Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

STAKEOUT: Sino si Wally Sombero?

$
0
0

Habang isinusulat ko ito ay nakasalang si Wally Sombero sa Senado, sinasagot at sinasalag ang mga tanong na ibinabato ng mga senador kaugnay ng kasong inihain niya sa Ombudsman noong Disyembre 15, 2016.

Pinaparatangan niya sina Bureau of Immigration associate commissioners Al Argosino at Michael Robles ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act). Tumanggap umano ng P50 milyong ang dalawang opisyal mula sa kampo ni Jack Lam, ang negosyanteng Tsinong binansagang “Online Gaming Magnate” at may-ari ng Fontana Leisure Park sa San Fernando, Pampanga. Aniya, nangikil ang dalawang opisyal para palayain ang may 1,800 na mga ilegal na manggagawang Tsino sa Fontana.

Nagsasabi ba si Wally ng totoo? Bakit malakas ng loob niyang bumangga sa pader? Ganito ba siya talaga katapang? Baka naman marami lang siyang koneksiyon sa loob at labas ng pamahalaan? O baka naman naipit lang siya at pilit na lumulusot para mailigtas ang sarili?

Sa aking palagay, makakatulong na masagot natin ang mga katanungang ito kapag nakilala na nating lubusang kung sino si Wenceslao “Wally” Sombero.

Batang Crame

Patapos na ang dekada '80 nang makilala ko si Wally, ang pinakakontrabersyal na retiradong pulis sa ngayon. Ang natatandaan ko, laking Camp Crame siya, nakatira sa may likuran lang ng kampo, na noon ay munting village ng mga miyembro ng Philippine Constabulary (PC). Isa siyang kawal na may mababang ranggo sa Army bago naging isang kabo sa PC-Integrated National Police (INP) na siyang katumbas ngayon ng Philippine National Police (PNP).

Nakilala ko siya nang makasama ako sa mga operasyon ng noon ay Criminal Investigation Service (CIS), na ngayon ay mas kilala na bilang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na nilipatan niya noong 1987. Nakasama si Wally sa mga hinahangaan at nirerespeto kong matitinik na operatibang gumiba sa halos 20 grupo ng mga holdaper ng bangko na namayagpag at naging sakit sa ulo ng pamunuan ng PC-INP na pinangungunahan noon ni General Ramon Montaño.

Tuwing matatapos ang kanilang operasyon, madalas ko siyang nakakakuwentuhan sa lilim ng punong mangga – ang piping saksi sa lahat ng confidential na kuwentuhan ng mga operatiba hinggil sa mga tinatrabaho ng CIS – sa may tagiliran ng gusali ng CIS-National Capital Region (NCR). Matapang at buo ang loob ni Wally. Ilang beses ko itong nakita at nasubukan sa mga na-neutralize nilang syndicated crime groups na mga naiko-cover ko nang ekslusibo noong ako’y police reporter pa sa People’s Journal at hanggang sa lumipat ako sa Philippine Daily Inquirer.

Napilitan silang isama ako sa mga lakad dahil hindi rin naman nila ako mapigil sa pagbuntot sa kanilang mga itinatagong operasyon. Kapag ako ay kasama, kinakailan kong kumilos na parang isang na ring operatiba, kaya’t may mga pagkakataong nakiki-surveillance na rin akong parang isang “ahente” at nakaka-buddy ko pa ang mga operatiba. Dito ko nakakasama si Wally – kapalit naman ito ng mga ekslusibong detalye kapag natapos na ang operasyon.

Nakatulong nang malaki sa mabilis niyang promotion sa serbisyo ang mga “meritorious accomplishment” ng kanyang grupo sa CIS-NCR, na sa aking palagay ay “cream of the crop” ng lahat ng mga operatibang nakatalaga sa Camp Crame. Kaya’t nagulat ako nang malaman kong umalis si Wally sa NCR at naka-detail na pala siya sa isang dating congressman na tumakbong presidente ngunit natalo.

