Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Napansin n'yo ba si Joven Hernando sa 'Heneral Luna?'

$
0
0

Magtatrabaho na sana ako, kaya lang hindi ko na kayang patagalin pang hindi isulat lahat ng nakuha ko mula sa pelikulang Heneral Luna ni Jerrold Tarog. Sa mga nakapanood na, malamang alam ninyo ang pakiramdam. Sana pareho tayo ng nararamdaman.

Una sa lahat, ang galing. Hindi ako isang batikang kritiko ng pelikula. Gusto ko lang sanang itanong sa inyo kung napansin ninyo rin ang napansin ko: bukod sa katapangan at kabayanihan ni Heneral Antonio Luna, alam kong napansin ninyo rin ang kabaluktutan ng pulitika natin noon pa man. 

Siguro may ilan sa inyo na nagsabing, "Matagal na pala tayong ganito?" o kaya naman, "Kaya pala ganito gobyerno natin ngayon eh!” May namumunong walang sariling desisyon, may mga maimpluwensyang kapitalista, may mga walang ginagawa, at may mga umiiyak na kinakawawa daw sila.

Ang bagong henerasyon

BAGONG HENERASYON. Si Joven Hernando, isang inimbentong karakter, ay maaaring sumisimbulo sa bagong henerasyon ng mga Pilipino. Photo from the Heneral Luna Facebook page

Pero napansin ninyo ba si Joven Hernando (Arron Villaflor)? Isa siya sa mga ginawang tauhan sa kwento, parang tagapagsalaysay. Hindi ko alam kung napansin ninyo ang bigat at laki ng karakter niya sa kwento.

Sa gitna ng pelikula kung saan nabaril si Joven sa kamay at tenga, at matapos makita ang reaksyon ni Heneral Luna, napatanong ako kung bakit ganoon na lang kahalaga sa kanya na maprotektahan ang batang ito. Mayroon pang solong kuha si Joven nang itinataas siya ng mga mediko. Bukod dito, sa huling bahagi ng pelikula ay ipinakitang binibigkas ng heneral ang tulang isinulat niya, at sa huli ay makikitang si Joven na ang nagbibigkas nito.

Para sa akin, ito ang pinakamakapangyarihang bahagi ng pelikula.

Baka hindi naman talaga sinasadya ng manunulat, pero sa tingin ko, ang karakter ni Joven ay kumakatawan sa bagong henerasyon. Ang bagong henerasyon na kailangang pangalagaan at protektahan. Ang bagong henerasyon na kailangang makinig at umaksyon. Ang bagong henerasyon ng mga Pilipino na nangangailangang matutunan ang kasaysayan upang malaman kung ano ang totoo at dapat ipaglaban.

Marami ang nalulungkot sa kabaluktutan ng sistema at pag-iisip ng mga namumuno noon. Mabigat sa puso ang isipin na trinatraydor ng Pilipino ang kapwa Pilipino. Mahirap hanapan ng solusyon, maging ang pinakamagaling na heneral ay muntik nang sumuko. 

Mas madaling sumuko. Pero sana napansin ninyo rin ang isa pang bagay. Ang pag-asa.

Sa kabila ng kadilimang bumabalot sa kwento, ipinakita sa huli na si Joven ang nagtapos ng tula ng heneral. Nakita niya ang layunin ng bayani. Higit sa lahat, makikita mo sa kanyang mga mata at maririnig sa kanyang pananalita ang isang malakas na determinasyong ipagpatuloy ang misyon ng mga nauna sa kanya. 

O baka sa akin lang iyon. Pero sana, makuha ninyo rin. Sana makita natin na tayo ang bagong henerasyon, at ang pelikulang ito ay isang paraan lang upang malaman natin ang kasaysayan na nagbubuklod sa ating lahat. 

Kailangan tayo ngayon, mga bagong Pilipino. At hindi lang sa pamamagitan ng digmaan maipaglalaban ang bayan. — Rappler.com

Kimberly Ante is an aspiring scientist, a poet wannabe, and an all-around curious person. Kim is a recent BS Biology graduate from The University of the Philippines Los Banos." Visit her blog here.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>