“Buhay para sa buhay na inutang.” “An eye for an eye”.
“Karma.” “Makatarungang paghihiganti.”
“Death penalty is retribution for victims – Rep Frendenil Castro.”
“Kailangan ng ‘deterent’ o panakot sa mga sa kriminal.”
“God is for death penalty– Senator Manny Pacquaio.”
Ito ang mga argumento sa panunumbalik ng hatol na kamatayan.
Ang pinakamatalas na argumento laban sa pagbabalik ng death penalty ay ito: depektibo at kurapt ang sistema ng hustisyang pangkrimen sa bansa.
Tumambad ang bagong panukala sa panahong kakaiba ang timpla ang Pinoy. Ito'y sa panahong 'di pa nakakaahon sa 7,080 bangkay ng gyera laban sa droga ang taumbayan. Tila manhid na sa patayan ang mamamayan. Pinapalakpakan ngayon ang isang kampanyang kumitil sa libo-libong buhay.
Kung aminado ang pamunuan na nangongotong at nangingidnap ang ilang alagad ng batas – na ayon nga kay Senador Panfilo Lacson ay pinayagang gawin “practically anything” – ano ang panangga ng mamayanan sa abuso, pangongotong at “frame-up” ng kurapt na pulis patola?
Ayon kay Albay Representative Edcel Lagman: Kurapt na pulis + bayarang piskal + inutil o kurapt na alagad ng korte = baluktot na hustisya. Ano pa ang sasaklap sa makulong at mabitay nang walang sala?
Narito ang datos.
Ayon sa Supreme Court sa desisyon nito sa People v Mateo in 2004: sa loob ng 11 taon mula Hunyo 1993 hanggang Hunyo 2004, 907 sa of 1,493 kaso na nirebisa ng High Court, napagtibay lamang ang hatol na kamatayan sa 230 kaso o 25.36%.
Sabi ni La Salle University Law School Dean Jose Manuel Diokno, sa unang pagkakataon, natuklasan na 71.77% ng mga desisyon ng Regional Trial Courts ay mali. Nangangahulugang 7 sa 10 sa "death row" ay "wrongfully convicted.”
Anti-poor ang death penalty, ayon kay Lagman. Ang nahahatulan ng bitay ay ang mga pobreng nasasakdal na walang pambayad sa dekalibreng abugado. Ang mga nahahatulan ay ang mga walang koneksyon; isang kahig-isang tukang mamamayan.
Kung ano man, manganganak lamang ang death penalty ng mas pilipit na sistemang hustisya.
Ano na ang laban ni Juan kay James Bond Parak na sanay isantabi ang "due process"? Anong panlaban natin sa isang sistemang hindi na “innocent until proven guilty” kundi “guilty until otherwise proven?”
Ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez, “Kung ang nasa harapan mo ay si Satanas na mismo, oh my God! Bigyan mo naman ang gobyerno ng option para patayin na 'yan. Satanas na 'yan ah!”
Ito ang makitid na argumentong walang lugar sa lipunang nag-iisip at nangangalaga sa karapatang pantao.
Ayon sa ma iskolar ng sistemang panghustisya, sapat na ‘deterent’ o pang-udlot ng krimen ang katiyakan na mapaparusan ka kapag nilabag mo ang batas. Hindi kailangan ng lethal injection, silya elektrika o lubid. Kailangan lamang walang sablay na pagpapatupad ng kaparusahan, ano man ito.
Ayon kay Capiz Representative Fredenil Castro, “isang paulit-ulit at taimtim na pagsusuri at paghalukay ng budhi” ang kanyang isinagawa. Nauwi ang “soul-searching” n’ya sa konklusyon na dapat bitayin ang mga “salot na kriminal”.
Hindi lamang si Castro ang nahaharap sa salamin ng kasaysayan. Tayong mga Pilipino ay nasa sangandaan. Huwag nating pairalin ang pagkamuhi at kitid ng pang-unawa.
Dagdag pa ni Diokno, “pawang kontra-mahirap ang extrajudicial killings at judicial killings.”
Malalim ang mga salitang binitawan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle. “Nagiilusyon ang sugatan nating lipunan na kailangang kumitil ng buhay upang ipagtanggol ito.”
Nais natin ng makatao at patas na pamayanan – 'yung di ka pababayaan dahil ika’y mahirap. Walang puwang sa ating lipunan ang hatol kamatayan, tulad na rin na wala dapat puwang ang "culture of impunity" sa ating mga puso. – Rappler.com