Police captain na siya noon. Naging usap-usapan sa lilim ng punong mangga ang paglipat niyang ito na nakumpirma ko rin naman sa kanya. May mga pagkakataon din kasing nagkakabungguan kami sa Camp Crame at sandaling nagkukuwentuhan. Hindi ko lubos na maintindihan kung ano talaga ang ginagawa niya, basta ang malinaw lang sa sinasabi niya ay “nakalubog” siya at mga taong masa ang lagi niyang kahalubilo.

(Dekada '90 – Enero 29, 1991, ang eksaktong petsa – nang naging sibilyan ang PC-INP at tuluyang nahiwalay sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Naging PNP na ito, samantalang ang CIS ay naging CIDG naman, at nagkaroon ng maraming mga pagbabago sa operasyon ng mga pulis dahil sa bagong liderato ng buong PNP. Naging “civilian” in nature na ang buong PNP kaya’t pati ang kanilang mga ranggo ay pinalitan ng angkop sa kanilang mga estado. Si Director General Cesar Nazareno ang huling PC-INP chief at unang naging PNP chief din.)

Business deal

HOT SEAT. Wally Sombero arrives at the Senate on February 16 to attend a Senate probe. Photo by Joseph Vidal/PRIB

Nabalitaan kong na-promote si Wally hanggang chief inspector (major) sa PNP, ngunit di nagtagal ay nabigla ako nang malaman kong umalis na siya sa serbisyo at nangibang bansa nang matalo sa eleksiyon ang naging boss niyang congressman. Doon na raw ito nagtatrabaho at hahanapin ang kanyang suwerte.

Hindi nagtagal, ang usap-usapan naman ng mga kaibigan niya sa kampo ay nakatiba raw si Wally sa isang malaking “business deal” na kanyang ipinag-ahente, at ito ang naging baon niya at ginamit na puhunan sa negosyang itinayo niya sa Amerika. Nag-aral din siya at nagpakadalubhasa sa matagal na niyang ng gustong matutuhan – ang “number games” na tulad ng Poker.

Medyo nagtagal siya sa ibang bansa. Paminsan-minsan, nagkakabalitaan kami sa pamamagitan ng cellular phone na unti-unti pa lamang na sumisikat noon. Hindi niya direktahang kinukumpirma 'yung mga balita tungkol sa kanya. Ang tanging nabibigyan niya ng malinaw na sagot ay ang pagiging bihasa niya sa larangan ng Poker at pagkakaroon ng respetadong pangalan sa larong ito, na ayon sa kanya ay magiging pamosong laro rin ito sa Pilipinas, dahil ipakikilala niya ito sa mga “number gamers.” Inamin niya sa ilang pag-uusap namin na malaki rin ang kinikita niya sa paglalaro ng Poker, at sa pakiramdam ko iyon gusto niyang isipin ng mga dati niyang kasamahan sa Camp Crame na source ng kanyang kinikita ng mga panahong iyon.

Di naman nagtagal ay pumalaot na rin ang pangalan ni Wally sa larangan ng Poker. Nakakasama na siya at nananalo sa mga international competition, na naging tulay sa pagkakaroon niya ng mga kaibigang sikat sa larangan naman ng iba pang sports, gaya nina Senator Manny Pacquiao at Ilocos Sur Governor Chavit Singson.

Ito na ang naging dahilan ng madalas na pagbabalikbayan niya, pagbisita sa mga kaibigan niya sa Camp Crame, pakikipagbalitaan, at ang unti-unting pagnanais niyang makabalik sa serbisyong pansamantala lang naman daw niyang iniwan. At dumating ang panahong ito – nang manalo bilang pangulo si Joseph “Erap” Estrada noong 1998 at gawin niyang PNP chief ang ngayon ay senador nang si Panfilo Lacson.

Kuratong Baleleng

Malaki ang papel ni Wally sa pagkaka-dismiss ng pamosong kaso ng Kuratong Baleleng na matagal ding naging tinik sa lalamunan ng noo’y PNP chief Lacson. At sa palagay ko ay ito rin ang nagbigay-daan upang makabalik si Wally sa serbisyo at makakuha ng linya sa administrasyon ni Pangulong Estrada at magamit ang kanyang nakatagong kaalaman sa “number games” na ipinagkatiwala naman sa kanya, katuwang ang isa pang “number games” genius na si Charlie “Atong” Ang.

