Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Ang problema sa pagdepensa sa jejemon

$
0
0

Sawang-sawa na ako sa mga nagsasabing elitista ang gustuhing maging maayos ang pagbaybay at gramatika ng social media posts at iba pang lathalain. Ayon sa mga ito, wala raw karapatan ang mga “mayayamang nakapag-aral” na husgahan ang mga “jejemon.” Haluan pa ito ng pulitika, at para nang demonyo ang mga humihiling ng tamang pagbaybay at gramatika: "Dilawan! Pinagtatawanan ang mga pro-Digong!"

Linawin natin. Walang masama sa jeje na paraan ng pagsusulat na madalas ay ginagamit sa text. Bahagi 'yan ng malikhaing paggamit ng wika. Ngunit kapag oras nang makipag-ugnayan sa ibang paraan, dapat may kapasidad din ang bawat mamamayan na gumamit ng tamang baybay at gramatika. Ito kasi ang kaibahan ng mga sapat ang edukasyon sa mga pinagkaitan nito: ang mga nakapag-aral ay marunong gumamit ng wika ng akademya, gobyerno, sining, agham.

Hindi ko tuloy malaman kung kanino ako higit na maiinis: sa mga mali-mali nga ang pagbaybay at gramatika pero proud pa sila, o 'yung mga magaling naman magsulat pero dinedepensahan ang kamalian ng iba. 

Simulan natin sa simpleng katotohanan: kapag nagbabasa ang isang tao ng mga lathalain na nagpapalawak at nagpapalalim ng kasisipan, tiyak na gagaling siya sa pagsasalita at pagsusulat.  Totoo rin ang kabaliktaran: habang hindi tayo marunong magbasa at magsulat nang maayos, magiging biktima tayo ng pekeng balita, mga baluktot na pagsususuri, at madali tayong maniniwala sa manloloko.

Kaya 'yang mga mahusay naman sa spelling and grammar pero ipinagtatanggol ang mga “jeje” bilang umano'y pruweba na ang masa ay nagsasalita na – p'wede ba? Hindi naman sila para sa masa. Ang gusto nila’y manatili sa iilan ang pribilehiyo ng kagalingang magsalita at magsulat. Huwag po tayong makikinig sa mga pekeng makamasa. Hangad po nila ang tuluyang paghihirap ng karamihan. Ayaw po nila na tayo ay mag-isip, matututong mag-isip, at magkaroon ng kakayanan na humanap ng impormasyon para sa sarili.

Huwag lahatin ang masa

Marami sa mga mahirap ay maayos magsalita at magsulat kapag kailangan na.

May kasamahan ako sa isa kong NGO na maralitang tagalunsod. Nang una ko siyang makilala, magaling na siyang magsalita ng Tagalog kahit hindi ito ang wikang kinamulatan niya. Di nagtagal at siya ay nagle-lecture sa mga klinika namin tungkol sa kalusugan ng kababaihan. Ang ilan sa mga lathalain namin ay siya na rin ang sumulat. Siyempre pa, pagaling siya nang pagaling.

Ngunit nitong taon, bigla na lang nakipag-usap siya sa Ingles sa isa naming foreign partner. Sabi ng foreign partner, “What happened since I came last year?” Sagot ng kasamahan ko, “There are other foreign partners now.”

Sa madaling salita, dahil dumadami na ang kailangang kausapin ng Ingles, sumubok na rin siyang mag-Ingles. Hinihintay ko na lang na magsulat na rin siya sa Ingles. At kapag ginawa niya iyon, makakaasa siya sa matindi at komprehensibong editing, dahil mahal ko siya.

Middle class guilt

At kung mayroon mang nagtatanggol sa mga mali-maling pagbaybay at gramatika, at sinserong naiinis sa pagpapahiya ng mga sosyalera sa mga hindi nagtamasa ng kalidad ng edukasyon, heto ang para sa inyo: “middle class guilt.”

