Sukdulang nakababahala ang mga kaso nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at President Rodrigo Duterte laban kay Senator Leila de Lima. Babuyan na ang sistema ng hustisya sa Pilipinas ngayon.
Simple lang naman ang kuwento. Ayon sa mga mga drug lord at kidnapper sa Bilibid, humingi raw si Senator De Lima ng pera sa kanila. Kaya, ang bahagi ng kinita nila sa pagbebenta ng ilegal na gamot mula sa loob ng kulungan ay ipinadala nila sa kanya.
Maliban sa mga presong ito na pinabuyaan ng kung ano-anong pribilehiyo – habang ang mga ayaw tumestigo laban kay Senator De Lima ay sinaksak sa loob ng kulungan – walang ibang ebidensyang mailabas ang administrasyong Duterte. Wala itong ibang patibay sa mga salita ng mga kilalang sinungaling.
Kagalang-galang na talaga ang hustisya sa Pilipinas. Ang salita ng kidnapper ay ebidensya na ngayon. Habang pinapatay ang mga pinagsusupetsahan lamang na adik at small-time pusher, sinasanto na natin ang salita ng mga drug lord.
Nakapagtataka pa, kahit magpantasya tayo na humingi at tumanggap nga si Senator De Lima ng pera mula sa mga ito, kelan siya naging drug queen? May ebidensya ba na sinabi niyang “Magbenta kayo ng bawal na gamot”? Kung ganoon, bakit ang isang testigo ay kidnap-for-ransom king at hindi drug lord? Sinabi kaya ni De Lima, na noon ay justice secretary, na “Magbenta kayo ng gamot at mangidnap”? Kung ganoon, nasaan ang testigo man lamang na nagsabing iyan ang iniutos niya? Wala po. Wala. Gagawa lang ng drama ang gobyerno, kulang-kulang pa ang rekado.
Halatang ang tunay na dahilan kung bakit ipinagpipilitan ng Department of Justice (DOJ) na ilegal na droga ang ikaso ay De Lima ay dahil naghahanap sila ng lusot para diretso sa korte ang kaso. Kung idaraan kasi ito sa Ombudsman, na tiyak na may integrided pa, ay itatapon nito ang kaso sa imburnal.
Maaaring gumawa ng iba pang kuwento laban kay Senator De Lima. Baka naman ang sinabi niya noong panahon niya sa DOJ ay “Mag-gardening kayo sa Bilibid, mag-handicraft kayo, gumawa ng tocino, ibenta ninyo ang mga produkto at gamitin sa sariling kapakanan”? Tapos, sa kagandahang loob, ay nagpadala ang mga preso ng kontribusyon sa kanyang kampanya. Bigyan lamang ako ng pera, kapangyarihan, at masunurin na pulis ay maraming nasa Bilibid ang tetestigo na ito nga ang nangyari.
Ngunit hindi gagawa ang kampo ni Senator De Lima ng kuwento. Hindi ganyan ang pagkakakilala sa kanya ng taumbayan. Kaya malugod na tinanggap ng taumbayan ang kanyang panunungkulan sa Commission on Human Rights, bilang secretary ng DOJ. Kaya inihalal siya bilang senador. Sa pagkakaalam namin, ang naasar lang sa kanya ay ang mga akusado ng korupsyon katulad ni Janet Napoles at dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo.
Tunay na patayan
Sigurado rin ako na hindi kuwento-kuwento lamang ang pagpaslang ng higit sa 7,000 na mahihirap na wala man lamang paglilitis. Hindi kuwento ang pagkamatay ng mga inosentong bata, OFW na babalik na sana sa abroad, boyfriend na tumulong lamang sa pamilya ng nobya, suspect na nagmamakaawa na. Hindi kuwento lang ang pangungulila ng libo-libong pamilya. Hindi kuwento ang takot at kawalan ng tiwala sa isa’t isa na umiiral ngayon sa mga komunidad ng mahihirap. (BASAHIN ang "Impunity" series ng Rappler tungkol sa drug war ng administrasyong Duterte)
Higit sa lahat, hindi kuwento lamang na naasar sa kanya si President Duterte dahil nagkamali siyang punahin ito at panindigan ang karapatan ng mga walang kapangyarihan at walang-awang pinaslang.
Walang kokontra
Mababa ang tingin ni Duterte sa kababaihan. Simula pa ito sa kampanya nang ginawa niyang katawa-tawa ang pagpaslang at panggagahasa. Nagtuloy sa sexual harassment niya sa bise presidente ng Pilipinas na hindi man niya kayang bigyan ng kaunting paggalang. Nagtuloy sa bawat mura na naririnig natin laban sa mga ina. At, higit sa lahat, pinuruhan si Senator De Lima ng kung anong-anong pagbabanta at pambabastos. Nagtataka ba tayo na sa social media ngayon, laganap ang pagbabanta ng rape sa mga sumasalungat sa administrasyon? Sinunusunod lang naman ng mga anak niya ang estilo ni Tatay Digong.
Simple lang naman ang mensahe ng administrasyon: gagawin namin ang gusto namin. Ituturing namin na bayani si Marcos, pakakawalan ang mga kurakot at mga big drug lords (Arroyo, Napoles, Peter Lim), at papatayin nang walang awa ang kung sino ang natitipuhan namin. Kapag kumontra kayo, sisirain namin ang buhay niyo. Kung babae kang kumontra, pati pagkababae mo ay aapakan namin.
Hinintay ni Senator De Lima na makita ang kaso laban sa kanya. Hinintay ko rin. Sa grabeng kabulastugan ng kasong ito, ang masasabi ko ay tuloy lamang ang pambabastos na ginagawa ng gobyernong ito.
Sabagay, hindi ako nagulat. Kaming matagal nang ipinaglalaban ang kapakanan ng kababaihan, alam namin na ang taong walang galang sa babae ay taong walang pagmamahal sa kapwa, sa iba pang maliliit na tao, sa batas, at sa demokrasya. – Rappler.com