Ang kaso ito ay tungkol sa sinasabing pagkaka-salvage sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Mayo 18, 1995, sa grupo ng mga notorious na magnanakaw ng bangko. Umano’y nang-holdap sila ng isang money changer na may dalang $3 milyon malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Naaresto ang mga ito sa kanilang safehouse sa Parañaque, dinala sa Camp Crame nang madaling araw, at napabalita nang napatay ang 9 na Kuratong Baleleng at 3 sinasabing mga “pugo” (mga suspek na tumbahin at nakatago sa safehouse). Nakipagbarilan daw ang mga ito sa mga operatiba ng Traffic Management Group.

Tatlong matitinik na imbestigador ng CIDG-NCR – si Eduardo delos Reyes at ang magkapatid na Corazon at Rene dela Cruz – ang umalma sa “drama” at nagsibaligtad. Nagbigay sila ng mga statement na “salvage” ang naganap sa Commonwealth Avenue at hindi isang “police encounter” gaya ng mga naging press release ng PNP noong mga panahong iyon. Kinumpirma naman ito ng isang news correspondent ng isang tabloid, si Mandy Capili, isinama ng CIDG para magkuha ng retrato ng operasyon nang hindi alam ng TMG. Maging si Capili ay napatahimik matapos na bigyan ng sarili niyang jeep na pamasada ng kampo ni Lacson.

Matapos makapag-isyu ng kanikaniyang affidavit ang 3 imbestigador ng CIDG-NCR, biglang nagpulasan ang mga ito, kanikaniyang tago hanggang sa ibang bansa. Naging sakit ito sa ulo ni Lacson hanggang maging pangulo na si Estrada at gawin niyang PNP chief si Lacson. Dito na pumasok si Wally.

Hinanap niya ang mga dati niyang kasamahan sa CIDG-NCR, isa-isang kinausap at kinumbinsing magsumite ng Affidavit of Desistance. Sarili niyang diskarte, walang hininging tulong pinansiyal mula sa kampo ni Lacson, sarili niyang bulsa ang binutas hanggang makumbinsi niya ang pinakahuli at matinding testigo – si Delos Reyes na nagtatago sa Vancouver, Canada. Kung ano mang pamamaraan ang kanyang ginawa ay siya lamang ang nakakaalam. Basta ang pinaninindigan niya, hindi siya humingi ng kahit singko sentimos kay Lacson kapalit ng “paggapang sa mga testigo” na ginawa niya.

Kuwento niya sa akin, nagulat daw si Lacson nang iabot niya rito ang affidavit of desistance ni Delos Reyes at tinanong daw siya kung ano ang maigaganti niya. Wala raw siyang hiningi maliban sa pagsasabing “magaling na choice para sa CIDG post ang kanyang kaibigang si Atty Luke Managuelod” na noo’y isa rin naman sa mga pinagpipilian para sa sensitibong posisyon ng CIDG.

Makalipas ang ilang araw, umupo si Managuelod bilang director ng CIDG at di rin nagtagal, nakabalik sa serbisyo si Wally at hinawakan ang isang Special Task Force ng CIDG – na ang pangunahing gawain ay sugpuin ang illegal gambling.

Ang dating mahiyain at mailap sa mga taga-media na si Wally ay unti-unting nakilala, nagkaroon ng mga dumadalaw na kaibigang reporter at kolumnista at di nagtagal naging “darling of the press” na yata siya. Madalas siyang mag-imbita ng goodtime sa mga ekslusibong club sa Quezon Avenue na pag-aari ng mga naging kaibigan niyang negosyante – na karamihan ay mga Poker player din na kagaya niya – pagkaupo niya sa special task force ng CIDG.