Naalala ko 'yung kumpare kong nagturo sa akin kung gaano kapeke ang mga taong nagtataglay ng tinatawag niyang “middle class guilt.” Ang epekto nito, aniya, ay ang pagkunsinti sa mali ng mahihirap. Sabi niya sa akin tungkol sa isang empleyado ko na hindi ko makuhang sisantehin dahil nagi-guilty nga ako: “Galing akong mahirap. Ang magulang ko, nagsimula sa isang empleyado. 'Yung unang empleyadong iyon, sinesante namin nung ayaw pumasok nang tama. Kami kasi araw-araw nagbabanat ng buto, kaya di namin pinag-iisipan na tanggalin sa trabaho ang hindi maayos magtrabaho.” Ayon. Natuto na ako. Ang mga siniswelduhan ko ngayon ay mararangal at maaayos. Sinusubok ko na lang na maging kasing marangal at maayos ako na employer.

Dahil sa kumpare ko, inaasahan ko na ang lahat ay maaaring paunlarin ang sarili. At kung handa ang taong matutong magsulat at magsalita sa Ingles, Tagalog, Cebuano, Ilokano, dapat siyang tulungan.

Hangarin para sa ikaaasenso ng lahat

Hindi naman 'yung mayayaman lang ang mga sosyalera sa isyung ito. Naalala ko rin ang isa kong pinag-aaral dati na humiling sa akin na turuan siyang mag-Ingles sa tamang accent dahil pinagtatawanan ng kanyang mga kaklase ang kanyang accent. Hindi naman exclusive school ito. At ang accent na ipinagmamalaki ng mga tumutukso ay accent rin lang ng mga Tagalog kapag nagsasalita ng Ingles. Galing kasing Negros itong pinag-aaral ko. “Naku”, 'ka ko, “pabisitahin mo rito para pagtawanan ko. Di nila kaya ang aking accent na pang-UP Campus.” Ganoon lang naman 'yun. Kung gusto mong magmataas, kahit anong dahilan, p'wede na.

Kung tunay kang may pinag-aralan, talikuran ang lahat ng kalokohang iyan at matuto – hindi ng tamang accent (wala namang tama), sa halip ay ng tamang pag-iisip. Simulan sa pagsisikap na matuto ng tamang pagbaybay at gramatika. Tumanggap ng puna. kahit pangungutya pa yung iba. Basta matuto.

Hindi lahat ng mahusay magsulat ay maayos mag-isip. Hindi lahat ng maayos mag-isip ay mahusay magsulat. Ngunit napakalaki ng relasyon ng dalawa.

Alam naming mga guro na maraming salik ang lohikal at malalim na pag-iisip. Ang isang napakahalagang salik ay ang disiplina at kaayusan na dala ng pagsunod sa tamang pagbaybay at gramatika. Alam namin na nakapag-aral man o hindi ang isang tao, ang talas ng kanyang kaisipan ang siyang magdadala ng pag-asenso para sa kanya at sa bayan.

Alam namin ang kasiyahan at kabutihan na makukuha sa pagbabasa ng mga akademikong akda, pang-K-12 man ito o pandoktorado.

At kung 'yung iba diyan ay isinuko na ang ilang kababayan sa kanilang kamangmangan, may ilan sa aming hindi papayag. Ipaglalaban namin ang kalidad na edukasyon para sa lahat.

Ngunit bago tayo makarating doon, hindi namin isusuko ang ngayon. Lagi naming aayain ang lahat na magsikhay sa tamang pagpapahayag ng kaisipan. Ito pa kasi ang itinatago ng mga pekeng tagapagtanggol ng masa: wala sa mga tunay na nagmamahal sa wika ang tumitigil sa pagpapabuti ng kanilang kapasidad sa pamamahayag. 

Kaya samahan ninyo kami. Maraming taga-exclusive schools na naninindigan dito. Maraming hindi man nakatungtong ng high school o kolehiyo na ganito din ang paninindigan.

Sino ngayon ang tunay na elitista? – Rappler.com  

 

 

 

 

 

 

 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>