaanib sa Iglesia? Muli, sa aksyong ito ng Sanggunian ay nahayag na hindi nila nabigyan ng distinction kung alin ang pang-Iglesia at alin ang hindi. Kung alin ang sakop ng kapangyarihan nila at ang hindi.     

Sang-ayon ba sa Bibliya na samantalang ipinakikipaglaban ang kapakanan at karapatan ng Iglesia ay ipagwalang-halaga naman ang kapakanan at karapatan ng ibang mga mamamayan? Hindi ba’t maraming mamamayan ang naperhuwisyo ng pagkilos na ito at may mga nasaktan pa nga? Utos ng Diyos na igalang ang lahat ng mga tao (I Pedro 2:17).

Nasunod ba ng mga nag-rally at ng mga tagapanguna nila ang utos ng Diyos na ito? Naging mapayapa ba ang rally gaya ng ipinangalandakan at ipinagbunyi nila? Nasaksihan ng buong sambayanan ang talagang nangyari kaya hindi ito maikakaila, ni mapagtatakpan.

Hindi ba’t maraming mamamayang napinsala ng pagkilos na ito, kaya maraming nagalit mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan? Ang Diyos pa kaya ang hindi nagalit? Hindi Siya nalulugod sa kaguluhan (I Corinto 14:33 Magandang Balita).

Isinasaad din sa Bibliya na ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan (I Corinto 14:33). Kaya, pag-aangkin na lang ang ginawa ng Sanggunian at ng mga nanguna sa rally sa pagsasabi na pakikiisa sa Ama at sa Anak ang kanilang isinagawa. Sila-sila na lang ang nagkaisa sa pagkilos na iyon at walang kinalaman ang Ama at ang Anak.

Kung may pagkasi ng Diyos ang “kaisahan” nilang iyon, ipinaisip sana sa kanila na isagawa ang pagkilos sa dako na walang mapeperhuwisyo at wala ring magagalit na sinuman. Inialok naman sa kanila ni Mayor Herbert Bautista ang Quezon Memorial Circle, hindi nga lang nila tinanggap. Pero kung ayaw nila roon, puwede naman sana sa Luneta, ihihingi lang nila ng permit, o kaya naman ay sa Philippine Arena, na pag-aari ng Iglesia. Kung bakit sa kalsada pa rin nila isinagawa ang pagra-rally gayong mayroon namang ibang opsiyon, sila ang nakakaalam ng kanilang talagang agenda.

Ibang-iba na ang diwa ng pagkakaisa ng Iglesia ngayon sa pagkakaisa ng Iglesia na itinuro ng Sugo. Salamat sa Diyos sapagka't mulat na ang maraming kapatid ngayon sa talagang nangyayari sa Iglesia, kaya nga halos 20,000 lamang ang sumama sa rally at ang nakararami ay hindi sumama sa kabila ng paulit-ulit at halos may pamimilit na pananawagan sa kanila.

Nasaan na iyong daan-daang libo o isang milyong tao na inasahang dumagsa sa EDSA? Kulang pa ba ang halos 5 araw na paghihintay para makapagtipon ng inaasahang bilang ng mga taong dadalo? Nasaan na ang tunay na diwa ng banal na pagkakaisa sa Iglesia? Hindi ito dapat salaulain ninuman, kahit pa ng mga humahawak ng kapangyarihan sa Iglesia.

Ang pagkakaisa sa Iglesia ay aral ng Diyos at hindi aral lamang ng tao, kaya dapat maging palasuri ang bawa't kaanib, lalo na ang mga ministro’t manggagawa at mga maytungkulin kung ang ipinatutupad ngayon ay aral o utos pa ng Diyos o aral at utos na lang ng tao.

Kaawaan nawa ng Ama at ng Panginoong Hesukristo na mabalik sa dating kabanalan at kalinisan ang Iglesia maging ang pagkakaisa nito! – Rappler.com

Brother Joven Sepillo Sr has served the Iglesia Church for almost 20 years as an ordained minister. He is one of the ministers expelled by the Sanggunian. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>