Habang tumatagal siya sa puwesto sa CIDG ay lumalawak ang kanyang kaalaman at koneksiyon sa “numbers game” kaya’t di kataka-takang ang mga pinaghirapan niyang matutuhan hinggil sa “numbers game” sa ibang bansa ay nagamit niya rito. Napansin siya ng grupo ni Pangulong Estrada at pinagtiwalaang humawak at magpalakas ng kanilang negosyong may kaugnayan sa “numbers game.” Dito niya inilabas ang ideya niyang Bingo 2-Balls na siyang dapat na ipalit sa ilegal na jueteng para kumita nang legal ang pamahalaan.

34-inch waist line

Nang maglabas si Lacson ng kautusang dapat ay physically fit ang mga pulis, kaya’t dapat na maging 34 inches lamang ang sukat ng beywang ng mga ito, isa sa tinamaan si Wally. Dati na kasi siyang may katabaan at alam ko ring matagal na siyang naka-Pacemaker dahil sa problema niya sa puso, kaya’t hindi siya maaaring sumama sa mga exercises na ginagawa ng 3 beses isang linggo ng mga pulis sa loob ng Camp Crame.

Kaya sa halip na lumapit at makiusap kay Lacson, mas minabuti pa niyang magretiro na lamang at lumabas na sa serbisyo para magpakadalubhasa na lamang sa kanyang “first love” – ang “numbers game” – na siya ring dahilan kaya’t nasa sentro na naman ulit siya ngayon ng kontrobersiya.

Dito na siya nag-fulltime sa pamamahala ng BW Company ng mga kaibigan ni Pangulong Estrada na sinasabi niyang ibinangon niya mula sa pagkalugi. Madalas din siyang mag-organisa ng mga international poker competition dito sa bansa, paminsan-minsan ay sinasalihan din niya.

Nahilig din siyang magsulat, at ang ilang likha niyang studies hinggil sa “numbers game” ay naging basehan ng ilang investigative writer sa kanilang mga isinulat na special report tungkol sa illegal gambling. Makailang ulit na rin siyang nahilingang magsulat ng special report tungkol sa kalagayan ng “illegal gambling” sa bansa sa ilang pahayagan base sa mga pag-aaral niya sa bagay na ito.

Isang makata

Ang isa pang hindi ko alam sa kanya na kamakailan ko lang natuklasan ay ang pagiging mahilig pala niyang tumula. Habang isinusulat ko nga ito ay namonitor ko sa TV na pinagagalitan siya ni Senator Richard Gordon dahil sa tila wala sa kumpas na biglang pagbasa nito sa isa niyang isinulat na tula habang sumasagot sa tanong ni Senator Risa Hontiveros.

Palagay ko ang gusto niyang basahin ay ang nilalaman din ng email na ipinadala niya sa akin noong siya ay nasa abroad, at ideneklarang “wanted” ng mga awtoridad dito dahil sa hindi niya pagsipot sa mga imbitasyon sa hearing sa Senado. Aniya, nagpasiya siyang bumalik nang mabasa niyang muli sa kanyang tab ang isang bahagi ng tulang kanyang isinulat noong bago matapos ang termino ng administrasyong Arroyo – hinggil sa isang taong lulutang para isalba sa problema ang ating bansa.

Medyo naintriga ako kaya’t binalikan ko ang naka-attach na tula sa kanyang email sa akin. Ang pamagat nito ay “Ang Liham,” at narito ang bahaging sa palagay ko ay tinutukoy niya at gustong basahin sa hearing:

VIII
Hindi naman lahat patuloy na magkakalat,
may sisibol ding Alamat lalaban sa alat.
Likas man na maagos mga asin sa dagat,
magpapasyang kumilos sa paraan n’yang dapat.


IX
Pinilit kong tumayo, pinilit kong lumaban,
sa gitna ng panahon na aking ginalawan.
Katunggaling higante galit sa kinabukasan,
karapatan ng anak madiing tinapakan.

Iyan si Wally, at ito ang pagkakakilala ko sa kanya. Kung mababasa ninyo lang ang halos 200 pahinang “affidavit of complaint” na inihain niya sa Ombudsman laban sa dalawang opisyal ng BI na inakusahan niya nang pangingikil, makikita ninyo ang takbo ng kanyang isipan – mula sa umpisa pa lang ng kanilang pag-uusap hanggang sa matapos – bilang isang bihasang operatiba at imbestigador. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>